top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 28, 2024

Ngayong aprubado na ng Commission on Higher Education ang aplikasyon ng Samar State University (SSU) para magpatakbo ng Doctor of Medicine Program, dapat pagtuunan ng pansin ang pangangailangan para sa modernong mga pamantayan sa pag-aaral ng medisina, medical internship, at post-graduate medical education at training.


Magpapatakbo ng Doctor of Medicine Program ang Samar Island Institute of Medicine (SIIM) sa ilalim ng SSU. Ang naturang programa ang ika-20 programang medikal na inaprubahan ng CHED sa public universities.


Noong 2022, inihain ng inyong lingkod ang Physicians Act o Senate Bill No. 953 na isinusulong ang paglikha ng Medical Education Council (MEC) sa ilalim ng CHED. Bahagi sa magiging mandato ng MEC ang pagtatakda ng minimum required curriculum sa degree ng Doctor of Medicine, kabilang ang internship. Imamandato rin ng panukalang batas sa MEC ang pagkilala at pagbibigay awtorisasyon sa pagbubukas ng mga bagong medical schools sa bansa, kasama ang pagpapatupad ng mga minimum requirement na itatakda.


Sa ilalim nitong Physicians Act, layon din natin na tugunan ang mga polisiyang wala sa mga kasalukuyang batas sa larangan ng medisina, kabilang ang pagbubukas ng propesyon sa mga dayuhan sa ilalim ng itatakdang mga kondisyon; pagtatakda ng mga parusa sa ilegal na pag- practice ng medisina; at pagbibigay depinisyon sa medical malpractice, pati na rin ang mga kaukulang mga parusa.


Maliban sa pagpapalawak ng access sa medical schools, mahalagang matiyak natin na angkop, napapanahon, at dekalidad na edukasyon ang matatanggap ng mga susunod na henerasyon ng ating mga medical professional. Sa tulong ng ating panukalang batas, magiging mas handa tayong tumugon sa mga pagbabagong hatid sa atin ng agham, teknolohiya, at pananaliksik. Layon din ng panukala ang paglikha ng Professional Regulatory Board of Medicine (PRBM) sa ilalim ng Professional Regulation Commission (PRC) para mag-supervise, mag-regulate, at mag- monitor sa pag-practice ng medisina at telemedicine.


Ang PRBM din ang magpapatupad ng Physician Licensure Examination (PLE). Sa ilalim ng PRBM, lilikhain ang Post-Graduate Medical Education Council (PGMEC) upang tiyakin ang kalidad ng post-graduate medical education at training para sa lahat ng mga disipline, specialty at sub-specialty ng mga medical resident.


Iminumungkahi rin ng inyong lingkod na ilagay ang buong propesyon ng medisina sa ilalim ng Integrated National Professional Organization of Physicians (INPOP) na siyang mag-iimbestiga ng mga paglabag sa magiging batas, kabilang ang Code of Ethics.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 26, 2024

Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng ating mga kababayang Muslim sa kaunlaran at pagkakaisa ng ating bansa, isinusulong natin ang pagtatatag ng Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Program bilang mahalagang bahagi ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas.


Kaya naman itinutulak ng inyong lingkod ang pag-institutionalize nito sa lahat ng private at public basic education schools sa bansa na nasa labas ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).


Ito ang layon natin sa Arabic Language and Islamic Values Education Act o Senate Bill No. 382 – ang maibigay sa mga kabataang Pilipinong Muslim ang nararapat at napapanahong oportunidad sa kanilang edukasyon. Sakop ng ating panukala ang mga mag-aaral na naka-enroll sa Alternative Learning System o ALS at sisiguraduhin nito na bahagi ang lahat ng ating mga estudyanteng Pilipinong Muslim sa pagpapaunlad, pagpapatatag at pagkakaisa ng bansa.


Nakasaad sa panukalang batas na sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng mga magulang o guardian, parehong mga mag-aaral na Muslim at non-Muslim Filipino ay maaaring kumuha ng subjects sa Arabic Language o sa Islamic Values Education. Puwede rin nilang piliin pareho. Layong mapalawak ng pagtuturo ng wikang Arabic ang functional literacy ng mga mag-aaral hinggil sa paksa. Pagdating naman sa pagtuturo ng Islamic values, magsisilbi itong gabay sa mga estudyante para matutunan at makamit nila ang pagiging makatao, maka-Diyos, makakalikasan at makabayan. Ang edukasyon sa Islamic values ay mahalaga sa pagpapaigting ng pagkilala at paggalang sa iba’t ibang pananampalataya o paniniwala, at iba’t ibang kultura.


