top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 27, 2024


Pagsapit muli ng budget season ngayong taon para pag-aralan ang kabuuang pondo ng bansa sa 2025, kasama sa imumungkahi natin ang paglalaan ng pondo para sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA). Mahalaga na mapaghandaan ito ng Pilipinas upang maiangat natin ang marka ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral sa naturang assessment.


Sa nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa naging resulta ng PISA noong 2022, ipinaalala ni Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) INNOTECH Center Director at dating DepEd Secretary Leonor Briones ang mga hakbang na ginawa ng Department of Education para paghandaan ang PISA. Kabilang dito ang paghahanda ng mga materyal para sa public school teacher at mga estudyante, pati na rin ang pagtitipon ng supplementary sources at familiarization materials na ginamit ng mga rehiyon sa field preparations.


Sa Cordillera Administrative Region (CAR) naman, sinabi ni DepEd-CAR Director Estella Cariño na sinanay nila ang kanilang mga mag-aaral na gumamit ng computer. Kung kulang o wala talagang computer ang isang paaralan, humihingi na lang sila ng tulong sa local government units.


Ang CAR ang isa sa tatlong pangunahing rehiyon na may pinakamaraming mag-aaral na nakapagkamit ng minimum proficiency sa reading, science, at math. Habang ang dalawa pang rehiyon ay ang National Capital Region at Region IV-A (CALABARZON).


Ang isasagawang PISA sa 2025 ay sesentro sa science. Kasama rin dito ang makabagong larangan na tinatawag na Learning in the Digital World na layuning sukatin ang kakayahan ng mga mag-aaral na makilahok sa self-regulated learning habang gumagamit ng digital tools.


Sa tulong ng sapat na suporta para mapaghandaang mabuti ang PISA, umaasa tayong magiging maganda ang performance ng mga mag-aaral sa 2025 assessment.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 22, 2024


Napakahalaga ng mga public hearing na ginagawa natin sa Senado. Importante rin ang pagsubaybay ng publiko sa ating mga talakayan sa sektor ng edukasyon — kung saan mapapanood ito sa YouTube at iba pang official social media platforms ng Senado at ng inyong lingkod — upang maging maalam at mapagmatyag tayo sa mga pinakahuling kaganapan o anumang pagbabago sa sistema at sa mga paaralang pinapasukan ng ating mga anak.


Isa na rito ang mungkahi ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education na repasuhin ang mga non-performing Teacher Education Institution (TEIs). Ito ang mga kolehiyo na hindi nagtatagumpay na magkaroon ng Licensure Examination for Teachers (LET) passers.


Sa nagdaang hearing tungkol sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), ibinahagi ng Chairperson ng Technical Panel for Teacher Education of the Commission on Higher Education (TPTE-CHED) na si Dr. Edizon Fermin na maglalabas ng isang CHED Memorandum Order para sa unti-unting pagtanggal ng dalawang uri ng TEIs: iyong mga hindi maayos ang performance sa LET at iyong mga hindi nakakasunod sa pamantayan ng komisyon.


Mayroon naman kasi tayong solusyon sa hindi pagkakatugma ng pre-service at in-service. Sa pamamagitan ng isinabatas na Excellence in Teacher Education Act, pinapatatag natin at binibigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang Teacher Education Council.


Kabilang dito ang pagbibigay ng mas malaking boses sa DepEd para tiyaking may ugnayan sa lahat ng yugto ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro mula pre-service education sa kolehiyo hanggang sa in-service education sa panahong nagtuturo na sila. Patuloy nating hinihintay na maipatupad nang ganap itong naturang batas.


Sa ulat na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” walang alinlangang pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mababang passing rates sa LET at mahinang quality assurance ng mga TEI. Mula 2009 hanggang 2023, ang average LET passing rate sa elementary ay 33 porsyento habang 40 porsyento naman sa secondary.


Napansin din ng komisyon na mula 2012 hanggang 2022, 77 na mga Higher Education Institution (HEIs) na may programang Bachelor of Elementary Education at 105 HEIs na may programang Bachelor of Secondary Education ang nagpapatuloy sa kanilang mga operasyon kahit na wala silang graduate students na pumapasa sa LET.


Malinaw na indikasyon ito ng mariing pangangailangan na maituwid ang mga pagkakamali at mapunan ang mga pagkukulang ng mga paaralan. Naniniwala tayo na kung maganda ang mismong pundasyon ng mga guro, inaasahang dekalidad din ang ibibigay nilang klase ng pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral.


Katuwang ang Senate Committee on Higher Education at EDCOM II, sinusuportahan natin sa Senate Committee on Basic Education ang unti-unting phaseout ng underperforming TEIs.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 20, 2024

Kung hindi magtatagumpay ang mga mag-aaral sa kanilang edukasyon, maliit lang ang tsansang makakuha sila ng magandang trabaho. Isa sa mga dahilan nito ay ang maagang pagbubuntis ng mga babaeng kabataan.


Nakakapanghinayang isipin na napakarami sa kanila ang mahuhusay pero dahil sa kanilang mga responsibilidad bilang batang ina, naisasantabi ang kanilang edukasyon. Ang resulta: paghinto sa pag-aaral at kawalan ng sapat na skills set at competencies para ihanda sila sa pagtatrabaho.


Sa nagdaang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education ukol sa pag-aanalisa sa 2022 Program for International Student Assessment (PISA) results ng bansa, naibahagi ng inyong lingkod na, “Girl students outperform the boys.” Kaya naman mahalaga na tutukan at seryosohin natin ang mga hakbang upang maresolba ang suliraning tulad ng teenage pregnancy.


Sa ating panawagan sa Department of Education (DepEd) na paigtingin ang pagtuturo ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) sa mga paaralan, matitiyak natin na may akma at wastong edukasyon ang mga kabataan upang maging mas maalam sila sa sarili nilang pangangatawan at kalusugan, at malaman ang kahihinatnan kapag nabuntis o nakabuntis sa murang edad. Sa pamamagitan din ng CSE, nagiging malinaw sa ating mga kabataan ang kahalagahan ng kabutihang asal at pag-uugali.


Sa ganitong paraan, mapoprotektahan natin sila, mapapanatili sila sa pag-aaral at higit sa lahat makakamit nila ang maginhawang kinabukasan.


Tulad ng nabanggit ni DepEd Assistant Secretary Alma Ruby Torio, mainam rin na mayroong Alternative Delivery Mode (ADM) ang DepEd, kung saan inihahandog ang mga alternatibong paraan upang makatapos ng pag-aaral ang mga batang hindi makapasok sa klase dahil sa iba't ibang dahilan — kabilang na rito ang pag-dropout dahil sa maagang pagbubuntis.


Sa inilathala ng Bureau of Learning Delivery-Teaching and Learning Division sa ilalim ng DepEd, ang ADM ay ginagawa sa bahay ng bata at ibinibigay ang pagtuturo sa mga magulang. Mahalaga na makadalo ang magulang ng bata sa isang pagsasanay na isasagawa ng paaralan upang magabayan ang mga magulang sa mga paraan ng pagtuturo.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, katuwang ang inyong lingkod sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga mag-aaral at sama-sama tayo para puksain ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page