top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 6, 2024


Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Double gold! Napakahusay ni Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo sa gymnastics competition dahil hindi lang isa, kundi dalawa ang kanyang iuuwing mga gintong medalya mula sa 2024 Paris Olympics. 


Una niyang ipinanalo ang men’s artistic gymnastics floor exercise final laban sa Israel at Great Britain, pero lumipas lang ang 24 oras, ginulat niya ang lahat matapos niyang makuha ang pinakamataas na puntos sa men’s artistic gymnastics vault final. 


Proud na proud tayo kay Caloy dahil sa tagumpay at karangalang ito na kanyang ibinahagi sa bawat Pilipino. Panibagong patunay na naman ito sa kahalagahang mabigyan ng naaangkop na atensyon, aruga, at edukasyon ang ating mga kabataang Pilipino na mahilig o ‘di kaya ay nakikitaan ng potensyal sa larangan ng sports. 


Kasunod ng makasaysayang okasyong ito, umaasa tayo na marami pang mga student-athlete ang susunod sa mga yapak nina Caloy at isa pang gold medalist na si Hidilyn Diaz. Sa tulong ng isinulong natin noon bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture na Republic Act 11470, na isinabatas noong 2020, mahahasa sa programang National Academy of Sports o NAS ang husay ng mga mag-aaral na may natatanging potensyal sa sports. 


Sa ilalim ng naturang batas, nagbibigay ang NAS ng dekalidad na edukasyon sa high school, kung saan nakapaloob ang kurikulum na natatangi para sa sports. Binibigyang konsiderasyon ng naturang kurikulum ang pangangailangan ng mga student-athletes pagdating sa kanilang edukasyon at pagsasanay. Ang dekalidad na edukasyon na matatanggap ng mga mag-aaral ng NAS ay magiging daan upang magtagumpay sila sa kanilang sports o sa mapipili nilang propesyon o karera. Full scholarships ang ipinagkakaloob ng NAS sa natural-born Filipino citizens na may natatanging potensyal para sa sports. 


Sa pamamagitan ng sports academy na ito, pagkakalooban natin ang student-athlete scholars ng kinakailangan nilang suporta sa mga unang bahagi pa lang ng kanilang pakikipagsapalaran upang makapagbigay ng karangalan sa ating bansa at makalikha ng kasaysayan tulad nina Caloy, Hidilyn at marami pang iba. 


Katuwang ang ating pamahalaan, sama-sama tayo sa walang patid na layuning mahikayat ang mas marami pang kabataan na maging atleta bilang paghahanda sa kanilang pipiliing karera at kasabay nito’y mabigyan sila ng dekalidad na edukasyon.

Mabuhay ang angking galing at talento ng kabataang atletang Pilipino! 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 1, 2024


Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Bilang chairman ng Committee on Basic Education sa Senado, umaasa tayong mas lalalim pa ang pakikipag-ugnayan ng ating tanggapan sa Department of Education (DepEd), lalo na’t nailuklok na bilang kalihim ng DepEd ang ating seatmate at naging kapwa senador na si Secretary Sonny Angara.


Kabilang ang inyong lingkod sa mga may-akda ng Proposed Senate Resolution No. 1070 na binibigyang pugay si Sec. Sonny Angara para sa kanyang serbisyo sa mga Pilipino bilang isang senador at sa pormal niyang pagkakaluklok bilang kalihim ng DepEd noong Hulyo 19.


Kaya naman makakaasa ang ating mga magulang, guro, kawani at lalo na ang mga kabataang mag-aaral na magagampanan ng bagong kalihim ang mga tungkulin at responsibilidad sa sektor ng basic education dahil sa ipinakita niyang husay at katapatan sa panunungkulan sa loob ng mahabang panahon bilang mambabatas. Bilang kampeon ng edukasyon, isinulong niya ang mga batas na nagtataguyod sa kapakanan ng mga mag-aaral.


Marami na tayong nasimulang mga makabuluhang reporma pagdating sa sektor ng edukasyon kasama ang kalihim. Ipagpapatuloy lang natin ang pagsusulong ng mga polisiya at panukalang batas para sa reporma sa sektor ng edukasyon.


At ngayong kabubukas ng School Year 2024-2025, hinihimok ng inyong lingkod ang naturang kagawaran na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng MATATAG Curriculum, kabilang ang kahandaan ng mga guro at ang pagkakaroon ng mga dekalidad na learning materials. 


Dapat ay magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng MATATAG curriculum at pre-service training o ang pagtuturo sa mga guro sa kolehiyo. Upang mangyari ito, kinakailangang tiyaking nagagampanan ng pinatatag na Teacher Education Council (TEC) ang mandato nito. Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), mandato sa TEC na iangat ang kalidad ng mga programa para sa teacher education at magtalaga ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs.


Matagal nating hinintay ang paglunsad ng MATATAG curriculum at ngayong sisimulan na natin ang pagpapatupad nito, mahalagang ibigay natin sa ating mga guro ang suportang kinakailangan nila. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 30, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Umaasa tayong makakamit natin ang tagumpay sa makabuluhang programa para sa kapakanan ng mga kabataan. Kasama na rito ang aspeto ng mental health ng mga mag-aaral.


Kaya naman mahalagang matutukan ang pagpapatibay at epektibong pagpapalaganap ng mga paraan upang maisulong ang mental health sa ating mga paaralan. Kaya naman tiniyak natin na sa ilalim ng 2024 budget ay mayroon tayong pondo para sa mga programa ng DepEd at masuportahan ang mental na kalusugan ng ating mga mag-aaral. 


Batay sa datos ng DepEd, 1,686 na mga mag-aaral ang nagpakamatay sa pagitan ng School Year (SY) 2017-2018 at SY 2022-2023, habang 7,892 naman ang nagtangkang magpakamatay. 


Patunay din ang resulta ng international large-scale assessments na nagpapakita ng mataas na bilang ng mga insidente ng bullying sa mga paaralan sa Pilipinas. Base sa datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), mas maraming mga estudyante sa ating bansa ang nakakaranas ng pambu-bully (63.2 porsyento), aggression (9.2 porsyento), karahasan (12.3 porsyento), at offensive behavior (28.8 porsyento) kung ihahambing sa ibang mga mag-aaral sa Southeast Asia. 


Sa resulta naman ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa tatlong mag-aaral na 15 taong gulang ang nakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses sa isang linggo. Bumaba man ang bilang ng mga mag-aaral na nakaranas ng bullying sa pagitan ng 2018 at 2022, nananatili pa ring hamon ang pagsugpo sa bullying, lalo na sa mga lalaki at sa mga public schools. Lumabas din sa ulat ng PISA na mas mababa ng 11 hanggang 44 puntos ang nakukuhang score sa mathematics ng mga mag-aaral na nakaranas ng pambu-bully nang ilang beses sa isang buwan. 


Mandato ko bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education ang maisulong ang dekalidad na edukasyon para sa lahat. 


Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) upang gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program.


Dito, sisiguraduhing may sapat na access ang mga bata sa school-based mental health services sa mga ipapatayong Care Center, katuwang ang mga mental health specialists at associates.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page