top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 19, 2024

Dapat buksan natin ang sektor ng tech-voc at imbitahan ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa at magmay-ari ng mga technical-vocational school. 


Magpapalawig ito sa access ng mga Pilipino sa dekalidad na skills training. Inirereklamo ng ating mga paaralan na mahal ang equipment na kayang ibigay ng mga dayuhang kumpanya basta sila ang magpapatakbo ng institusyon. Ngunit, ang problema ay hanggang 40 porsyento lang ang maaari nilang pagmamay-ari. 


Lumabas sa pananaliksik ng Second Congressional Commission (EDCOM II) na sa ASEAN, ang Pilipinas lamang ang may Konstitusyon na mayroong limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan, pagpapatayo ng mga paaralan, at enrollment. Sa ibang mga bansa sa ASEAN, natutugunan ang mga isyung ito sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng batas.  


Nais ding bigyang-diin ng inyong lingkod ang kahalagahan ng mga insentibo sa mga foreign education institution na nais pumasok ng bansa. Halimbawa, maaaring magmula sa gobyerno ang lupang pagtatayuan ng mga pasilidad, ngunit kailangang tumanggap ang paaralan ng mga Pilipinong mag-aaral.  


Kung titingnan nating maigi, magiging tamang kombinasyon ito ng pagmamay-ari at insentibo. Kailangan nating mahanap ang tamang sangkap. Ang layunin ay dalhin ang mga dayuhang institusyon sa bansa at magbigay ng pagsasanay sa mga Pilipino.


Mahalaga ito dahil dito natin napapaigting ang ating kaalaman patungo sa pagbuo ng isang ekonomiyang nakabatay sa inobasyon. 


Nagbahagi rin ang EDCOM II ng halimbawa ng mga insentibo na ibinibigay sa mga paaralan sa ASEAN na pagmamay-ari ng mga dayuhan. Sa Malaysia, halimbawa, may 100 porsyentong income tax exemption sa mga international non-profit school, habang 70 porsyento naman ang income tax relief ng mga pribadong paaralan. Sa Vietnam, exempted ang international schools sa pagbabayad ng corporate income tax sa loob ng apat na taon, habang babawasan ng 50 porsyento ang tax payable nila para sa susunod na limang taon. 


Bukod dito, kailangan pang magpasa ng Kongreso ng batas kung sakaling pahintulutan ng Saligang Batas ang foreign ownership sa mga paaralan. Naniniwala tayo na mahalagang mabigyan ang Kongreso ng flexibility sa pagresponde sa mga magiging hamon na may kinalaman sa liberalisasyon ng edukasyon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 14, 2024

Patuloy ang ating pakikipagdayalogo sa mga education stakeholder sa pagpapatupad ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE). Nadiskubre kasi namin sa ating Committee on Basic Education ang ilang problema sa pagpapatupad nito.


Lumabas sa isang Performance Audit Report ng Commission on Audit (COA) noong 2018 na limitado lang ang datos ng Department of Education (DepEd) hinggil sa epekto ng GASTPE sa pag-decongest ng mga pampublikong paaralan.


Sa pag-aaral ng COA, walang malinaw na polisiya kung sino ang dapat na mga benepisyaryo ng voucher program ng Educational Service Contracting (ESC). 


Ang ESC ay isang programa sa ilalim ng GASTPE, kung saan binabayaran ng pamahalaan ang matrikula at iba pang mga bayarin ng mga benepisyaryong mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan na nalilipat sa mga private school na kinontrata ng DepEd.


Batay sa nagdaang mga pagdinig ng ating Basic Education Committee, marami ring mga kaso kung saan ang nagiging benepisyaryo ay mga non-poor. Sabi ng DepEd, hindi raw kasi klaro ang pamantayan sa ESC at GASTPE hinggil sa programa. 


Bakit nga hindi klaro ang mga panuntunan?


Batay sa datos ng DepEd at sa pagsusuri ng Senate Committee on Basic Education na ating pinamumunuan, ang mga rehiyon na may pinakamalaking porsyento ng mga nagsisiksikang junior public high school ay ang National Capital Region (72 porsyento), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) (71 porsyento), at Region X (50 porsyento).


