top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 27, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isang karangalang matanggap ang Special Kabalikat Award na iginawad sa atin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kamakailan, bilang pagkilala sa ating adbokasiya na patatagin ang Technical and Vocational Education and Training (TVET) sa bansa. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, tuluy-tuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa TESDA ukol sa pagpapaigting ng mga hakbang upang mapataas ang kahandaan sa trabaho ng ating senior high school (SHS) graduates.


Isinulong natin noon ang pagpopondo at pagpapatupad sa Free National Certification Assessment Program ng TESDA sa ilalim ng 2024 national budget. Mayroong P438 milyon na nakalaan sa ilalim ng TESDA para sa pagsasagawa ng mga libreng competency assessments at pag-isyu ng national certifications sa mga senior high school student sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track. Dahil dito, inaasahan natin na 420,967 bilang ng mga mag-aaral sa SHS sa ilalim ng TVL track ang makikinabang sa nasabing pondo.


Itinulak din ng inyong lingkod noon ang P50 milyong pondo para madagdagan ang mga assessor ng TESDA sa ilalim ng 2024 national budget. Kailangan ito para tiyaking may sapat na kakayahan ang ahensya na magpatupad ng programa.


Dahil libre na nga ang assessment at certification, hindi na kailangang magbayad pa ang mga mag-aaral para sa assessment na umaabot sa humigit-kumulang P1,008.29 kada mag-aaral. Ang gastusin kasi para sa assessment ang isa mga dahilan kung bakit mababa ang certification rate sa SHS graduates sa ilalim ng TVL track.


Noon ngang School Year (SY) 2019-2020, nasa 127,796 (26.3 porsyento) lang sa 486,278 na SHS-TVL graduates ang kumuha ng assessment. Samantala, umabot naman sa 124,970 o 98 porsyento ng mga kumuha ng assessment ang pumasa at nakakuha ng national certification. Pero bumaba sa 6.8 porsyento ang overall certification rate noong SY 2020-2021.


Sa ngayon, 50 porsyento ng mga mag-aaral sa SHS-TVL na pumasok sa trabaho ay nasa elementary occupations tulad ng mga cleaners, vendors, at mga domestic helpers, batay sa pagsusuri ng ating komite sa Senado sa datos ng Labor Force Survey.


Kaya naman, umaasa tayo na labis na makakatulong ang programa na itaas ang certification rate ng mga mag-aaral sa SHS-TVL para tumaas din ang tsansa nilang makakuha ng mas maganda, stable, at naaakmang trabaho.  


Nagpapasalamat tayo sa TESDA na katuwang natin sa adhikaing ito. Patuloy pa nating isusulong ang mga reporma upang lalong mapatatag ang TVET at matiyak na handa ang ating graduates na magtagumpay sa mga tatahakin nilang larangan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 22, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) upang tugunan ang pagtataguyod ng mental health ng mga mag-aaral ang kasalukuyang kakulangan ng Pilipinas ng mga guidance counselor.


Ibinahagi ni Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Executive Director Dr. Karol Mark Yee sa isang press conference ang kakulangan ng kuwalipikadong guidance counselors sa Department of Education (DepEd). Bagama’t may 4,460 na plantilla position para sa guidance counselors sa kagawaran, umaabot lamang sa mga 300 ang natatapos sa kinakailangang master’s degree sa guidance and counseling para sa posisyon. Dahil ito sa kakulangan ng mga paaralang may master’s programs sa guidance and counseling.


Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, aabot sa 14 taon bago mapunan ang kasalukuyang mga bakanteng posisyon, ayon sa executive director ng EDCOM II. 

Maliban sa pagpapatatag sa school-based mental health program, isinusulong din ng naturang panukala ang pag-hire sa mga kuwalipikadong kawani sa paghahatid ng mga serbisyong pang-mental health. Nililikha rin ng naturang panukala ang mga bagong plantilla position na School Counselor Associate I hanggang V, School Counselor I hanggang IV, at Schools Division Counselor. Sa paglikha ng mas marami pang mga posisyon, nais bigyang diin ng inyong lingkod na maibibigay na sa mga mag-aaral ang mga kinakailangan nilang serbisyo sa mental health.


