top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 30, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Inihain ng inyong lingkod ang National Education Council Act (Senate Bill No. 2017) para matugunan ang kawalan ng long-term vision o pangmatagalang plano sa edukasyon. 


Sa ating panukala, iminumungkahi natin na bumuo ng National Education Council (NEDCO) na lilikha ng national education agenda at paiigtingin ang ugnayan sa tatlong ahensya ng edukasyon sa bansa — ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 


Patuloy kasi ang pagbabago ng mga skills at ang pangangailangan ng mga industriya kaya kailangan natin ng long-term vision para iisa lang ang ating direksyon pagdating sa pagpapatupad ng mga programa sa sektor ng edukasyon. 


Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa NEDCO na gawing institutionalized ang isang sistema ng koordinasyon sa buong bansa pagdating sa pagpaplano, pag-monitor, pagsusuri, at pagpapatupad ng national education agenda.


Layon nitong tiyakin na sumusunod sa isang estratehiya ang DepEd, CHED, at TESDA, at maiwasan ang mga posibleng overlap at kakulangan na magdudulot ng hindi magkakaugnay na mga polisiya, programa, at plano. 


Upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral, kasama sa mga magiging mandato ng NEDCO ang pagpapatupad ng isang action agenda para matulungan ang bansa na magtagumpay sa edukasyon at magkaroon ng mataas na marka sa mga batayang tulad ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index, at iba pa. 


Mayroon naman nang nilikha noon na mga lupon, tulad ng National Coordinating Council for Education (NCCE) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 273 s. 2000 at ng Presidential Task Force to Assess, Plan and Monitor the Entire Educational System sa ilalim ng EO No. 652 s. 2007 — pero marami sa mga layuning ito ang hindi natupad nang hatiin sa tatlong sektor ang buong sistema ng edukasyon o ang tinatawag na Trifocalization of Education System. 


Inirekomenda na ng 1991 Commission on Education (EDCOM) ang paghahati sa tatlong ahensya ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ngunit inirekomenda rin ng 1991 EDCOM na magkaroon ng isang national council para matiyak ang ugnayan sa polisiya ng tatlong mga ahensya. 


Kadalasa’y hindi natin napupuna o kinikilala ang mga teknikal ngunit mahahalagang hakbang upang gawing mas epektibo ang paghahatid ng edukasyon sa mga kabataan, tulad nitong national council para sa edukasyon. 


Kaya naman bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating titiyakin na maipapatupad ang mga patakaran, programa, at polisiya na makakapagpabuti sa sistema ng edukasyon sa bansa.


Upang magtagumpay tayo rito, walang patid tayong makikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, sektor ng pagnenegosyo, akademya, at iba pang mga public at private stakeholders na may mahalagang papel sa sektor ng edukasyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 25, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Muling isinusulong ng inyong lingkod na paigtingin ang pakikilahok ng mga local government unit (LGUs) sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon at upang maipatupad ang panukalang decentralization sa education governance.


Nakasaad ang mungkahi ng inyong lingkod sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155), kung saan iaatas sa local school boards ang pagdisenyo at pagpapatupad ng mga polisiya sa paghahatid at pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.


Susukatin ang tagumpay ng mga programang ito sa participation rate ng mga mag-aaral, sa bilang ng mga dropout at out-of-school youth, at marka sa mga national test at iba pang assessment tools. Layon din ng naturang panukala na palawakin ang local school board upang makalahok ang iba pang mga education stakeholder.


Kung inyong matatandaan, dumalaw ang team ng Second Congressional Commission (EDCOM II) on Education sa Vietnam noong Marso. Marami tayong nakitang magagandang halimbawa ng naturang bansa pagdating sa pamamalakad ng sektor ng edukasyon. Bagama’t ang kanilang Ministry of Education and Training (MOET) ang nagpapasya ng mga polisiya para sa buong bansa, ang People’s Committee sa mga probinsya ang may pananagutan para sa mga resulta. Ang mga komite ring ito ang nagbabantay sa kalidad at nagpapatupad ng mga programa sa edukasyon.


