top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 17, 2023

Social media — araw man o gabi, ito na ang puntahan ng lahat ngayon, lalo na ng mga kabataang Pilipino.


Kaya nga puwede nating pakinabangan itong social media platform upang maabot ang mga bata para sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon lalo na sa gitna ng mga krisis tulad ng pandemya ng COVID-19.


Napapanahon ito at nagsisilbing malaking tulong para sa mga mag-aaral at mga guro lalo na’t sinisikap ngayon ng ating pamahalaan na gawing mas matatag at makabago ang sektor ng edukasyon.


Maraming mga aral ang mapupulot mula sa naging karanasan natin noong kasagsagan ng pandemya. Isang halimbawa na rito ang karanasan sa Lungsod ng Valenzuela na kung tawagin ay “Valenzuela Live”, kung saan gumamit sila ng Facebook at YouTube para sa pag-aaral at pagtuturo. Mayroon ding Facebook groups bilang alternative learning management systems para sa “Nanay-Teacher Program.” Bukod dito ay nagpamahagi rin ng 23,500 na tablets ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela upang matulungan ang mga nangangailangang mag-aaral sa lungsod.


Siyempre, kung gagamitin ang social media sa kanilang pag-aaral, dapat kaakibat nito ang maayos na imprastraktura sa internet.


Ayon sa 2020 COVID-19 Low Income Household Panel and Economic (HOPE) Survey ng World Bank Philippines, 60 porsyento sa 25 porsyento na pinakamahihirap na households ay walang access sa internet. Lumabas din sa survey na 98 porsyento ng mga mag-aaral sa naturang mga kabahayan ay piniling gumamit ng self-learning modules bilang kanilang pangunahing paraan ng pag-aaral noong kasagsagan ng pandemya.


Ayon sa Digital Report 2022 tungkol sa Pilipinas, lumalabas na may 92.05 milyong social media users sa Pilipinas sa pagsisimula ng 2022, katumbas ang 82.4 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa. Batay sa datos ng Meta, may 83.85 milyong gumagamit ng Facebook sa bansa sa simula ng 2022. Sa mga gumagamit ng Facebook, 42 porsyento ang nasa edad 13-24 at bahagi ng itinuturing na student age group.


Kaya naman para matuldukan na ang digital divide sa ating bansa ay inihain ng inyong lingkod ang mga panukalang batas tulad ng Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) at ng One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).


Kalahati ng ating populasyon na may edad 13 hanggang 24 ay nasa Facebook. Kung nasaan sila, dapat ay nandu’n din tayo at ang buong sektor ng edukasyon nang sa ganu’n ay masuportahan natin ang kanilang kinabukasan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 12, 2023

Kamakailan ay inihain ko ang Senate Bill No. 2457 upang tugunan ang mga hamong bumabalot sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).


Layon nitong palitan ang saklaw ng paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction o wika ng pagtuturo.


Iminumungkahi natin na maliban sa mga monolingual classes mula Kindergarten hanggang Grade 3, ang pagtuturo ng basic education ay magpapatuloy gamit ang Filipino. Kapag itinakda naman ng batas, puwede ring gamitin ang Ingles. Ito ay naaayon sa Section VII, Article XIV ng 1987 Constitution. ‘Pag sinabi nating monolingual class, ito ang mga grupo ng mga mag-aaral na nagsasalita ng parehong mother tongue at naka-enroll sa parehong baitang sa partikular na school year.


Ang panukala ng inyong lingkod ay gamitin ang mga lokal na wika bilang auxiliary media of instruction o pantulong na wika sa pagtuturo. Ito ay mas flexible na pamamaraan na nakasaad mismo sa Saligang Batas.


Sa ilalim ng ating panukalang batas, magpapatuloy ang mga prinsipyo at framework ng MTB-MLE sa mga monolingual classes, o sa mga pangkat ng mga mag-aaral na gumagamit ng parehong wika o mother tongue, at naka-enroll sa parehong grade level.


