top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 17, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Batas na ang pagpapatigil sa paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction mula Kindergarten hanggang Grade 3 sa ilalim ng Republic Act No. 12027. 


Nakasaad sa bagong batas na gagamitin lamang ang mga wika ng mga rehiyon bilang auxiliary media of instruction o mga katuwang na wika sa pagtuturo. Pero maaari pa rin namang ipatupad sa monolingual classes ang mga prinsipyo ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na nakasaad sa K to 12 Law.


‘Pag sinabi nating monolingual class, ito ang mga grupo ng mga mag-aaral na nagsasalita ng iisang mother tongue at naka-enroll sa parehong baitang sa partikular na school year. 


Malinaw sa saliksik na hindi nagtagumpay ang pagpapatupad ng mother tongue sa mga paaralan base sa naging karanasan ng ating mga mag-aaral at mga guro. Hindi rin maikakaila base sa ating mga pag-aaral na hindi akma ang paggamit ng Mother Tongue kung ang mga mag-aaral sa isang klase ay multilingual. Ngayon, sa isinulong nating batas ay mabibigyan na ang ating mga guro ng kalayaang gumamit ng wikang akma sa pangangailangan at sitwasyon ng mga mag-aaral. 


Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019, lumabas na siyam na porsyento lang sa mahigit 16,000 bilang ng mga paaralang na-survey ang nakasunod sa mga kondisyon para sa pagpapatupad ng MTB-MLE. 


Nasa batas din ang ilang mga kondisyon para matiyak ang epektibong pagpapatupad ng MTB-MLE sa monolingual classes tulad ng opisyal na ortograpiya na ginawa at inilimbag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); opisyal na documented vocabulary na inilimbag ng KWF tulad ng glossary, diksyunaryo, encyclopedia, o thesaurus; panitikan sa wika at kultura tulad ng mga big books, small books, picture stories, o wordless picture books; grammar book; at sapat na bilang ng mga guro sa paaralan na dalubhasa at may pagsasanay sa pagtuturo ng Mother Tongue. 


Kung ating matatandaan, sa pagrepaso ng Senate Committee on Basic Education sa pagpapatupad ng MTB-MLE, sa mga kontekstong monolingual lamang ang mga naibahaging pag-aaral sa paggamit ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo.


Kabilang dito ang mga Lingua Franca (1999-2002) at Lubuagan (1999-2011) studies. 

Panahon na upang tuldukan ang mga hamon ukol sa mother tongue-based education. Inaasahan nating matitiyak ang agaran at epektibong pagpapatupad ng batas na isang pagbabago sa naunang mandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o mas kilala bilang K to 12 Law.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 15, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita! Dumarami na ang ating mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) mula sa mga pamilya na bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Higit sa 159,000 na bagong estudyante mula sa mga pamilyang ito ang nakakatanggap na ngayon ng tulong pinansyal para sa mga gastusin sa edukasyon.


Kung titingnan natin ang pagsusuri ng tanggapan ng inyong lingkod ukol sa datos mula sa Commission on Higher Education (CHED) at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), lumalabas na 21 porsyento lang ng mga benepisyaryo ng TES noong School Year (SY) 2022-2023 ang nagmula sa mga pamilyang mababa ang kita, o ‘yung mga kabilang sa 4Ps at Listahanan (ito ay isang sistema ng pamamahala ng impormasyon na tumutukoy sa mga mahihirap sa bansa at sa kanilang mga lokasyon).


Samantala, 79 porsyento ng mga benepisyaryo ng TES sa parehong school year ay mula sa mga lugar na walang state at local universities and colleges (SUCs at LUCs). Nang magsimula ang TES noong 2018, 71 porsyento ng mga benepisyaryo ay nagmula sa mga pamilyang mababa ang kita.