Ang local school board ay isa nang magandang mekanismo upang magpatupad ng devolution sa mga lokal na pamahalaan dahil bahagi nito ang alkalde at superintendent. Pero iminumungkahi rin natin na palawakin ang responsibilidad ng mga local school board at tiyaking may pananagutan sila. Ang ating panukala ay isang paraan para maibaba sa lokal na lebel ang edukasyon gamit ang mga mekanismong meron na tayo.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, itinutulak din natin na palawakin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) na nagmumula sa dagdag na isang porsyentong buwis sa real property.


Kahit nakasaad sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160) na maaaring gamitin ng local school board ang SEF sa operasyon, pagpapanatili, pagpapatayo, at pagkumpuni ng mga school buildings, iminumungkahi ng inyong lingkod na palawakin ang gamit ng SEF upang magamit sa sahod ng mga guro at non-teaching personnel, sahod ng mga preschool teacher, at honoraria at allowances ng teachers at non-teaching personnel para sa karagdagang serbisyo sa labas ng regular na oras ng pagtuturo.


Kabilang din sa isinusulong natin ang paggamit ng SEF para sa capital outlay ng mga pre-school, at sa operasyon at maintenance ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS).

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 23, 2024



BILANG isa sa mga may-akda ng Reserve Officers’ Training Corps o ROTC Act, kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod na gawing institutionalized ang mandatory Basic ROTC Program sa Higher Education Institutions (HEIs) at Technical Vocational Institutions (TVIs) para sa lahat ng mga mag-aaral na naka-enroll sa hindi bababa sa dalawang taong undergraduate degree, diploma, o mga certificate program. 

Sa pamamagitan nitong panukalang batas, mabibigyan ang mga mag-aaral ng kaukulang pagsasanay upang tumugon sa panawagan sa paglilingkod sa bayan. Paiigtingin natin ang kakayahan ng mga mag-aaral na magbigay ng serbisyo sa panahon ng mga kalamidad at sakuna, kabilang na ang disaster response operations, rescue and relief operations, at early recovery activities. 

Bukod d’yan, maibabahagi natin at maituturo sa mga kabataang mag-aaral ang pagmamahal sa bayan o pagiging makabayan. 

Taong 2016 pa lang ay itinutulak na ng inyong lingkod ang panukalang Mandatory Military and Civic Reserve Officers’ Training Corps para sa lahat ng mga kolehiyo, unibersidad, at technical-vocational institutions. At nakita natin na maganda naman ang tugon dito ng taumbayan. 

Sa pinakahuling Pulse Asia survey na isinagawa noong Disyembre 3 hanggang 7, 2023 at kinomisyon ng ating Senate President, malinaw ang boses ng ating mga kababayan pagdating sa panukala na ipatupad ang ROTC: karamihan sa mga Pilipino (69 porsyento) ang sumusuporta sa mandatory ROTC para sa mga kabataan. Ang pinakamataas na suporta ay nanggaling sa Mindanao (79 porsyento), sumunod ang Visayas (74 porsyento), National Capital Region (67 porsyento), at Balance Luzon (63 porsyento). 

At kung babalikan natin ang resulta ng isa pang Pulse Asia survey na kinomisyon ng inyong lingkod noong March 15-19 ng nakaraang taon, lumabas na 78 porsyento ng mga kalahok sa buong bansa ang nagsabing pabor sila sa pagpapatupad ng ROTC sa mga college student. 

Malaki ang ginagampanan at gagampanan pang papel ng mga mag-aaral sa ating lipunan. Kaya hangga’t maaga pa lang ay dapat pangalagaan na ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng tamang disiplina at katatagan, lalo na sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng ating bansa pagdating sa seguridad. 

Isa ito sa mga prayoridad natin sa ating pamumuno ng Committee on Basic Education sa Senado.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page