Kung inyong matatandaan, naging institutionalized ang MTB-MLE sa ilalim ng Enhanced Basic Education of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law.


Bagama’t merong 245 na nakatalang wika sa ilalim ng 2020 Census of Population and Housing, mayroong 19 na wika lamang na ginagamit ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng MTB-MLE. Kapansin-pansin din na ilan sa mga pinaka-ginagamit na wika tulad ng Boholano, Masbateño, at Kankanaey ay hindi kasama sa 19 wika na ipinapatupad ng DepEd.


Kung babalikan natin ang apat na naging pagdinig na ginawa ng Senado patungkol sa pagpapatupad ng MTB-MLE, napag-alaman natin na lahat ng mga pag-aaral na ipinakita sa paggamit ng mother tongue ay isinagawa sa mga lugar na gumagamit lamang ng isang wika.


Mistulang naging eksperimento ang MTB-MLE sa ating bansa sa pagpapatupad ng mother tongue sa mga lugar na maraming wika.


Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019 na siyam na porsyento lamang sa mga mag-aaral na nakilahok sa isinagawang survey ang nakatupad sa 4-minimal requirement para sa maayos na pagpapatupad ng MTB-MLE. Ito ay ang pagsusulat ng mga aklat sa wika, panitikan, at kultura; pagdodokumento sa ortograpiya ng wika; pagdodokumento sa balarila ng wika; at pagsusulat ng diksyunaryo ng wika.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, tututukan natin ang paksang ito dahil ang nakasalalay dito ay ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng ating mga mag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 10, 2023

Makabuluhan at malaki ang papel ng ating mga guro sa ating lipunan at sa paghubog ng kaalaman at abilidad ng ating mga kabataan. Ngunit hindi nila epektibong magagampanan ang kanilang papel kung hindi naaayon at akma sa pangangailangan nila ngayon ang kasalukuyang batas.


Napapanahon na para maghain ng panukalang batas na naglalayong amyendahan at gawing angkop sa kasalukuyang panahon ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Sa ilalim ng ihahaing panukalang batas, maglalagay tayo ng mga bagong probisyon na tiyak na magtataguyod sa kapakanan ng ating mga public school teachers.


Ilan sa mga bagong probisyon na isusulong ng inyong lingkod ay ang pagbibigay ng special hardship allowance sa mga mobile teachers, kabilang na ang mga Alternative Learning System (ALS) teachers. Isusulong din natin na mabigyang proteksyon ang mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses at pagsasagawa ng mga non-teaching tasks.


Itataguyod din natin ang karapatan ng mga guro at ang kanilang longevity pay.


Mantakin ninyo, 57 taon na ang lumipas simula nang maging batas ang Magna Carta, pero may mga probisyon ang batas na hindi pa rin naipapatupad hanggang ngayon.


Isa sa mga probisyong ito ang Section 22, kung saan nakasaad na makakatanggap ang mga public school teachers ng libreng annual physical examination. Bagama’t may binibigay naman ang Department of Education (DepEd) na tulong pinansyal para sa check-up ng mga guro simula noong 2019, wala pa ring programa para sa annual check-up ng mga guro kagaya ng nakasaad sa Magna Carta.


Nakasaad naman sa Section 26 ng batas na aakyat ng isang ranggo ang mga magre-retire na guro, at ang sahod sa ranggo na iyon ang magiging batayan sa mga benepisyo ng retirement. Sa kasalukuyan, ang average na buwanang sahod na natanggap ng empleyado sa huling 36 buwan ng panunungkulan bago ang retirement niya ang nagiging batayan sa kompyutasyon ng Government Service Insurance System (GSIS).


Hindi rin naipapatupad ang Section 31 kung saan minamandato ang DepEd secretary na magsumite ng annual budgetary requirements para sa pagpapatupad ng Magna Carta.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, makakaasa kayong patuloy nating isusulong ang ating adbokasiya na matugunan ang pangangailangan ng mga guro at maitaguyod ang kanilang kapakanan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page