top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 6, 2024

Suportado ng inyong lingkod ang bagong kautusan ng Department of Education (DepEd) na alisin ang mga non-teaching task sa mga guro. Kailangang gawin ang hakbanging ito para maiangat natin ang kalidad ng sistema ng edukasyon sa bansa.


Bukod dito, makikita rin natin ang magiging epekto nito sa performance at efficiency ng mga mag-aaral. 


Sa katunayan, ang pag-alis ng non-teaching tasks sa ating mga guro sa public schools ay isa sa mga probisyon sa ating inihaing panukalang batas na Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493). Nakalagay din sa naturang panukala ang pag-hire ng sapat na non-teaching staff na magsasagawa ng mga administrative task.


Dito, imamandato ng DepEd na punan ang lahat ng non-teaching positions at tukuyin ang standard class size sa bawat antas sang-ayon sa international standards.


Makakatanggap naman ng karampatang sahod ang mga guro na humahawak ng malalaking klase. Nakasaad sa inilabas na Department Order No. 002 ng DepEd na hindi na gagawin ng mga guro ang mga trabahong tulad ng personnel administration; property at physical facilities custodianship; general administrative support; financial management; records management; at ang pagpapatakbo ng mga programang tulad ng feeding, school disaster risk and reduction management; at iba pang mga programa. 


Napapanahon na para pagaanin ang workload ng lahat ng mga guro. Napakalaki ng kanilang papel sa ating lipunan at sa paghubog ng kaalaman at abilidad ng ating mga kabataan, pero hindi nila epektibong magagampanan ang kanilang makabuluhang papel kung kumplikado at ubod nang dami ang kanilang mga responsibilidad. 


Batay sa ulat ng Second Congressional Commission on Education na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” patuloy na isinasagawa ng mga guro ang iba’t ibang administrative tasks sa kabila ng mga pagsisikap na bawasan ang kanilang mga trabaho. 


Kapag natanggal na ang mga non-teaching task sa mga guro, masisiguro nating matututukan na nila ang pagtuturo. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, makakaasa kayong patuloy nating isusulong ang ating adbokasiya na matugunan ang pangangailangan ng mga guro at maitaguyod ang kanilang kapakanan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 1, 2024

Bahagi ng motibasyon ng inyong lingkod sa patuloy na pagsusulong ng mga panukala saSenado kaugnay sa edukasyon ay ang pagkamit ng mga layunin ng MATATAG Agenda ng Department of Education (DepEd). 


Napapanahon itong paglikha ng MATATAG K to 10 curriculum para maiangat ang performance ng mga mag-aaral.


Ang naturang programa ay produkto ng dalawang taon ng pagtuklas at pagsisiyasat sa mga kasalukuyang pangangailangan ng mga mag-aaral at mga pagsubok sa kanilang pag-aaral.


Sa pamamagitan nito, mababawasan na ang mga required competency sa 3,600 mula sa bilang na 11,000, at binibigyang diin ang basic competencies tulad ng literacy at numeracy. 


Kailangan nating maunawaan na ang tagumpay ng bawat mag-aaral ay nakasalalay sa kanilang nakukuhang edukasyon. Kaya naman upang makamit ito, mahalagang maipatupad nang maayos ang programa at maging handa ang ating mga guro para sa pagpapatupad ng MATATAG K to 10 curriculum para sa School Year 2024-2025.


Sa ilalim ng 2024 national budget, may P777.5 milyon na inilaan para sa in-service training ng mga guro, kabilang na ang training ng K to 10 teachers.  


Kaugnay nito, isinusulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 4670) na layong bawasan ang oras ng pagtuturo mula anim pababa sa apat. Ipinagbabawal din ng panukalang batas ang pagbibigay ng non-teaching tasks sa mga guro at imamandato ang calamity leave, educational benefits, longevity pay, at special hardship allowance batay sa itatalagang mga pamantayan. 


Kaugnay naman sa pagpapatupad ng mga programa para sa learning recovery, tulad ng Catch-Up Fridays, isinusulong din natin ang pagsasabatas ng ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) upang magkaroon ng pambansang programa sa learning recovery na tutugunan ang pinsalang dulot ng COVID-19 pandemic. 


Pagdating naman sa kahandaan ng mga senior high school graduate sa trabaho, inihain natin ang panukalang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na layong paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, academe, at mga katuwang sa private sector. Dito natin matitiyak na handa ang mga senior high school graduate para sa kolehiyo, middle-skills development, employment, at pagnenegosyo. 


Sa kabila ng patuloy nating pagharap sa mga hamong may kinalaman sa kalidad ng edukasyon sa bansa, huwag tayong panghihinaan ng loob. 


Sa aking tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, kabilang na ang kolaborasyon at pakikipagtulungan sa DepEd, nananatili tayong determinado na maaabot natin ang mga layunin ng MATATAG agenda, maitataguyod ang kapakanan ng ating mga guro, at matitiyak na walang batang mapag-iiwanan. 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 30, 2024

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, buo ang ating suporta sa mga hakbang ng Department of Education (DepEd) para sa pagbabalik ng dating school calendar na nagsisimula ng Hunyo at nagtatapos ng Marso o Abril. 


Kung inyong matatandaan, ipinanawagan na natin noon ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar. Ito ay magbibigay sa mga mag-aral ng pagkakataong makasama ang kanilang mga pamilya, lalo na’t sa panahon ng tag-init o summer madalas ginaganap ang mga family outing. At dahil sa buwan ng Mayo naman ginaganap ang halalan, maaaring magbigay ng mas maraming panahon sa paghahanda kapag bumalik sa dating school calendar. 


Sa isang Pulse Asia survey na isinagawa mula Hunyo 19 hanggang 23, 2023, lumabas na 80 porsyento ng mga Pilipino ang pabor sa pagbabalik ng summer break sa Abril at Mayo. 


Naghain na tayo dati ng Proposed Senate Resolution No. 672 noong nakaraang taon para suriin ang mga batayan ng school opening.


Sa isang pagdinig na ginanap noong Agosto 23, 2023, binigyang diin ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na bagama’t hindi kasabay ng kasalukuyang school calendar ang mga araw na may malakas na ulan at mas kaunting class cancellation dahil sa mga bagyo, kasabay naman nito ang mga araw na sobrang init. Binigyang diin din ng ahensya na umakyat na ng 0.75 porsyento ang average na temperatura sa Pilipinas.  


Muli namang ipinagpatuloy ng DepEd ang mga konsultasyon sa mga stakeholder, kabilang ang grupo ng mga guro, mga paaralan, mga magulang, at mga student-leaders. Ibinahagi ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas ang naging kasunduan sa DepEd na tapusin nang mas maaga ang School Year 2023-2024. 


Nakatakda ang pagwawakas ng school year sa Hunyo 14 pero napagkasunduan ang mas maagang pagwawakas ng school year.  Ang naging paliwanag naman ni DepEd Deputy Spokesperson Francis Cesar Bringas ay balak ng kagawaran na buksan sa Hulyo ang SY 2024-2025, at Hunyo naman sa pagbubukas ng SY 2025-2026. Patuloy ang mga konsultasyon sa pagitan ng DepEd at mga stakeholder hanggang sa magkaroon ng pinal na polisiya. 


Mahalaga ang pagsasagawa ng maayos na konsultasyon sa lahat ng stakeholder lalo na’t pabor ang karamihan sa ating mga kababayan na ibalik sa buwan ng Hunyo ang simula ng pasukan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page