Marami tayong inilatag sa ilalim ng ating itinutulak na panukala. Una, titiyakin nito na makapagbigay ng mga pasilidad, kagamitan, textbooks at instructional materials, at magre-recruit at magsasanay o magpapalakas ng kakayahan ng mga asatidz o mga guro sa mga Muslim-Filipino community. Kabilang sa magpapalakas ng kakayahan ng mga asatidz ang mga tagapagsanay, tagapamahala, at administrator.


Bukod dito, layon ding makapagbigay ng technical at financial educational assistance sa mga DepEd-accredited na pribadong madaris, o paaralan sa salitang Arabic. Kabilang din sa panukala ang pagtatag ng isang ALIVE Program Multi-Year Roadmap na gagabay sa mga ahensya ng gobyerno at private stakeholder para sa implementasyon ng programa.

 

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating palalaganapin ang adhikaing mapagbuklod-buklod ang bawat isa tungo sa tunay na kaunlaran ng ating Muslim community at ng buong bansa. At sa pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa, responsibilidad nating tiyakin na hindi mapag-iiwanan ang ating mga kabataang Muslim. 

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 21, 2024

Nasa Vietnam ngayong araw ang puwersa ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kabilang ang inyong lingkod bilang co-chairperson, upang pag-aralan ang kalakaran sa sektor ng edukasyon sa kapitbahay nating ito sa Asya. 


Kailangan nating matuto mula sa kanila pagdating sa mabisang paggamit ng educational resources dahil base sa ating pagsasaliksik, hindi man nagkakalayo ang Pilipinas at Vietnam pagdating sa pagpopondo sa edukasyon, lumalabas na mas maganda ang performance ng Vietnam kumpara sa ‘Pinas.


Oo, malaki ang tulong ng karagdagang pondo para mahasa ang kaalaman ng mga mag-aaral sa eskwelahan, pero mahalaga rin na tiyakin nating mabisa ang paggamit natin ng nakalaang pondo sa edukasyon.


Gumagastos ang Pilipinas ng average na P55,000 para sa bawat mag-aaral taun-taon mula Kindergarten hanggang edad na 15. Habang sa Vietnam naman, umaabot sa P69,000 kada mag-aaral ang average na ginagasta nito kada taon mula Kindergarten hanggang edad na 15.


Base sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 72 porsyento o 7 sa 10 na mga 15-taong gulang na Vietnamese students ang nakaabot sa Level 2 o minimum proficiency level sa mathematics. Kung ihahambing natin ito sa ‘Pinas, 16 porsyento lang o wala pang 2 sa 10 mga mag-aaral ang nakaabot ng minimum proficiency sa mathematics. 


Iyong mga batang nakaabot sa Level 2 o minimum proficiency level sa mathematics ay may kakayahang mag-interpret o kumilala ng mga mathematical representation ng mga simpleng sitwasyon kahit walang direct instructions. Isang halimbawa nito ay ang paghahambing ng kabuuang layo sa pagitan ng dalawang ruta sa daan o kaya naman ay pag-convert ng mga presyo sa currency ng ibang bansa.


Batay din sa pagsusuri ng tanggapan ng inyong lingkod sa pinakahuling resulta ng PISA, lumalabas na ang marka ng mga pinakanangangailangang mag-aaral ng Vietnam, o iyong mga nasa pinakamababang 10 porsyento ng Economic, Social, and Cultural Status (ESCS) ay mas mataas ng 91 points, kung ihahambing sa mga mag-aaral ng ‘Pinas na may kaparehong estado sa buhay. Ang average score ng mga pinakanangangailangang mag-aaral ng Vietnam ay 427, habang 336 naman ang sa Pilipinas.


Sa madaling salita, may mas epektibong ginagawa at matagumpay na karanasan ang Vietnam sa kanilang sistema ng edukasyon. Sa ating hangarin na paangatin ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, pag-aaralan ng Senate Committee on Basic Education ang mga estratehiya, paraan at istilo ng naturang bansa na maaari ring magamit dito sa ating bansa. Sa ating pakikipagdayalogo sa mga Pilipinong guro sa Vietnam, kumpiyansa tayong marami ang mapupulot natin mula rito.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page