top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Abril 9, 2024

Sa tindi ng init, siguradong kapag walang pasok ang mga bata ay swimming ang isang bagay na magpapa-relax sa buong pamilya.


Pero anuman ang edad, bata man o matanda, hindi maikakailang mahilig talaga tayong mga Pinoy na magbabad sa tubig lalo na ngayong painit nang painit ang panahon.


Gayunpaman, nakakalungkot na nauuwi minsan sa trahedya ang masayang pagsasalo-salo. Taun-taon na lang, mayroon tayong nababalitaang sinasagip mula sa pagkalunod, lalo na ang mga kabataan.


Noong 2022, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 3,576 ang namatay sa Pilipinas dahil sa pagkakalunod. Ang may pinakamaraming mga insidente ng pagkalunod ang naitala sa mga buwan ng Marso (317), Abril (391), at Mayo (345). Ayon pa sa World Health Organization, ang pagkalunod ang isa sa limang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa mga batang may edad na isa hanggang 14.


Kaya naman, muling pinananawagan ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng lifeguards sa bawat public swimming pool at bathing facility para masugpo natin ang bilang ng mga aksidente o namamatay dahil sa pagkalunod.


Layon ng isinusulong nating panukalang batas, ang Lifeguard Act of 2022 (Senate Bill No. 1142), na sugpuin ang bilang ng mga insidente ng pagkalunod. Sa ilalim nito ay may mandato sa mga pool operator na maglagay ng isang certified lifeguard para sa public swimming pools na ginagamit para sa negosyo o kaya naman ay ginagamit nang libre.


Kabilang dito ang mga pool sa mga hotel, inn, mga motel, condominium buildings, clubhouses, at iba pang pampublikong lugar. Kabilang din dito ang mga gusaling ginagamit bilang tirahan, maliban na lamang sa mga single-family home.


Sa bawat karagdagang 250 square meters, kakailanganin ang pagtatalaga ng karagdagang lifeguard. Dapat ding makatanggap ang mga lifeguard na ito ng naaayong certification mula sa mga public organization na may accreditation mula sa Department of Health (DOH).


Nakasaad din sa ating panukalang batas na dapat magbigay ang pool operators sa mga lokal na pamahalaan ng certification at supporting documents upang patunayang nagtalaga sila ng kinakailangang bilang ng mga lifeguard. Mandato naman sa mga lokal na pamahalaan na siguruhing sumusunod sa mga patakaran ang mga public swimming pool. Dapat din silang magsagawa ng mga regular na inspeksyon na pamumunuan ng mga local health officers o iba pang opisyal na itinalaga ng LGU.


May administrative liabilities ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan kung mapapatunayang nagpabaya sila sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin. Puwede namang makulong ang mga lifeguard na bigong protektahan ang mga lumalangoy.


Bilang kuya ng mga kabataang Pilipino sa Senado, patuloy nating isusulong ang mga panukala at alituntunin upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa loob o labas man ng kanilang mga paaralan.

 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Abril 4, 2024

Blended learning muna. ‘Yan ang hinihimok ng inyong lingkod na ipatupad sa mga paaralan sa gitna ng pangamba ng mga magulang sa banta ng pagkalat ng pertussis o whooping cough at tumitinding init ng panahon.


May anim na lokal na pamahalaan sa Western Visayas ang nauna nang nagsuspinde ng klase noong Lunes dahil sa init ng panahon. Noong Abril 1 hanggang Abril 2 ay wala ring klase sa Iloilo City mula pre-school hanggang senior high school. Kasunod nito, kanya-kanya nang diskarte ang mga local government units at mga eskwelahan pagdating sa pasok ng mga bata. Mayroong nag-shift sa modular mode of instruction. Mayroon din namang iniksian na lang ang oras ng pasukan at nagsuspinde na ng face-to-face classes sa hapon dahil sa tindi ng init.


Iniulat na noon ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services (PAGASA) na kahit mas kaunti ang mga maulang araw at kanselasyon ng klase dahil sa bagyo sa ilalim ng kasalukuyang school calendar, mas marami naman ang mga araw na tumatama sa matinding init. Kaya ugaliing uminom palagi ng tubig.


