top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 26, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Malaking tagumpay sa ipinapanukala ng inyong lingkod ang suporta ni Pangulong Marcos sa pagpapalakas ng kapakanan ng ating mga guro, bagay na kanyang binigyang-diin sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.


Unang-una na rito ang pagsasabatas ng Kabalikat sa Pagtuturo Act (Republic Act No. 11997). Sa pamamagitan ng batas na ito, makakatanggap na ang mga guro ng teaching allowance mula sa halagang P5,000 sa halagang P10,000 simula School Year 2025-2026.


Ikinagagalak din natin ang pagbanggit ng Pangulo sa kanyang SONA na makakatanggap ang ating public school teachers ng personal accident insurance mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at special hardship allowance.


Inilahad din niya ang planong paglalaan ng pondo ng pamahalaan sa implementasyon ng career progression system at pagsusulong ng professional development at career advancement ng bawat public school teacher. Sa ilalim ng expanded system ng Department of Education (DepEd), maaaring pumili ang mga guro ng tatahakin nilang career progression – ang tuluy-tuloy na pagtuturo sa klasrum, pag-focus sa school administration track, o ang pagiging principal. Sa pamamagitan nito, maibibigay natin sa ating mga guro ang magagandang oportunidad na nararapat sa kanila. Sa ilalim din ng naturang sistema, sinabi ng Pangulo na wala nang public school teacher ang magreretiro bilang Teacher I lamang.


Nagpapasalamat tayo sa ating Pangulo dahil binigyan niya ng pansin ang kapakanan ng ating mga guro sa kanyang SONA. Nakasalalay sa ating mga guro ang tagumpay ng sistema ng edukasyon, kaya naman patuloy din nating isusulong ang mga panukalang batas para dagdagan ang kanilang mga benepisyo at itaguyod ang kanilang mga kapakanan.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy na isusulong ng inyong lingkod ang mga panukalang batas na layong gawing institutionalized ang mga benepisyo at proteksyong natatanggap ng mga guro. Kabilang na rito ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) na layong amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Nakapaloob sa ating panukala ang pagkakaroon ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay. Kasama rin ang grant para sa special hardship allowance at pagsusuri ng basehan ng sahod, maging ang proteksyon ng mga guro na gumagastos para sa mga materyales sa pagtuturo gamit ang sarili nilang pera.


Pinag-aaralan din natin ang paghahain ng panukala para sa institutionalization ng career progression system para sa lahat ng public school teachers.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 23, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Patuloy nating pinaiigting ang pakikilahok ng local government units (LGUs) sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon at upang maipatupad ang panukalang decentralization sa education governance. 


Nakasaad ang mungkahing ito ng inyong lingkod sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155), kung saan imamandato sa mga local school boards ang pagdisenyo at pagpapatupad ng mga polisiya sa paghahatid at pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Susukatin ang tagumpay ng mga programang ito sa participation rate ng mga mag-aaral, sa bilang ng mga dropout at out-of-school youth, at marka sa mga national test at iba pang assessment tools. Layon din ng nasabing panukala na palawakin ang local school board upang makalahok ang iba pang mga education stakeholders. 


Sa pagdalaw noon ng Second Congressional Commission (EDCOM II) on Education sa Vietnam, kapansin-pansin dito ang halimbawa ng bansa pagdating sa pamamalakad ng sektor ng edukasyon. Ang kanilang Ministry of Education and Training (MOET) ang nagpapasya ng mga polisiya para sa buong bansa, habang ang People’s Committee sa mga probinsya naman ang may pananagutan para sa mga resulta. Ang mga naturang komite rin ang nagbabantay sa kalidad at nagpapatupad ng mga programa sa edukasyon. 


Ang local school board ay isa nang magandang mekanismo upang magpatupad ng devolution sa mga lokal na pamahalaan dahil bahagi nito ang alkalde at superintendent. Ngunit isinusulong din natin na palawakin ang responsibilidad ng mga local school board at tiyaking may pananagutan sila. Ang ating panukala ay isang paraan para ibaba sa lokal na lebel ang edukasyon gamit ang mga mekanismong meron na tayo. 


Iminumungkahi rin natin ang pagpapalawak ng paggamit ng Special Education Fund (SEF) na nagmumula sa dagdag na isang porsyentong buwis sa real property. 

Bagama’t nakasaad sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160) na maaaring gamitin ng local school board ang SEF sa operasyon, pagpapanatili, pagpapatayo, at pagkumpuni ng mga school buildings, iminumungkahi nating palawakin ang SEF upang magamit sa sahod ng mga guro at non-teaching personnel, sahod ng mga preschool teachers, at honoraria at allowances ng mga teacher at non-teaching personnel para sa karagdagang serbisyo sa labas ng regular na oras ng pagtuturo.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 18, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakakamit ang pag-angat ng kalidad ng pagtuturo ng minamahal nating mga guro. 


Kaya naman patuloy na hinihimok ng inyong lingkod ang ating pamahalaan na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No.11713). 


Sa ilalim ng naturang batas na iniakda at isinulong ng inyong lingkod noong 18th Congress, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng mas pinaigting na ugnayan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Ito ay para tiyakin na may ugnayan sa lahat ng yugto ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro, mula pre-service education sa kolehiyo hanggang sa in-service education sa panahong nagsimula na sila sa pagtuturo. Mandato rin sa TEC ang pagtatakda ng minimum requirements sa mga teacher education program. 


Sa pag-implementa ng DepEd ng TEC at Secretariat nito ang kanilang mga mandato, mahalaga ring maipatupad ang ibang mga probisyon ng batas — kabilang na rito ang pagtatalaga at pagbuo ng mga Teacher Education Centers of Excellence sa lahat ng mga rehiyon sa bansa. Maaasahang may mahusay na track record ang mga Teacher Education Centers of Excellence na siya ring pinagmumulan ng mga pinakamahusay na graduates sa kursong education.


Mula 2018 hanggang 2022, lumabas sa datos ng Programme for International Student Assessment (PISA) na tumaas ang porsyento ng mga mag-aaral sa mga paaralan na kapos sa mga guro o mga paaralang may mga hindi kuwalipikadong guro, batay sa pinagsama-samang ulat ng mga punong-guro. 


Noong 2022, pumalo sa 43 porsyento ng mga mag-aaral ang mga nasa paaralang walang mga guro, at 19 porsyento naman ang mga nasa paaralang kulang sa guro o kaya naman ay hindi kuwalipikadong mga guro. Noong 2018, ang mga katumbas na porsyentong naitala para sa mga ito ay 19 porsyento at walong porsyento. 


Nakalaan ang P777.5 bilyon sa 2024 General Appropriations Act (Republic Act No. 11975) para sa in-service training ng mga teacher, administrator, at education support personnel. Saklaw din ng pondong ito ang training ng mga K to 10 teacher para sa pagpapatupad ng MATATAG curriculum. Dapat din ay aligned ang MATATAG curriculum sa mga teacher education programs. 


Ang Excellence in Teacher Education Act ay isang mahalagang reporma para iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay para sa ating teachers. Mahalagang magarantiya natin na handa at may sapat na kakayahan ang ating mga guro, bagay na magagawa natin kung mabibigyan natin sila ng dekalidad na edukasyon at sapat na pagsasanay. Ipinasa natin ang Excellence in Teacher Education Act para makamit natin ang layuning ito at kailangan nating tiyakin na maayos itong naipapatupad.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page