Batay sa datos ng DepEd at pagsusuri ng tanggapan ng inyong lingkod, ang mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng aisle learners — sila ‘yung mga mag-aaral na hindi na mabibigyan ng espasyo sa loob ng mga paaralan dahil sa sobrang siksikan — ay ang Region IV-A (319,409), NCR (265,894), at Region VII (118,443).


Sa pagsusuri naman ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) gamit ang datos ng Private Education Assistance Committee (PEAC), may 149 municipalities na mga nagsisiksikang klasrum sa public junior high school pero kakaunti ang ESC schools.


Umaasa tayo sa sinabi ng DepEd na aayusin na ang mga pamantayan ng ESC at bibigyang prayoridad ang mga lugar kung saang public schools may pinakamaraming nagsisiksikang mga estudyante. 


Kailangan nating tugunan ang masisikip na silid-aralan sa mga pampublikong paaralan at ibigay sa nararapat na mga benepisyaryo ang benepisyo ng programang ito. Unang dapat ayusin ay angkop na listahan ng mga benepisyaryo ng GASTPE para matugunan ang suliraning ito. 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 12, 2024

Mahalaga na maging mabilis tayo sa proseso ng pagbili ng mga textbook sa public schools. Sa kasalukuyan kasi, may kabagalan ang procurement ng mga ito. 


Kung patuloy nating haharapin ang suliraning ito, ang kalidad ng edukasyong natatanggap ng mga kabataang mag-aaral ang maaapektuhan.  


Sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” lumalabas na mula 2012, 27 na textbooks lang ang nabili para sa Kindergarten hanggang Grade 10.


Nakasaad din sa pag-aaral na mula nang ipinatupad ang K to 12 curriculum, mga textbook lamang na para sa Grade 5 at 6 ang nabili. 


Tumutugma ang pag-aaral ng EDCOM II sa resulta ng 2019 Southeast Asian Primary Learning Metrics (SEA-PLM) kung saan lumalabas na isa sa limang mag-aaral sa Grade 5 ang nakikihati ng textbook sa isa o higit pang mag-aaral.  


Batay naman sa mga ulat mula sa National Book Development Board (NBDB) at sa private publishers, kabilang sa mga kinakaharap na hamon sa pagbili ng mga aklat ang kakulangan sa panahon para makabuo ng mga textbook, pati na rin ang napakatagal na proseso ng pagre-review ng mga ito.  


Napag-alaman ng inyong lingkod na kahit madalas na umaabot ng 18 buwan ang pagbuo ng mga textbook ayon sa NBDB, anim na buwan lang ang requirement ng Department of Education (DepEd) para isumite ng mga publisher ang kanilang mga draft at itugma sa requirement ng DepEd. Kadalasan, nauuwi ito sa mas mahabang proseso ng pagrebisa at pag-e-edit.  


Nakakadismaya rin ang kakulangan sa bilang ng staff ng DepEd na magre-review ng textbooks. Bukod dito, salu-salungat pa ang mga komentong natatanggap ng mga publisher mula sa iba’t ibang reviewer ng mga materyal.  


Hinimok na noon ng inyong lingkod bilang co-chairperson ng EDCOM II ang DepEd na bumili na lang ng mga textbook na gawa na, tulad ng ginagawa ng mga pribadong paaralan. Hudyat ito na dapat pagsikapan talaga ng ating pamahalaan na mabigyan ng mga aklat ang bawat mag-aaral.


Sa ilalim ng Senate Committee on Basic Education, pangungunahan natin ang oversight review sa Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) upang suriin kung nakakasabay ba sa digitalization ang publishing industry ng bansa.


Ilan sa mga aalamin natin ay mga tanong tulad na: Paano natin masusulit ang digitalization? Paano natin mahihikayat ang mga publisher na yakapin ang digitalization? At paano natin paiigtingin ang access ng publiko sa mga impormasyon sa pamamagitan ng makabagong mga teknolohiya?


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page