top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 5, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isa sa ating isinusulong ang mas aktibong pakikilahok ng local government units (LGUs) sa pagsugpo ng malnutrisyon, kakulangan sa nutrisyon, at stunting, lalo na sa mga mahihirap na pamilya. 


Sinabi na noon ni Action for Economic Reform Executive Director Filomeno Sta. Ana III sa isang media briefing na kakailanganin ng pondong hindi bababa sa P40 bilyon upang itaas ang ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipinong Program (4Ps) para masugpo ang malnutrisyon at makaagapay sa epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin. 


Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), isa sa tatlong batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad. Binigyang-diin din ng pag-aaral ang pinsalang dulot ng stunting sa ekonomiya at pag-unlad ng bansa. Sa ulat ng UNICEF noong 2019, tinatayang umaabot sa P174.4 bilyon kada taon ang katumbas na pinsalang dulot ng stunting sa ekonomiya. 


Bukod sa kinakailangang sapat na pondo, nais kong bigyang-diin ang mahalagang papel ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa para sa nutrisyon at feeding. Sa kanilang partisipasyon o aktibong pakikilahok, masusugpo natin ang malnutrisyon lalo na’t ang mga lokal na pamahalaan ang mas malapit sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong. 


Sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Care and Development Alignment Act (Senate Bill No. 2575) na inihain ng inyong lingkod, magiging responsable ang mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa para sa early childhood care and development (ECCD) na saklaw ang kabuuan ng mga programang pangkalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services development upang tugunan ang pangangailangan ng mga batang wala pang limang taong gulang. 


Nakasaad sa nasabing panukala na dapat maglaan ang mga LGU ng pondo mula sa kanilang Special Education Fund at Gender and Development Fund para sa pagpapatupad ng mga programa sa ECCD. Kasama sa magiging responsibilidad ng mga LGU ang pagkamit ng universal coverage para sa National ECCD System, ang probisyon ng mga pasilidad at iba pang resources, ang paglikha ng plantilla positions para sa mga child development teacher at child development worker, at iba pa. 


Nakakabahalang maraming bata ang walang sigla dahil kulang sa masustansyang pagkain. Ang kanilang pisikal na kahinaan ay nagdudulot ng kawalan ng interes sa pag-aaral, hindi pagpasok sa eskwela, pagiging masakitin, kawalan ng ganang makipaglaro sa iba, at marami pang iba. 

  

Tulad sa ibang bansa, dapat magkaroon din tayo ng ganitong programa para matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawat mag-aaral. Bagama’t kakailanganin nito ng malaking pondo, hindi tayo titigil bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education na gumawa ng paraan para maisakatuparan ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 3, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang digital transformation ng sektor ng edukasyon.


Ito ang ating inihain ngayong 19th Congress, ang Digital Transformation of Basic Education Act o Senate Bill No. 383. 


Maliban sa pagpapabilis ng installation at activation ng libreng public WiFi sa lahat ng public schools, imamandato ng naturang panukala sa Department of Education (DepEd) na paigtingin ang kahandaan ng mga paaralan sa information and communications technology (ICT). 


Nakasaad din sa naturang panukala na imamandato sa Department of Science and Technology (DOST) ang pagtulong sa DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagsulong sa agham, teknolohiya, at inobasyon. 

Ito ay para paigtingin ang pag-aaral at pagtuturo, at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution. 


Ang iba pa nating mga panukala upang isulong ang digitalization sa sektor ng edukasyon ay ang Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478), at ang One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474). 


Umaasa tayong mapapabilis ang proseso ng digitalization sa bansa para matiyak na hindi mapag-iiwanan sa edukasyon ang ating mga kabataan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 29, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Pinag-iingat ang lahat laban sa mpox (dating monkeypox) lalo na sa pagpasok ng mga kaso nito sa bansa ngayong taon. 


Mariing hinihimok ng inyong lingkod ang lahat ng ating mga paaralan na magpatupad ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro at mag-aaral. 


Ang kasong naiulat noong Agosto 18 sa Department of Health (DOH) ang pang-10 kumpirmadong kaso ng mpox simula noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, ang pasyente ay 33-taong gulang na lalaking Pilipino na walang travel history sa labas ng bansa. 


Bagama’t mababa ang panganib na mahawa ang mga bata sa mpox, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos, nais pa ring bigyang-diin ng inyong lingkod na dapat magpalaganap ang mga paaralan ng kaalaman at magsulong ng mga hakbang upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani — kabilang ang regular na paghuhugas ng kamay at pag-disinfect sa mga silid-aralan at ibang espasyo. 


Patuloy nating dapat isulong ang mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan sa ating mga paaralan at sa buong bansa, lalo na’t ang unang kaso ng mpox ngayong taon ay napatunayang hindi lumabas ng bansa, at nangangahulugang nandito lang ang virus. 


Matatandaang idineklara ng World Health Organization ang pagkalat ng mpox bilang Public Health Emergency of International Concern. Pero sabi ng DOH, lahat ng mga dating kaso sa bansa ay na-isolate, natutukan, at gumaling na. 


Samantala, isinusulong din ng inyong lingkod ang Philippine Center for Disease Prevention and Control Act (Senate Bill No. 1869) bilang isa sa mga may akda ng naturang panukala. Layon nito na itatag ang Philippine Center for Disease Prevention and Control na magsisilbing technical authority sa forecasting, pagsusuri, estratehiya, at pagbuo ng mga pamantayan para mapigilan ang pagkalat ng mga sakit.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page