Sa ilalim nito, ang mga School Counselor Associate ay kailangang may Bachelor’s Degree in Guidance and Counseling, anumang Bachelor’s Degree na may 18 units ng courses sa Guidance and Counseling o Psychology, o anumang kaugnay na Bachelor’s Degree na may minimum na 18 units ng Behavioral Science subjects na may 200 oras ng supervised practicum o internship experience sa guidance and counseling lalo na sa mga paaralan at mga komunidad. Kailangan namang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist ang mga nais maging School Counselor at Schools Division Counselor.


Ang mga kasalukuyang posisyon na Guidance Counselor, Guidance Coordinator, at Guidance Services Specialist ay papalitan upang maging akma sa mga bagong posisyong nilikha ng batas.


Kasabay ng pagkakaroon ng programa sa mental health ng ating mga mag-aaral, kailangan din nating tiyakin na may sapat at mga kuwalipikadong propesyonal upang maipatupad ang programa sa mga eskwelahan. Mahalagang itaguyod natin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga mag-aaral dahil nakakabit ito sa kanilang kakayahang matuto. Sama-sama nating pagtibayin ang epektibong pagpapalaganap ng mga paraan upang maisulong ang mental health sa ating mga paaralan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 20, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Kumpletong set ng mga textbook ang kailangan upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral sa lahat ng public schools sa bansa. Ngunit hindi ito makakamit kung patuloy na haharap sa mga hamon pagdating sa textbook procurement. Ilan sa mga ito ay ang mataas na participation cost, mahabang proseso ng pagsusuri, at iba pang mga isyu sa presyo. Umaabot pa ng humigit-kumulang tatlong taon ang proseso ng pagbili ng mga textbook na dapat sana’y 180 araw lamang.


Ayon sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na 27 lamang sa 90 titles ang nabili para sa Grade 1 hanggang Grade 10 simula 2012. Lumabas din sa ulat na ang Grade 5 at Grade 6 students lang ang may kumpletong mga textbook sa lahat ng mga subject. Hindi rin nagamit nang husto ang mga inilaang pondo para sa mga textbook at iba pang instructional materials. Sa P12.6 bilyong inilaan mula 2018 hanggang 2022, P4.47 bilyon (35.3 porsyento) ang obligated, samantalang P951.9 milyon (7.5 porsyento) lamang ang nagamit.


Base sa kalkulasyon ng aking tanggapan, tinatayang humigit-kumulang na P28 bilyon pa ang kakailanganin para matiyak ang 1:1 na student-textbook ratio. Ito ay katumbas ng apat na porsyento ng mahigit P700 bilyong pondo ng Department of Education (DepEd).

Mahalaga na tiyakin ng pamahalaan na may textbook ang bawat mag-aaral. Upang mangyari ito, kailangang ayusin ang proseso. Maaari nating isulong ang paglalaan ng P28 bilyon kada taon para sa pagbili ng mga textbook, ngunit baka masayang lang kung maglalaan nga tayo nito pero aabutin naman ng tatlong taon bago pa ito magamit.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, iminumungkahi ng inyong lingkod na i-liberalize ang pagbili ng textbooks upang hindi tayo magkaroon ng problema sa logistics at proseso ng bidding, lalo na’t inaabot ng matagal na panahon at nakakaapekto ito sa performance ng mga bata. Kung ang mga mag-aaral lamang sa Grade 5 at 6 ang may kumpletong set ng textbooks at hindi nabibigyan ang iba, hindi natin maaaring asahan na magiging mahusay ang ating mga mag-aaral dahil wala silang sapat na gamit sa pag-aaral.


Hinihimok nating pag-aralan ng DepEd ang Textbook Authorization Research Council ng Japan na nag-a-accredit ng mga textbook title at tumitiyak na sumusunod sa mga pamantayan ang mga ginagamit na aklat. Nagbahagi sa mga paaralan at mag-aaral ng listahan ng mga accredited na title upang magabayan ang pamimili nila ng mga aklat.


Samantala, isinusulong ng inyong lingkod na maamyendahan ang Book Publishing Industry Development Act (Republic Act No. 8047) upang mapabilis ang proseso ng pagbili ng mga textbook at para tiyakin kung nakakasabay ang book publishing industry ng Pilipinas sa pagbabago ng panahon at sa digitalization.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page