Samantala, nagdeklara naman ng pertussis outbreak sa Quezon City at Iloilo City habang nasa ilalim ng state of calamity ang Cavite dahil sa naturang sakit. Iniulat ng Department of Health (DOH) noong Marso 27 na umabot na sa 40 ang namatay dahil sa pertussis mula noong Enero 1 hanggang Marso 16.


Wala tayong kailangang ikabahala dahil nakasaad naman sa Department of Education (DepEd) Order No. 037 s. 2022 ang pahintulot sa mga punong-guro ng mga private at public school na maaaring magsagawa ng modular distance learning, performance tasks, o make-up classes kung magkakansela o magsususpinde ng klase. Mahalaga ito upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon ng mga mag-aaral.


Isinulong na rin noon ng inyong lingkod ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar. Noong nagdaang buwan ay inurong na ng DepEd ang pagtatapos ng School Year 2023-2024 sa Mayo 31 mula Hunyo 14. Ito ang resulta ng naging konsultasyon sa stakeholders, kabilang ang mga guro at mga mag-aaral.


Nananawagan tayo sa lahat ng mga paaralan na magpatupad ng mga hakbang para sa kalusugan at kaligtasan ng mga kabataan, kabilang ang pagsulong ng maayos na respiratory hygiene at regular na paghuhugas ng kamay. Aralin natin ang mga paraan para masugpo ang pagkalat ng sakit at impeksyon dulot ng maruming kamay. Base sa Global Handwashing Partnership, ang pinakamahalagang oras na kailangang maghugas ng kamay ay pagkatapos dumumi at bago humawak ng pagkain o kutsara at tinidor.


Bukod dito, kabilang sa ilang rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang paghuhugas ng kamay pagkatapos suminga, umubo at bumahing.  

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nais nating ipaalala sa ating mga punong-guro na isaalang-alang ang kaligtasan at bigyang prayoridad ang kalusugan ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng blended learning, hindi masasayang ang oportunidad na makapag-aral ang mga bata sa kabila ng mga sakuna o anumang balakid.

 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Abril 2, 2024

Masaya tayong ibalita na naratipikahan na ng bicameral conference committee ang Kabalikat sa Pagtuturo Act. 


Ito ay isang panukala, kung saan isa sa mga may-akda ang inyong lingkod, na naglalayong itaas ang teaching allowance ng ating mga guro sa public schools. 


Sa ilalim ng bicam report ng House Bill No. 9682 at Senate Bill No. 1964, magiging institutionalized na ang pagbibigay ng teaching allowance sa mga public school teacher.


Simula School Year 2025-2026, makakatanggap na ang mga guro ng teaching allowance na nagkakahalaga ng P10,000. 


Napapanahon nang tiyakin nating matatanggap ng mga guro taun-taon ang teaching allowance, lalo na’t marami sa mga guro ang gumagastos para makabili ng gamit sa kanilang pagtuturo. Lumala pa ang suliraning ito noong magsimula ang pandemya, halimbawa na lang ang pagbili nila ng load para sa kanilang internet connection. 


Maaaring gamitin ang naturang teaching allowance para sa pagbili ng teaching supplies at materials, mga hindi inaasahang gastusin, at pagpapatupad ng iba’t ibang learning delivery modalities o paraan ng pagtuturo.


May mga naging inisyatibo naman ang Kongreso para bigyan ng cash allowance ang mga guro sa ilalim ng taunang national budget. Ngunit magbibigay ng karagdagang seguridad ang panukalang dagdag teaching allowance na ito nang hindi papatawan ng buwis.


Mahalagang tulong itong ipapaabot natin sa ating public school teachers dahil malaking sakripisyo sa oras, gastusin, at kalusugan ang ibinubuhos ng isang guro, kapalit ng kanyang tungkulin sa pagtuturo.  


Sa ating pagtugon sa mga hamon sa sektor ng edukasyon, nararapat lamang na ibigay natin ang lahat ng suporta para sa kanilang sariling kapakanan at maging sa kapakanan ng mga estudyanteng kanilang tinuturuan. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin ito.  

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page