top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 17, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Happy National Teachers’ Month! Buo ang ating suporta sa ating mga guro na nagsakripisyo para sa magandang kinabukasan ng kabataang mag-aaral.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating pinaiigting ang mga panukalang nakatuon sa kapakanan ng mga guro tulad ng ‘Revised Magna Carta for Public School Teachers’ (Senate Bill No. 2493). Layon nitong itaguyod ang kapakanan ng mga guro na nasa public schools sa pamamagitan ng pagtiyak na mayroon silang sapat na proteksyon at mga benepisyong natatanggap sa gitna ng maraming hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon.


Layong amyendahan ng panukalang batas ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 58 taon na ang nakakalipas. Sa ilalim ng panukalang batas, na inihain ng inyong lingkod, tutugunan ang mga bago at nananatiling mga hamong kinakaharap ng mga guro sa mga pampublikong paaralan. Layon din nito na tiyaking nirerespeto, pinoprotektahan, at naisasakatuparan ang pagtaguyod sa karapatan ng mga guro.


Ilan pa sa mga probisyon ng nasabing panukala ang pagkakaroon ng mga permanenteng dagdag na benepisyo tulad ng calamity leave, educational allowances, at longevity pay. Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng special hardship allowances. Bukod dito, isinusulong din ang mas pinahusay na salary criteria para sa mga guro at ang pagbibigay-proteksyon sa public school teachers mula sa pag-aabono o out-of-pocket expenses. Higit sa lahat, tinitiyak nito na pantay-pantay ang sahod, benepisyo at mga kondisyon ng mga entry-level at probationary na mga guro. 


Nakasaad din sa naturang panukala ang pagbawas sa oras ng pagtuturo sa apat mula anim, bagama’t maaaring magtrabaho ng hanggang walong oras ang mga guro kung kinakailangan. Magkakaroon ng karagdagang bayad ang karagdagang oras ng pagtuturo. Katumbas ito ng kanilang regular na sahod at umentong hindi bababa sa 25 porsyento ng kanilang basic pay.


Isinama rin natin ang probisyon ukol sa pagbabawal ng pag-alis sa mga permanenteng guro kung walang due process at sapat na dahilan. Kasama rin sa ating isinusulong ang confidentiality sa mga disciplinary action na ipapataw sa mga guro.


Sa ating pagtugon sa mga hamong bumabalot sa sektor ng edukasyon, mahalaga na maitaguyod ang kanilang kapakanan, lalo na’t hindi matatawaran ang serbisyo nila para sa ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 12, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa wakas, ratipikado na ang bicameral conference committee report ng ating panukalang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200 at House Bill No. 6574). 


Ito ay panukalang batas na itinutulak ng inyong lingkod na nag-akda at nag-sponsor para paigtingin ang paghahatid ng mental health services sa ating mga mag-aaral. 

Patatatagin ng nasabing panukala ang mental health program ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng pagbuo ng School-Based Mental Health Program. Isusulong ng panukalang programa ang pagpapalawak ng kaalaman sa mental health, pagtutok sa mental health concerns ng mga mag-aaral, at pagpapaigting ng mga hakbang ng mga paaralan nang sa gayon ay mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ng suicide.


Magiging bahagi ng programa ang screening, evaluation, assessment, at monitoring; mental health first aid; crisis response at referral system; mental health awareness at literacy; emotional, development, at mga preventive programs; at iba pang support services.


Imamandato rin ng panukalang batas ang pagkakaroon ng Mental Health and Well-Being Office sa bawat Schools Division Office na pamumunuan ng isang Schools Division Counselor na dapat ay isang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist. Magkakaroon din ang bawat pampublikong paaralan ng Care Center upang maghatid ng mga mental health services sa mga paaralan.


Samantala, pamumunuan naman ang Care Center ng isang School Counselor na magkakaroon ng mga katuwang na School Counselor Associate. Ang mga posisyon ng School Counselor I to IV, School Counselor Associate I to V, at Schools Division Counselor ay mga bagong posisyon na nilikha sa ilalim ng naturang panukala upang punan ang kakulangan ng mga guidance counselor sa mga public school.


Panahon na para maiabot ang naaangkop na tulong at edukasyon sa mga kabataang Pilipino ukol sa mental health. Mahalagang lubos na maisulong sa mga mag-aaral ang usaping ito ng walang anumang pangamba o alinlangan. Kaya naman, kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang pagtiyak na natutugunan din natin ang mental health ng bawat mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 10, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Ang bawat isa ay may karapatang magkaroon ng edukasyon.  

Mula noon hanggang ngayon, kabilang sa ating ipinaglalaban bilang mambabatas ang mga karapatan ng mga out-of-school children and youth (OSCY) na nagnanais na magkaroon ng maayos na edukasyon at makapagtapos ng pag-aaral. 


Ang OSCY ay mga indibidwal na hindi bahagi ng pormal na setup ng pag-aaral sa mga paaralan. Hindi sila pumapasok sa public at private schools, ngunit nais matuto pero walang kakayahan o hindi maaaring makapasok sa karaniwang eskwelahan dulot ng iba’t ibang karanasan o sitwasyon sa kanilang buhay.  


Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na 10.7 milyon ang OSCY. Kaya mariin nating pinapaalalahanan ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng isang agresibong back-to-school campaign para matugunan ang mataas na bilang ng mga OSCY.  


Iniulat din ng PSA na sa 10.7 milyong OSCY, ang 68.5 porsyento rito ay may edad 20 hanggang 24. Pumalo naman sa 15.6 porsyento ang may edad 15 hanggang 19, nasa 12 porsyento ang may edad lima hanggang siyam, habang 3.7 porsyento ay 10 hanggang 14 taong gulang. Kaya naman, lubos na hinihikayat ng inyong lingkod ang mga OSCY na mag-enroll sa Alternative Learning System (ALS) upang hindi mapag-iwanan at magkaroon ng magandang kinabukasan. Tinatawag natin itong parallel learning system dahil nakakapaglaan ito ng alternatibong paraan mula sa ordinaryong setup ng edukasyon sa loob ng klasrum.  


Ang Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510), na pinangunahan nating isulong, ay may mandatong gawing institusyonal ang mga out-of-school children in special cases at mga adult learner na mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa basic education, kabilang ang may kapansanan, mga nakatatanda, indigenous peoples, learners with disabilities, children in conflict with the law, learners in emergency situations o mga sakuna, at iba pa.  


Layunin ng ALS na hasain ang mga mag-aaral pagdating sa basic at functional literacy at life skills. Mandato rin ng naturang batas ang pagkakaroon ng ALS Community Learning Centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.  


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalagang natitiyak natin na naaabot ang mga kabataang wala sa mga paaralan at nabibigyan sila ng pagkakataong makatanggap ng edukasyon.  


Ang mga kabataan ang pundasyon ng kinabukasan ng ating bansa, ang pag-asa ng bayan tungo sa mabuting buhay, at ang puwersa ng lipunan na magpapaunlad sa susunod na henerasyon. Kailangang matugunan ang anumang hadlang upang masulit ang kanilang karapatang maging masaya, produktibo, at tagumpay sa mga pangarap sa buhay, tulad ng pagtatapos sa pag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page