top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 25, 2024

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakakamit ang pag-angat ng kalidad ng pagtuturo ng minamahal nating mga guro.


Kaya naman patuloy na hinihimok ng inyong lingkod ang ating pamahalaan na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No.11713).


Sa ilalim ng naturang batas na iniakda at isinulong ng inyong lingkod noong 18th Congress, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng mas pinaigting na ugnayan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Ito ay para tiyakin na may ugnayan sa lahat ng yugto ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro, mula pre-service education sa kolehiyo hanggang sa in-service education sa panahong nagsimula na sila sa pagtuturo. 


Mandato rin sa TEC ang pagtatakda ng minimum requirements sa mga teacher education program.


Kasabay ng pagtiyak ni Vice President at Secretary of Education Sara Duterte na tutuparin ng bagong Teacher Education Council at Secretariat nito ang kanilang mga mandato, mahalaga ring maipatupad ang ibang mga probisyon ng batas — kabilang na rito ang pagtatalaga at pagbuo ng mga Teacher Education Centers of Excellence sa lahat ng mga rehiyon sa bansa. Maaasahang may mahusay na track record ang mga Teacher Education Centers of Excellence na siya ring pinagmumulan ng mga pinakamahusay na graduates sa kursong Education.


Mula 2018 hanggang 2022, lumabas sa datos ng Programme for International Student Assessment (PISA) na tumaas ang porsyento ng mga mag-aaral sa mga paaralan na kapos sa mga guro o mga paaralang may mga hindi kuwalipikadong guro, batay sa pinagsama-samang ulat ng mga punong-guro.


Noong 2022, pumalo sa 43 porsyento ng mga mag-aaral ang mga nasa paaralang walang mga guro, at 19 porsyento naman ang mga nasa paaralang kulang sa guro o kaya naman ay hindi kuwalipikadong mga guro. Noong 2018, ang mga katumbas na porsyentong naitala para sa mga ito ay 19 porsyento at walong porsyento.


Nakalaan ang P777.5 bilyon sa 2024 General Appropriations Act (Republic Act No. 11975) para sa in-service training ng mga teacher, administrator, at education support personnel. Saklaw din ng pondong ito ang training ng mga K to 10 teachers para sa pagpapatupad ng MATATAG curriculum. Dapat din ay aligned ang MATATAG curriculum sa mga teacher education programs.


Ang Excellence in Teacher Education Act ay isang mahalagang reporma para iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay para sa ating teachers. Mahalagang magarantiya natin na handa at may sapat na kakayahan ang ating mga guro, bagay na magagawa natin kung mabibigyan natin sila ng dekalidad na edukasyon at sapat na pagsasanay.


Ipinasa natin ang Excellence in Teacher Education Act upang makamit natin ang layuning ito at kailangan nating tiyakin na maayos itong naipapatupad. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 23, 2024

Sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 76 porsyento ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang hindi umabot sa minimum proficiency sa Reading. Sa madaling salita, karamihan ng mga mag-aaral sa bansa ay nahihirapan sa pagbabasa.


Kaya maganda ang ideya ng Department of Education (DepEd) na magpatupad ng programang tulad ng ‘Catch-Up Fridays’ upang iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa.


Sa 2022 PISA, mababa pa rin ang average (347) na marka ng Pilipinas kung ihahambing sa average (476) na naitala sa mga bansang kasapi sa Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD). Batay sa marka ng mga bata noong nakaraang PISA, naiintindihan ng mga 15 taong gulang na mga mag-aaral ng bansa ang literal na kahulugan ng mga pangungusap.


Sinusuportahan natin ang pagsasagawa ng ‘Catch-Up Fridays’ dahil ito ay mag-aambag sa pagpapalakas ng kakayahan ng ating mga mag-aaral na bumasa. Nakita natin sa datos na marami sa ating mga kabataan ang nangangailangan ng tulong pagdating sa pagbabasa, kaya naman mahalagang suportahan natin ang mga programang tutugon sa pangangailangan nila.


Mula nang inilunsad ng DepEd ang ‘Catch-Up Fridays’ noong Enero 12, pinapatakbo ang programa sa lahat ng mga public school sa elementary at high school, pati na rin sa mga community learning centers (CLCs) sa buong bansa. 


Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 001 s. 2024, ilalaan ang Drop Everything and Read activity sa lahat ng mga araw ng Biyernes sa buwan ng Enero. Lahat ng Biyernes sa buong school year ay naka-focus sa National Reading Program (NRP) sa unang kalahating araw, habang sa pangalawang bahagi naman ay uupuan nila ang mga paksang Values, Health, at Peace Education. Kabilang rin ang Mathematics Programs.


Bilang chairman ng Committee on Basic Education sa Senado, isinusulong ng inyong lingkod ang mga panukalang batas na magpapatatag ng kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbabasa. Isa rito ang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na layong magpatupad ng isang national learning recovery program upang tugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Inihain din natin ang National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) na layong gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre at isulong ang kultura ng pagbabasa. 


Sa pamamagitan ng mga learning recovery program, titiyakin nating matututukan natin ang pangangailangan ng mga kabataang mag-aaral upang hindi sila mapag-iwanan pagdating sa kanilang kaalaman.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 18, 2024

Pagdating sa pagkamit ng dekalidad na edukasyon, mahalagang isulong ang ilang mga adhikaing tulad ng voucher program upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nangangailangang kabataan. Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod na palawakin pa ang tulong pinansyal para sa mga kabataang mag-aaral.


Itinulak natin na maging bahagi na ang mga Kindergarten hanggang Grade 6 sa mga benepisyaryo ng voucher program ng gobyerno sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE). Ang voucher program ay isang anyo ng tulong pinansyal para sa mga kuwalipikadong mag-aaral.


Sa ilalim ng programa, nakakatanggap ang mga mag-aaral ng ayuda sa pamamagitan ng mga voucher.Kung palalawakin ang voucher program sa K to 6 ng mga private school, makakatulong ito sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral, maging sa mga pinapasukan nilang paaralan.


Malaking tulong din na palalawigin ng Department of Education (DepEd) ang voucher program para sa mga mag-aaral ng Grade 11 na naka-enroll sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) sa ilalim ng senior high school (SHS) system.


Ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa, may 17,751 na Grade 11 students ang hindi na tumatanggap ng voucher dahil natapos na ang subsidy program para sa mga mag-aaral ng senior high school sa mga SUCs at LUCs.


Noong nakaraang buwan, iniutos ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman J. Prospero de Vera III ang lahat ng SUCs at LUCs na itigil ang pag-aalok ng naturang programa sa senior high school simula School Year 2024-2025 dahil wala nang legal na batayan para rito. 


Base rin sa isang memorandum mula sa Office of the CHED chairperson, ang kapangyarihan ng SUCs at LUCs na mag-alok ng nasabing programa ay tapos na simula nang magkaroon ng transition period para sa K-12 system mula noong School Year 2016-2017 hanggang School Year 2020-2021.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page