top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Sep. 26, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Hindi natin hahayaang magpatuloy ang suliranin sa hindi pagkakatugma ng mga kursong tinapos ng ating mga guro sa mga subject na itinuturo nila sa mga paaralan.


Kaya nga nariyan ang ating batas na ‘Excellence in Teacher Education Act’ (Republic Act No. 11713) para tugunan itong tinatawag nating teacher-subject mismatch.


Kung inyong matatandaan, iniulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na 62 porsyento ng mga high school teacher ang nagtuturo ng mga subject na hindi batay sa tinapos nilang kurso sa kolehiyo. Ilan sa mga dahilan sa naturang mismatch ang kakulangan sa mga guro na may kinakailangang specialization sa mga subject. 


Samantala, sinabi noon ni EDCOM II Executive Director Karol Mark Yee na hindi ipinapaalam sa mga aplikante ang mga subject na ituturo sa proseso ng hiring.


Maliban naman sa pagreporma sa hiring process, mahalaga ring mabigyan ng pansin ang pag-usad ng Teacher Education Council (TEC) sa pagtupad ng mandato nito upang matiyak na sapat ang mga kuwalipikadong guro sa mga paaralan. 


Layunin ng Excellence in Teacher Education Act na iangat ang kalidad ng edukasyon at training ng mga guro sa pamamagitan ng mas pinaigting na ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). 


Kasama rin sa mga mandato ng TEC ang pagbalangkas ng teacher education roadmap na isusumite sa CHED upang maging bahagi ng national higher education roadmap, ang pagtatalaga ng mga pangunahing pamantayan para sa iba’t ibang teacher education programs, ang rekomendasyon ng mga polisiya sa paghikayat ng mga mag-aaral sa high school na kumuha ng kurso sa edukasyon, at ang pagtiyak sa maayos na pagpasok sa trabaho mula kolehiyo hanggang sa pagtuturo.


Ngayong tinutugunan natin ang mga hamon sa sektor ng edukasyon, mahalagang tiyakin natin sa Senate Committee ng Basic Education na nakakatanggap ng dekalidad na edukasyon at pagsasanay ang ating mga guro na humuhubog ng kaalaman at katangian ng mga mag-aaral. Kasabay nito, dapat tiyakin din nating itinuturo nila ang mga paksang naaayon sa kanilang larangan ng espesyalisasyon.


Para matiyak na handa at may sapat na kakayahan ang ating mga guro, mahalagang matiyak na sila ay nabibigyan ng dekalidad na edukasyon at sapat na pagsasanay. Ipinasa natin ang Excellence in Teacher Education Act upang makamit natin ang layuning ito at kailangan nating tiyakin na maayos itong naipapatupad.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Sep. 24, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Inihain ng inyong lingkod ang Digital Transformation of Basic Education Act o Senate Bill No. 383 upang walang patid nating maisulong ang digital transformation ng sektor ng edukasyon.


Maliban sa pagpapabilis ng installation at activation ng libreng public WiFi sa lahat ng public schools, imamandato ng naturang panukala sa Department of Education (DepEd) na paigtingin ang kahandaan ng mga paaralan sa information and communications technology (ICT). 


Nakasaad din sa naturang panukala na imamandato sa Department of Science and Technology (DOST) ang pagtulong sa DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagsulong sa agham, teknolohiya, at inobasyon.

Ito ay para paigtingin ang pag-aaral at pagtuturo at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution. 


Ang iba pa nating mga panukala upang isulong ang digitalization sa sektor ng edukasyon ay ang Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478), at ang One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474). 


Umaasa tayong mapapabilis ang proseso ng digitalization sa bansa para matiyak na hindi mapag-iiwanan sa edukasyon ang ating mga kabataan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 


Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Mahalaga na maging maalam na ang mga mag-aaral pagdating sa usaping gastusin at pananalapi habang bata pa sila. Importante na edukado na sila ukol dito para matiyak ang kanilang seguridad at kapakanan sa hinaharap. 


Dati nang naghain ang inyong lingkod ng panukalang batas na Senate Bill No. 479 o ang Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act na layong turuan ng financial literacy ang mga mag-aaral sa elementarya, high school, kolehiyo at ‘yung mga nasa technical-vocational institution. 


Nakadidismaya nga ang resulta ng 2021 Financial Inclusion Survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ipinapakita ng survey na kahit na mas maraming Pilipino ang maaaring magkaroon ng financial account at mamuhunan, mas kaunti ang mga Pinoy na may savings at insurance noong 2021. Sa katunayan, ang mga Pilipinong nasa hustong gulang na may savings ay bumaba sa 37 porsyento noong 2021 mula 53 porsyento noong 2019, habang ‘yung mga nasa hustong gulang na may insurance ay bumaba rin sa 17 porsyento noong 2021 mula sa 23 porsyento noong 2019.   


Sa pagiging financial literate, makakagawa ang mga mag-aaral ng mabuting desisyon habang bata pa para maging maayos ang kanilang finances hanggang sa hinaharap. Kailangan lang natin silang gabayan.   


Lumalabas sa survey ng BSP na ang kakulangan sa financial literacy ay pumipigil sa marami nating mga kababayan na makapagdesisyon nang maayos para sa kanilang kinabukasan at maprotektahan ang kanilang sarili dumating man ang sakuna o anumang pangangailangan. 


Dahil sa limitadong kita, maraming Pilipino ang naaantala o nauubos pa rin ang ipon, at pumapatol sa kung anu-anong klase ng pangungutang na hindi nababayaran tulad ng sari-saring investment scam na malimit na inaalok ng mga kumpanyang hindi regulated ng gobyerno na kadalasang may mataas na interes.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page