top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 19, 2023

Naniniwala tayo na mahalaga ang suportang natatanggap ng mga estudyante mula sa kanilang mga guro. 


Isa sa mga pinakamahalagang dahilan kung bakit hindi umurong ang kaalaman ng ating mga mag-aaral noong pandemya ay ang ating mga dakilang guro.


Sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), lumabas sa index ng teacher support na mas mataas ang suportang ibinigay ng mga Pilipinong guro (0.50) sa kanilang mga mag-aaral kaysa sa average na naitala (-0.03) ng mga bansang kasapi ng Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD). Sa isinagawang forum tungkol sa resulta ng PISA 2022, binigyang diin ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Gina Gonong na mas mataas ng 17 hanggang 27 puntos ang marka ng mga mag-aaral na may gurong suportado ang kanilang pag-aaral.


Sa pinakahuling PISA, lumabas na 8 sa 10 mag-aaral ang nag-ulat na patuloy ang mga guro sa pagtuturo hanggang sa matutunan nila ang aralin (80 porsyento), tinutulungan nila ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral (81 porsyento), nagbibigay ng karagdagang tulong kung kinakailangan (81 porsyento), at nagpapakita ng interes sa pagkatuto ng mga mag-aaral (79 porsyento).


Gayunpaman, wala namang naitalang malaking pagbabago sa marka ng mga mag-aaral sa Reading, Mathematics, at Science mula 2018 hanggang 2022, kaya naman kailangan pa rin ng mga programa sa learning recovery.


Mahalaga na ating suportahan ang mga teacher sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kanilang kapakanan. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, inihain kamakailan ng inyong lingkod ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493), na layong amyendahan ang 57-taong Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670).


Kasama sa mga probisyon ng panukalang batas ang pagbabawas ng oras ng pagtuturo sa apat mula anim. Nakasaad din sa panukalang batas na bawal bigyan ng non-teaching tasks ang mga guro. Kung kinakailangan, maaaring magtrabaho ng hanggang walong oras lang ang mga guro at makakatanggap sila ng umentong katumbas ng kanilang regular na sahod at dagdag na 25 porsyento ng kanilang basic pay.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 14, 2023

Meron tayong good news at bad news.

 

Ang good news: tumaas ang Pilipinas (+2.66 points) sa average performance sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).

 

Mula sa puntos na 340 noong 2018, umakyat sa 347 noong 2022, ang marka ng mga Pilipinong mag-aaral na 15 taong gulang pagdating sa Reading Literacy. Sa Mathematical Literacy, umakyat sa 355 noong 2022 ang marka mula 353 noong 2018.


Pagdating naman sa Scientific Literacy, bumaba ang marka sa 356 noong 2022 mula 357 noong 2018.

 

Ang bad news: hindi pa sapat ang pagtaas na natamo natin.

 

Batay sa pagsusuri ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), maituturing na hindi statistically significant o hindi kalakihan ang itinaas ng marka sa Reading at Math ng mga mag-aaral ng bansa. Hindi rin statistically significant ang pagbaba ng marka sa Science. Pagdating sa ranking, pang-76 sa Reading ang Pilipinas sa 81 na bansa, pang-75 sa Mathematics, at pang-79 naman sa Science.

 

Hindi man umurong ang kaalaman ng mga kabataan noong tinamaan ang bansa ng COVID-19, kailangan pa rin nating paigtingin ang pagpapatupad ng learning recovery at pagsugpo sa krisis sa edukasyon na kinakaharap ng bansa.

 

Kasama sa mga hakbang ng inyong lingkod ang pagsusulong ng learning recovery programs ng Department of Education at ang pagsasabatas ng ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na ipinasa na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa noong Marso. Layon din ng panukalang batas na tugunan ang learning loss at tiyakin ang maayos na remediation plans para sa mga mag-aaral.

 

Bukod dito, isinusulong din natin ang paglalaan ng P10 bilyon para sa pagpapatupad ng academic recovery.

 

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, marami pa tayong mga repormang isusulong upang matiyak ang dekalidad na edukasyon sa bawat kabataang Pilipino.

 

Isa na rito ang kalulunsad lamang na MATATAG K to 10 curriculum na inaasahang magpapatatag sa foundational skills ng mga mag-aaral tulad ng literacy at numeracy.

 

Isa pang reporma ay ang Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na layong iangat ang kalidad ng edukasyon at training ng mga guro sa bansa. Sa naturang batas na iniakda at inisponsor ng inyong lingkod, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) para paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga ahensyang may kinalaman sa teacher education and training kagaya ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Tinitiyak nito ang maayos na transition ng mga guro mula kolehiyo hanggang sa magsimula na silang magturo. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 12, 2023

Hindi kaila ang paglobo ng mga oportunidad para sa paggamit ng digital books.


Isinusulong ng inyong lingkod ang isang oversight review o pagrepaso sa Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) para tiyakin kung nakakasabay ang book publishing industry ng Pilipinas sa pagbabago ng panahon at sa digitalization.


Sa isang naganap na pagdinig sa panukalang National Reading Month Act (Senate Bill No. 475), ito ang ating tinanong sa mga stakeholder: Nakatutok ang batas na lumikha ng National Book Development Board (NBDB) sa mga printed na aklat, pero paano tayo makakasabay sa digitalization? Paano natin mahihikayat ang mga publishers na maging digital? At paano natin paiigtingin ang access ng publiko sa impormasyon lalo na’t digital na lahat ngayon?


Base kay Atty. Jane Blessilda Fabula mula sa Office of the Executive Director ng NBDB, walang programa sa kasalukuyan ang ahensya upang suportahan ang digitization ng mga aklat. Nababahala raw kasi ang mga stakeholder dahil sa mga copyright infringement issues. Kaya magsasagawa tayo ng oversight sa mandato ng NBDB para suriin kung tumutugon nga ba sila sa mga pagbabago ng panahon.


Ang mandato ng Book Publishing Industry Development Act sa NBDB ay bumuo ng mga plano, programa, mga polisiya at pamantayan sa paglikha, produksyon, at distribusyon ng mga aklat. Bahagi rin ng mga responsibilidad ng Board ang pagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa book publishing industry, kabilang ang monitoring at paglikom ng datos at impormasyon sa produksyon ng mga aklat.


Ayon sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), walo sa 100 mag-aaral sa Grade 5 ang nagbabahagi ng kanilang mga reading at mathematics textbooks sa dalawa pang mga mag-aaral. Lumabas sa naturang pag-aaral na mas mataas ang marka sa Reading, Writing, at Mathematics ng mga mag-aaral na may sariling textbook.


Ngunit sa isang pagdinig na isinagawa ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), humaharap sa maraming hamon ang produksyon ng mga textbook para sa mga pampublikong paaralan. Ayon kay NBDB Officer-In-Charge Division Chief Kevin AnselDy, inaabot ng tatlo hanggang limang taon ang proseso ng rebisyon na tumatagal lamang dapat ng 180 araw.


Kabilang sa mga dahilan ng matagal na proseso ng rebisyon ang magkakatunggaling mga komento at ang kawalan ng buong atensyon mula sa Bureau of Curriculum and Development ng Department of Education (DepEd). Sabi ng NBDB, kinakailangan din ang kompetisyon sa industriya upang matiyak na may mga dekalidad na materyal na magagamit ang mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page