top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 16, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa patuloy nating pagtugon sa isyu ng jobs-skills mismatch, at sa direktiba ng Pangulo na siguruhing handa ang ating senior high school (SHS) graduates na makamit ang angkop at sapat na kaalaman, kahusayan at kasanayan na required para makuha sila sa trabaho, patuloy na nananawagan ang inyong lingkod sa pagsusulong ng panukalang ‘Batang Magaling Act’ (Senate Bill No. 2367).


Isa sa mga layunin ng nasabing panukala ang pagiging institutionalized ng libreng national competency assessments para sa national certification. Matatandaan natin na sa ilalim ng 2024 national budget, ipinanukala natin ang paglalaan ng P438 milyon sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Regulatory Program para sa libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa ilalim ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL), kung saan mahigit 420,900 TVL graduates ang inaasahang makikinabang sa naturang pondo.


Kabilang din sa naturang panukala ang inisyatibong iuugnay ang mga kurikulum ng mga paaralan at work immersion component ng SHS sa market needs ng mga industriya at mga ahensya ng gobyerno. Layon din ng ating panukalang batas na tiyakin ang kahandaan ng SHS graduates, piliin man nilang mag-kolehiyo, pumasok sa pagnenegosyo, o magpatuloy sa skills development.


Bukod sa kahandaan sa trabaho, layon din ng ating panukala ang paglikha ng National Batang Magaling Council na bubuuin ng Department of Education (DepEd), TESDA, Department of Labor and Employment (DOLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ng Union of Local Authorities of the Philippines. Layon ding imandato sa DepEd na iugnay ang SHS program sa quality assurance framework at training regulations ng TESDA.


Patuloy nating ipaglalaban ang Batang Magaling Act para mapaigting ang kahandaan ng SHS graduates para makapaghanapbuhay. Kailangan nating alalahanin na kung hindi natin maipapakita sa ating mga kababayan ang dagdag na benepisyo ng dalawang taon sa high school, dadami ang ating mga Pilipinong hindi makukuntento sa programang K to 12.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin ang kakayahan ng mga kabataan na makapagtrabaho batay sa kanilang galing at kasanayan. Matitiyak din natin na katuwang natin ang pribadong sektor upang mabigyan ng trabaho ang ating senior high school graduates.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 11, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Mahalagang mabigyan ng suporta ang ating mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) upang hindi sila mag-dropout sa programa.


Kapuna-puna ang pagbaba ng completion rates ng ALS o ang porsyento ng mga mag-aaral na nakakatapos sa programa, at ito ay isang bagay na nagpapahiwatig na tumataas ang bilang ng mga dropout. Base sa datos, 65 porsyento o 454,550 sa 698,356 na mga mag-aaral ang nakakumpleto ng programa noong School Year (SY) 2016-2017.


Noong SY 2021-2022, bumaba sa 328,195 o 49 porsyento ng 668,947 na mga mag-aaral ang nakatapos ng programa.


Ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF, ang kakulangan ng suportang pinansyal (38 porsyento) at ang pangangailangang magtrabaho ang mga pangunahing rason kung bakit hindi natatapos ng mga mag-aaral ang programa sa ALS.


Mahalagang patatagin natin ang guidance at counseling para sa mga mag-aaral ng ALS upang tulungan at hikayatin silang manatili sa programa. Kailangan din nating ilatag ang kanilang career progression upang malaman nila kung saan sila maaaring pumunta, anong mga skills ang maaari nating paigtingin, at ano ang mga trabahong maaari nilang pasukan kapag natapos na nila ang ALS.


Bilang may-akda at sponsor ng Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510), nais bigyang diin ng inyong lingkod ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Accreditation and Equivalency (A&E) Assessment upang sukatin ang performance ng mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas, susukatin ng A&E at bibigyang certification ang competencies ng mga nakatapos sa ALS. Bagama’t umabot sa 63 porsyento ang average completion rate mula SY 2016-2017 hanggang SY 2018-2019, 33 porsyento lamang mula sa mga nakatapos ng programa ang nakapasa sa A&E.


Tinataya ng ating tanggapan at lumalabas din sa Labor Force Survey 2018 at 2021 ng Philippine Statistics Authority (PSA) na aabot hanggang 27.3 milyong Pilipinong 15 taong gulang pataas ang hindi nakatapos ng pag-aaral at hindi enrolled sa ALS noong SY 2022-2023. Mayroong 640,448 na mga mag-aaral ng ALS ang naka-enroll sa school year na iyon, katumbas ng dalawang porsyento participation rate.


Malaking pag-asa ang ALS para sa mga Pinoy na may edad na, na gusto pa ring makapag-aral kahit anuman ang estado sa buhay, nasa lansangan o bilangguan man ay maaaring maging benepisyaryo nitong programa ng DepEd. Nabibigyan ng pagkakataon ang mga school drop-out na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at magkaroon ng pangunahing pagkakakitaan ang kanilang pamilya.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 9, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Isinusulong ng inyong lingkod ang isang oversight review o pagrepaso sa Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) para tiyakin kung nakakasabay ang book publishing industry ng Pilipinas sa pagbabago ng panahon at sa digitalization. 


Hindi naman kaila ang paglobo ng mga oportunidad para sa paggamit ng mga digital books. Nakatutok ang naturang batas sa paglikha ng National Book Development Board (NBDB) sa mga printed na aklat, pero paano tayo makakasabay sa digitalization? Paano natin mahihikayat ang publishers na maging digital? At paano natin paiigtingin ang access ng publiko sa impormasyon lalo na’t digital na lahat ngayon?


Base kay Atty. Jane Blessilda Fabula mula sa Office of the Executive Director ng NBDB, walang programa sa kasalukuyan ang ahensya upang suportahan ang digitization ng mga aklat. Nababahala raw kasi ang mga stakeholder dahil sa mga copyright infringement issues. 


Kaya magsasagawa tayo ng oversight sa mandato ng NBDB para suriin kung tumutugon nga ba sila sa mga pagbabago ng panahon. 


Ang mandato ng Book Publishing Industry Development Act sa NBDB ay bumuo ng mga plano, programa, mga polisiya at pamantayan sa paglikha, produksyon, at distribusyon ng mga aklat. Bahagi rin ng mga responsibilidad ng board ang pagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa book publishing industry, kabilang ang monitoring at paglikom ng datos at impormasyon sa produksyon ng mga aklat.  


Ayon sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), walo sa 100 mag-aaral sa Grade 5 ang nagbabahagi ng kanilang mga reading at mathematics textbooks sa dalawa pang mga mag-aaral. Lumabas sa naturang pag-aaral na mas mataas ang marka sa Reading, Writing, at Mathematics ng mga mag-aaral na may sariling textbook. 


Humaharap sa maraming hamon ang produksyon ng mga textbook para sa mga pampublikong paaralan. Ayon kay NBDB Officer-In-Charge Division Chief Kevin Ansel Dy, inaabot ng tatlo hanggang limang taon ang proseso ng rebisyon na tumatagal lamang dapat ng 180 araw.  


Kabilang sa mga dahilan ng matagal na proseso ng rebisyon ang magkakatunggaling mga komento at ang kawalan ng buong atensyon mula sa Bureau of Curriculum and Development ng Department of Education (DepEd). Sabi ng NBDB, kinakailangan din ang kompetisyon sa industriya upang matiyak na may mga dekalidad na materyal na magagamit ang mga mag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page