top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 4, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Pagdating sa usaping gastusin at pananalapi, dapat maging maalam na ang mga batang mag-aaral. Mahalaga na edukado na sila ukol dito para matiyak ang kanilang seguridad at kapakanan sa hinaharap.


Noong nakaraang taon ay naghain ang inyong lingkod ng panukalang batas (Senate Bill No. 479 o ang Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act) na layong turuan ng financial literacy ang mga mag-aaral sa elementarya, high school, kolehiyo at mga nasa technical-vocational institutions.  


Nakakabahala ang resulta ng 2021 Financial Inclusion Survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ipinapakita ng survey na kahit na mas maraming Pilipino ang maaaring magkaroon ng financial account at mamuhunan, mas kaunti sa mga kababayan na may savings at insurance noong 2021. Sa katunayan, ang mga Pinoy na nasa hustong gulang na may savings ay bumaba sa 37 porsyento noong 2021 mula 53 porsyento noong 2019, habang ‘yung mga nasa hustong gulang na may insurance ay bumaba rin sa 17 porsyento noong 2021 mula sa 23 porsyento noong 2019.  


Sa pagiging financial literate, makakagawa ang mga mag-aaral ng mabuting desisyon habang bata pa para maging maayos ang kanilang finances hanggang sa hinaharap. Kailangan lang natin silang gabayan.  


Lumalabas sa survey ng BSP na ang kakulangan sa financial literacy ay pumipigil sa marami nating mga kababayan na makapagdesisyon nang maayos para sa kanilang kinabukasan at maprotektahan ang kanilang sarili dumating man ang sakuna o anumang pangangailangan.


Kaugnay ng BSP survey, naghain ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 569 upang magbalangkas ang Kongreso ng mga patakaran para sa mga repormang tutulong sa mga Pinoy na magkaroon ng tamang kaalaman at desisyon sa paghawak ng pera kabilang ang pag-iimpok, insurance, pamumuhunan, at paghahanda para sa pagreretiro.  


Dahil sa limitadong kita, maraming Pilipino ang naaantala o nauubos pa rin ang ipon, at pumapatol sa kung anu-anong klase ng pangungutang na hindi nababayaran tulad ng sari-saring investment scam na malimit na inaalok ng mga kumpanyang hindi regulated ng gobyerno na kadalasang may mataas na interes.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 2, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nakakaalarma ang pinakahuling ulat ng Commission on Population and Development (CPD) na mahigit 22,000 na batang kababaihan na may edad 13 hanggang 15 taong gulang ang dumanas ng paulit-ulit na pagbubuntis o repeat pregnancy. Kaya naman, iginigiit ng inyong lingkod ang pangangailangan sa mas pinaigting na comprehensive sexuality education (CSE) at mga programa ng social protection para sa mga batang ina. 


Isang dahilan ang pandemya ng COVID-19 sa paglobo ng mga kaso ng maagang pagbubuntis, ngunit binigyang diin din ng CPD ang papel ng kultura sa mga komunidad.


Halimbawa, napipilitang magsama sa ilalim ng isang bubong ang isang batang ina at ang nakabuntis sa kanya. Dagdag ng CPD, maaaring senyales ng pang-aabuso ang malaking pagitan ng edad sa isang batang babae at ng nakabuntis sa kanya.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, responsibilidad ng inyong lingkod na tutukan ang kapakanan ng mga kabataang kababaihan. Mahalaga na mapanatili natin ang mga batang babae sa mga paaralan, kung saan maaari silang matuto sa ilalim ng CSE at magkaroon ng access sa mga child protection program.


Kailangang mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang ating mga batang ina na muling makapasok sa sistema ng edukasyon. 


Napagkakaitan ang mga batang ina na magkaroon ng magandang edukasyon at ang paulit-ulit na pagbubuntis ay maaaring senyales ng pang-aabuso. Mahalagang panagutin ang mga nang-aabuso sa mga batang kababaihan at tiyaking mabibigyan natin ng pangalawang pagkakataon ang mga batang ina.


Nananawagan tayo na ipatupad nang mahigpit ang mga batas na layong protektahan ang mga batang babae mula sa pang-aabuso o karahasan. Isa na rito ang Republic Act No. 11596 na nagbabawal sa child marriages, kung saan ang isa o higit pa sa mga ikinasal ay menor-de-edad. Dito, protektado ang mga 18 taong gulang pataas na walang kakayahang alagaan o protektahan ang kanilang mga sarili sa pisikal o mental na kalagayan. Ipinagbabawal din ng naturang batas ang pagsasama ng isang bata at isang nakakatanda na hindi kasal.


Mahalaga ang pagbibigay ng proteksyon sa mga kababaihang mag-aaral laban sa teenage pregnancy at repeat pregnancy. Mahalaga ring magkaroon ng mga estratehiya upang mapanatili ang mga kabataang kababaihan sa kanilang pag-aaral para maiwasan ang paglobo ng kaso ng maagang pagbubuntis at magabayan sila laban sa mga panganib nito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 25, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa gitna ng inaasahang pagpapatupad ng MATATAG curriculum simula sa susunod na school year, inaasahan nating magkakaroon na ng pagtaas sa antas ng creative at critical thinking skills ng mga mag-aaral.


Kasunod ito ng naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) sa Creative Thinking, kung saan ang Pilipinas ang isa sa apat na may pinakamababang marka sa 64 bansang kasapi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD). Lumalabas na nakakuha ng average score na 14 points ang mga 15-taong-gulang na mga mag-aaral ng bansa, habang 33 points naman ang average sa mga bansang kasapi ng OECD. Isinagawa ang Creative Thinking Assessment sa unang pagkakataon sa 2022 PISA.


Lumalabas din sa PISA report, na kasama tayo sa mga pinakamababa sa creative thinking, kung saan tinuturuan natin ang mga mag-aaral na magsaulo at hindi para mag-isip. Sa madaling salita, natuturuan natin sila kung ano ang impormasyon pero hindi para unawain ito. Kaya naman naapektuhan nito ang critical thinking, pati ang creative thinking skills ng ating mga mag-aaral.


Sa ganitong pamamaraan ay hindi natin naituturo sa ating mga mag-aaral na maging mapanuri at malikhain sa pag-iisip. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ay iginigiit natin ang pagreporma rito. Dito papasok ang MATATAG curriculum dahil hindi lamang natin binawasan ang bilang ng competencies, tinutukan din natin ang critical thinking.


Nais ding bigyang-diin ng inyong lingkod ang kahalagahan ng maayos na pagpapatupad ng MATATAG curriculum upang pataasin ang marka ng mga mag-aaral. Mahalaga ring magkaroon ng dekalidad na pagsasanay at edukasyon para sa mga guro, lalo na’t sila ang magtuturo ng critical at creative thinking skills sa mga ito. 


Sinusukat ng PISA 2022 creative thinking assessment ang kakayahan ng mga mag-aaral na magkaroon ng malawak at orihinal na mga ideya sa iba’t ibang mga konteksto. May apat na domain ang naturang assessment: written expression, visual expression, social problem solving, at scientific problem solving.


Batay sa pagsusuri ng ating tanggapan, lumalabas na 63 porsyento o anim sa 10 Pilipinong mag-aaral ang may proficiency level 1 o pababa pagdating sa creative thinking. Nangangahulugan ito na sa pagbuo ng mga sagot, umaasa sila sa mga halatang tema at nahihirapan silang magkaroon ng higit sa isang ideya para sa mga sitwasyong kinakailangan ng bukas at simpleng imahinasyon.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page