Hindi katanggap-tanggap ang mga napag-alaman natin noong nakaraang taong budget deliberations sa Senado, kung saan natalakay dito ang pagbaba ng bilang ng mga benepisyaryo ng TES mula sa mahihirap na pamilya. Problema ito dahil ang ganitong trend ay hindi tumutugma sa layunin ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) na bigyang prayoridad ang pinakamahirap nating mga estudyante.


Ngayon, upang baliktarin ang trend na ito, naglagay tayo ng isang special provision sa pondo ng CHED noong 2024, na nag-aatas sa UniFAST na bigyang prayoridad ang mga estudyante sa ilalim ng Listahanan 2.0 at mula sa mga pamilyang mababa ang kita sa pagpili ng mga benepisyaryo ng TES. Ang espesyal na probisyong ito ay naglaan ng P3.1 bilyong TES grants para sa mga estudyante sa kolehiyo mula sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa.


Ipinapakita ng datos mula sa CHED at UniFAST na mayroon nang 159,832 na bagong grantees mula sa mga pamilyang 4Ps. Ang porsyento ng mga benepisyaryo mula sa mga pamilyang 4Ps ay tumaas ng 27 porsyento noong SY 2023-2024 (ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo ng TES mula sa 4Ps at Listahanan ay may bilang na 210,202). Noong SY 2022-2023 kasi ay mas mababa ito sa isang porsyento.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalaga na matiyak nating napupunta sa mga pinakamahirap nating constituents ang subsidiya at sila muna ang mabibigyan ng prayoridad. Ito ay isang hakbang na isinakatuparan natin noong nakaraang talakayan sa pondo. Nagpapasalamat tayo sa CHED at sa UniFAST board sa pagtugon sa ating kahilingan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 10, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Mahalagang maresolba ang higit sa tatlong bilyong piso na budget deficit para sa pagpapatupad ng programang libreng college tuition sa susunod na taon. Dahil kung hindi, hindi tayo makakakuha ng karagdagang guro sa state universities and colleges (SUCs), hindi natin makakamit ang pagbili ng kagamitan sa pag-aaral, at hindi tayo makakapagpatayo ng mga pasilidad na kailangan upang makapaghatid ng dekalidad na tertiary education na siyang nakasaad sa binalangkas nating batas na Universal Access to Quality Tertiary Education Law (Republic Act No. 10931) o mas kilala bilang Free Higher Education. 


Kaya naman bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang karagdagang pondo para mapunan ang naturang kakulangan. 

Ito ang kasalukuyang sitwasyon: nagmumungkahi ang National Expenditure Program (NEP) ng P23.38 bilyong pondo para sa libreng kolehiyo.


Ngunit tinatayang P27.078 bilyon ang kailangan ng Philippine Association of State Universities and Colleges upang maipatupad ang libreng kolehiyo para sa school year 2025-2026. Ibig sabihin, kapos ng 3.697 bilyong piso upang ganap na mapondohan ang programa.


Kung isasaalang-alang naman natin ang inflation, tinatayang aabot sa 27.3 bilyong piso ang kakailanganin upang ipatupad ang libreng kolehiyo. Dahil dito, maaaring umakyat sa 3.9 bilyong piso ang budget deficit. 


Upang matugunan ang kailangan para sa libreng kolehiyo, hihiling tayo sa Senate Finance Committee na makakuha ng pondo galing sa programang pang ayuda tulad ng 4Ps, AICS, TUPAD, at SLP. Sa madaling salita, kukurot lang tayo mula sa 591.8 bilyong pisong pondo ng mga nasabing programang pang-ayuda. 


Hindi maikakailang tumaas ang enrollment sa kolehiyo bunsod ng libreng edukasyon. Ang dating 2.9 milyong bilang ng college enrollees noong school year 2017-2018 bago ipatupad ang Free Higher Education Law ay pumalo na sa 5.09 milyon noong nagdaang School Year 2023-2024. Kapalit ng sapat na pagpopondo at epektibong implementasyon ng ating batas ay diploma. Ang libreng kolehiyo ay daan upang makapagtapos, makakuha ng magandang trabaho, at gumanda ang buhay ng ating mga kababayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page