top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 16, 2024

Anuman ang edad, dapat financial literate.


Pagdating sa usaping gastusin at pananalapi, mahalaga na naturuan din dito ang mga kabataan para matiyak ang kanilang seguridad at kapakanan sa hinaharap. 


Naghain ang inyong lingkod noong nakaraang taon ng panukalang batas (Senate Bill No. 479 o Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act) na layong turuan ng financial literacy ang mga mag-aaral sa elementarya, high school, kolehiyo at mga nasa technical-vocational institutions. 


Nakakabahala kasi ang resulta ng 2021 Financial Inclusion Survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ipinapakita ng survey na kahit na mas maraming Pilipino ang maaaring magkaroon ng financial account at mamuhunan, mas kaunti ang mga Pilipino na may savings at insurance noong 2021. Sa katunayan, ang mga Pilipinong nasa hustong gulang na may savings ay bumaba sa 37 porsyento noong 2021 mula 53 porsyento noong 2019, habang ‘yung mga nasa hustong gulang na may insurance ay bumaba rin sa 17 porsyento noong 2021 mula sa 23 porsyento noong 2019. 


Sa pagiging financial literate, makakagawa ang mga mag-aaral ng mabuting desisyon habang bata pa para maging maayos ang kanilang finances hanggang sa hinaharap.


Kailangan lang natin silang gabayan. 


Lumalabas sa survey ng BSP na ang kakulangan sa financial literacy ay pumipigil sa marami nating mga kababayan na makapagdesisyon nang maayos para sa kanilang kinabukasan at maprotektahan ang kanilang sarili dumating man ang sakuna o anumang pangangailangan. 


Kaugnay ng BSP survey, naghain ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 569 upang magbalangkas ang Kongreso ng mga patakaran para sa mga repormang tutulong sa mga Pilipino na magkaroon ng tamang kaalaman at desisyon sa paghawak ng pera kabilang ang pag-iimpok, insurance, pamumuhunan, at paghahanda para sa pagreretiro. 


Dahil sa limitadong kita, maraming Pilipino ang naaantala o nauubos pa rin ang ipon, at pumapatol sa kung anu-anong klase ng pangungutang na hindi nababayaran tulad ng sari-saring investment scam na malimit na inaalok ng mga kumpanyang hindi regulated ng gobyerno na kadalasang may mataas na interes. 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 11, 2024

Ang pagbabasa ay isa sa matitibay na pundasyon ng karunungan. Ito ay pangunahing kasanayan na dapat matutunan ng isang estudyante upang kanyang maunawaan ang mga aralin at maging matagumpay sa pag-aaral. 


Kaya naman nasasabik tayo dahil sa a-dose na ng buwan ilulunsad sa lahat ng mga pampublikong paaralan ang programa sa pagbabasa upang maiangat ang literacy skills ng ating mga mag-aaral. 


Kung babalikan natin ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), mas mababa pa rin ang average ng Pilipinas (347), kung ihahambing sa average ng mga bansang bahagi ng Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD) (476) na nagsasagawa ng PISA. Ipinapakita sa PISA na kahit papaano ay naiintindihan ng mga 15 taong gulang na mga mag-aaral ang mga literal na kahulugan ng mga maiikling pangungusap. 


Ngunit kahit na lumabas na tumaas ang score ng mga mag-aaral noong 2022 PISA kung ikukumpara natin sa 353 na naitalang score noong 2018 PISA, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na hindi pa rin maituturing na statistically significant ang pagbabagong ito. Hindi nga umurong ang kaalaman ng mga kabataan sa kabila ng COVID-19 pandemic, pero wala rin namang malaking pagbabagong nakita.   


Binigyang-diin din ng DepEd na 76 porsyento ng mga 15 taong gulang ang hindi umabot sa minimum proficiency pagdating sa Reading o Pagbasa. 


Sa pagangat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa, kailangang tutukan at bigyan ng prayoridad ang mga programang hahasa sa kakayahan ng ating mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa. Patuloy sanang magtulungan ang pamahalaan, mga paaralan, at magulang sa layuning ito. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang ilang mga programa para paigtingin ang pagbabasa at learning recovery. Isa na rito ang ARAL Program Act (Senate Bill No.1604) na layong tugunan ang pinsalang idinulot ng nagdaang pandemya. Saklaw ng naturang pa-nukala ang mga essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10, at Science para sa Grade 3 hanggang 10.


Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, bibigyang-diin ng programa ang literacy at numeracy.


Isinusulong din natin ang ilang mga panukalang batas tulad ng National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) at National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473). Layon ng National Reading Month Act na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre upang isulong ang kultura ng pagbabasa. Layon naman ng National Literacy Council Act na gawing de facto local literacy councils ang mga local school boards.

 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 9, 2024

Sa pamamagitan ng 2024 General Appropriations Act (Republic Act No. 11975), tutugunan ang pinangangambahang kakulangan sa pondo ng free tuition fee sa mga State Universities and Colleges (SUCs).


Nasa 2024 GAA ang isang special provision na ipinanukala ng inyong lingkod, kung saan nakasaad na maaaring gamitin sa pondo ng libreng kolehiyo ang mga hindi nagalaw na balanse ng Higher Education Development Fund (HEDF). Gagamitin ang naturang pondo upang punan ang mga kakulangan sa pondo ng libreng kolehiyo sa mga SUCs at ang program of receipts and expenditures, na nakabatay naman sa bilang ng mga enrollees at ang matrikulang inaprubahan ng mga board of regents o trustees ng mga naturang SUCs.


Aabot sa P4.1 bilyon ang kakulangan sa pondo ng programang libreng kolehiyo. Ayon sa Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), tinatayang aabot sa 1.8 milyong mga mag-aaral ang makikinabang sa libreng tuition ngayong 2024.


Iminungkahi natin ang paggamit ng HEDF dahil batay sa datos ng Bureau of Treasury, umabot sa P10.167 bilyon ang accumulated net balance ng naturang pondo noong Mayo 22, 2022, sapat para mapunan ang pinangangambahang kakulangan sa pondo ng mga SUCs para sa taong 2024. Ngunit magagamit ang HEDF para sa kakulangan sa pondo sa taong 2024 lamang.


Kailangang tugunan ang pinangangambahang kakulangan sa pondo sa libreng kolehiyo para sa mga SUCs lalo na’t maaapektuhan rito ang kakayahan nilang magpatayo ng mga bagong classroom, mga pasilidad, at mga laboratory — bagay na makakaapekto rin sa kalidad ng edukasyong hatid ng mga SUCs.


Tiniyak natin na para sa bagong taong ito, maiiwasan natin ang kakulangan ng pondo para sa libreng kolehiyo sa ating mga state universities at colleges. Mahalagang tiyakin natin ang sapat na pondo para sa ating mga SUCs, hindi lamang para sa libreng kolehiyo, kundi para maipagpatuloy din nila ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon para sa ating mga mag-aaral. 

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page