top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat |April 18, 2024


KAILANGANG paghandaan natin ang posibleng mas mainit pang panahon sa mga susunod na taon lalo na’t patuloy ang climate change at global warming.


Kaya naman sa gitna ng pagpapatupad ng blended learning dahil sa matinding init, muling isinusulong ng inyong lingkod ang pangangailangan para sa digital transformation ng sektor ng edukasyon, bagay na makakatulong din sa kahandaan ng mga guro na magpatupad ng remote learning. Ito ang ating inihain ngayong 19th Congress, ang Digital Transformation of Basic Education Act o Senate Bill No. 383.


Maliban sa pagpapabilis ng installation at activation ng libreng public Wi-Fi sa lahat ng public schools, imamandato ng naturang panukala sa Department of Education (DepEd) na paigtingin ang kahandaan ng mga paaralan sa information and communications technology (ICT) para magpatupad ng distance learning.


Pero hindi lang sa gitna ng matinding init natin kailangang mapahusay ang digitalisasyon, kailangan din nating tiyaking magpapatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa mga panahong humaharap tayo sa mga sakuna o anumang emergency situation sa bansa.


Nakasaad din sa naturang panukala na imamandato sa Department of Science and Technology (DOST) ang pagtulong sa DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagsulong sa agham, teknolohiya, at inobasyon. Ito ay para paigtingin ang pag-aaral at pagtuturo, at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution.


Kamakailan, ipinag-utos ng DepEd ang pagpapatupad ng asynchronous classes sa lahat ng public schools noong Abril 15 hanggang 16. Muli ring binigyang diin ng DepEd ang mga pamantayan sa DepEd Order No. 037 series of 2022, kung saan nakasaad na sa kaso ng matinding init at iba pang mga kalamidad, maaaring magsuspinde ang mga punong-guro ng klase at ipag-utos ang pagpapatupad ng remote learning.


Ang iba pa nating mga panukala upang isulong ang digitalization sa sektor ng edukasyon ay ang Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478), at ang One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).


Umaasa tayong mapapabilis ang proseso ng digitalization sa bansa para matiyak na hindi mapag-iiwanan sa edukasyon ang ating mga kabataan. 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Abril 16, 2024


Hinikayat natin ang mga graduating students ng senior high school (SHS) sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track na pakinabangan ang libreng assessment program. Kapag makapasa sa assessment ang isang TVL graduating, hindi lang diploma ang matatamo niya kundi pati na rin ang national certification. Kaya kung susulitin nila ang pagkakataong ito, tiyak na tataas ang tsansa nila na makakuha ng maayos at magandang trabaho.


Kung inyong matatandaan, itinulak ng inyong lingkod ang paglalagay ng pondo para sa assessment at certification ng mga bata noong panahon ng mga deliberasyon para sa 2024 national budget. At ngayong nakatalaga na ito sa naturang budget, nakatakdang ipatupad ng Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang libreng assessment program na mapapakinabangan ng mahigit 400,000 na TVL graduates.


 Sa pamamagitan ng programang ito, matutugunan natin ang mababang certification rate ng mga TVL graduate. Noong School Year (SY) 2019-2020, umabot lang ito sa 25.7 porsyento habang 6.8 porsyento naman noong SY 2020-2021. Ngunit hindi rin ito nakakapagtaka, dahil ang mga mag-aaral din kasi ang gumagastos para sa National Certificate (NC) assessments na nagkakahalaga ng isang libong piso. 


Maiiwasan din nito ang job mismatch. 


Samantala, ang ating panukalang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022) ay isang solusyon din sa problema ng job mismatch. Layon nitong tumulong sa mga K to 12 graduates na makamit ang angkop at sapat na kaalaman, kahusayan, at kasanayan na required sa mga kumpanya at korporasyon. 


Dito, isinusulong natin ang paglikha ng National at mga Local Batang Magaling Councils upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units (LGUs), ang akademya, at pribadong sektor para tugunan ang mismatch sa skills ng mga K to 12 graduates at sa mga pangangailangan ng labor market.


Sama-sama nating isulong ang competitiveness at kahandaang magtrabaho ng mga Pilipino!

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Abril 11, 2024

Ibayong pag-iingat laban sa pertussis o whooping cough ang ating paalala sa lahat, lalo na ang mga bata. 


Hinihimok natin ang ating local government units (LGUs) na tulungan ang Department of Health (DOH) sa pagpapatupad ng mga catch-up vaccination o pagbabakuna, lalo na ngayong nananatiling mataas ang kaso ng naturang sakit na umabot na sa 862 noong Marso 23. 


Iniulat ng DOH na mas mataas ng 30 beses ang naitalang mga kaso ng pertussis kung ikukumpara sa mga nai-record ng parehong petsa noong nakaraang taon. Naitala rin ng DOH ang 49 namatay dahil sa pertussis ngayong taon. Lumalabas din na 79% ng mga pasyente ay mga batang wala pang limang taong gulang. Habang anim sa 10 sa mga ito ang hindi nabakunahan o walang maayos na tala ng kanilang mga bakuna. 


Bago bumili ng karagdagang 3 milyong pentavalent (5-in-1) vaccine doses na nagbibigay proteksyon laban sa pertussis, diphtheria, tetanus, hepatitis B at Haemophilus influenzae type B, mayroon lamang na 64,000 doses ng pentavalent vaccines ang DOH. 


Ito ang dahilan kung bakit natin itinutulak ang pagtatatag ng kakayahan ng bansa na gumawa ng sarili nitong mga bakuna. Ito ay sa pamamagitan ng inihain ng inyong lingkod na Virology at Vaccine Institute of the Philippines (VIP) Act of 2022 (Senate Bill No. 941), upang magkaroon ng lokal na paggawa ng bakuna, maging ang patatagin ang produksyon, at paigtingin ang technology transfer.  


Layon din ng panukalang batas na likhain ang VIP na magsisilbing pangunahing research at development institute sa larangan ng virology upang saklawin ang lahat ng mga area sa virus at viral diseases sa mga tao, hayop, at halaman. 


Sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na bumaba noong panahon ng pandemya ng COVID-19 at mga lockdown ang bilang ng mga batang dinala sa mga health center para mabakunahan. Noong inalis ang mga paghihigpit, may mga magulang na tumanggi pa ring pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa takot sa virus. 


Ayon naman sa DOH National Immunization Program, 72 porsyento lamang ng mahigit 2 milyong mga kabataan na may edad isa ang ganap na bakunado — ito ay mas mababa sa target na 90 porsyento.  


Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pertussis, mahalaga na paigtingin natin ang pagbabakuna upang mabigyan ng proteksyon ang lahat, lalo’t higit ang ating mga batang Pilipino na mas mataas ang tsansang magkaroon ng karamdaman.


Napatunayan nang ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa mga sakit, kaya naman mariin nating hinihimok ang LGUs na paigtingin itong pagbabakuna.

 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page