top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 7, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Dapat nating solusyunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa. Kakailanganin ang tinatayang P413.6 bilyon na pondo upang matugunan ang suliraning ito.


Base sa National School Building Inventory ng Department of Education (DepEd) noong 2023, tinatayang umaabot sa 165,443 ang kakulangan ng classroom sa bansa. Dahil sa laki ng kakailanganing pondo para rito, mainam na humanap ng iba’t ibang paraan upang matugunan ang pangangailangan ng sapat na bilang ng mga classroom.


Isa sa mga isinusulong ng inyong lingkod ang pagpapatupad ng tinatawag na ‘counterpart program,’ kung saan pinopondohan ng mga nakikilahok na local government units (LGUs) ang 50 porsyento ng halagang kailangan para sa pagpapatayo ng bagong classrooms, habang sagot naman ng national government ang natitirang 50 porsyento. Sa ganitong paraan, mapapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan.


Subok na ang estratehiyang ito dahil ganito rin ang programang ipinatutupad noong panahong naninilbihan pa tayo bilang alkalde ng Valenzuela City.


Sa nagdaang talakayan na pinamunuan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), kapuna-puna ang hindi mabisang paggamit sa Basic Education Facilities Fund (BEFF) bilang isa sa mga dahilan kung bakit naaantala ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Noong nakaraang taon, 192 lamang sa 6,379 na mga classroom ang naipatayo batay sa isang ulat ng Commission on Audit.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nais din nating tutukan ang papel ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) para mabawasan ang siksikan sa mga public school. Maaari ring gamitin ang public-private partnerships upang tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan. Kasama ‘yan sa ating mga tinututukan para sa mas maayos na sistema sa mga paaralan at sa edukasyon ng mga mag-aaral.


Dahil napakarami pang kulang na silid-aralan sa ating bansa at sa laki ng halagang kakailanganin natin upang mapunan ang naturang kakulangan, kailangan nating humanap ng iba’t ibang mga paraan upang matuldukan ang hamong ito. At kung hindi tayo magiging maparaan sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, patuloy lang na lalaki ang mga kakulangang haharapin natin.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 5, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa gitna ng pagdiriwang ng National Reading Month ngayong Nobyembre, magsilbi sana itong paalala sa atin sa kahalagahan ng pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa alang-alang sa pagtugon sa kasalukuyang krisis natin sa edukasyon.

 

Sa paglagda ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028), umaasa tayong matagumpay na maipatutupad ang mga sistematikong tutorial sessions at interventions plans na mag-aangat sa literacy at reading proficiency ng mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas na akda at isinulong ng inyong lingkod, itatatag ang ARAL Program upang magbigay ng pambansang learning intervention program na titiyaking nakakamit ang mga essential skills at natutugunan ang learning loss ng mga mag-aaral.

 

Saklaw ng ARAL Program ang mga essential learning competencies sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum, lalo na sa reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Layon din ng naturang programa na patatagin ang literacy at numeracy competencies ng mga mag-aaral sa Kindergarten upang mas mahubog ang kanilang foundational skills. 

 

Kung babalikan natin ang mga naging resulta ng international large-scale assessments, ito ay para bigyang-diin ang pangangailangang iangat ang reading proficiency ng mga mag-aaral. Lumabas sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na pang-76 sa 81 bansa ang Pilipinas pagdating sa Reading. Lumabas din sa naturang assessment na 76 porsyento ng mga mag-aaral na 15-taong-gulang ang hindi nakamit ang minimum proficiency sa pagbabasa.

 

Sa pagresolba natin sa krisis sa edukasyon na hinaharap ng bansa, mahalagang hakbang ang pagtiyak na marunong bumasa at umunawa ng kanilang binabasa ang ating mga mag-aaral. Sa pagpapatupad ng ARAL Program at sa iba pang programang isinusulong natin para sa pagbasa, matutulungan natin ang ating mga kabataang magkaroon ng matibay na pundasyon sa kanilang pag-aaral.

 

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating isinusulong na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month sa buwan ng Nobyembre. Layon ng inahain nating National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) ang pagsasagawa ng mga reading activities upang isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral sa kanilang mga komunidad.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 31, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Mahalga na maging katuwang natin ang pribadong sektor para sa tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng sistema at kalidad ng edukasyon sa bansa. 


Ang pagbibigay ng insentibo sa kanila ang isang magandang paraan para mahikayat at mapasalamatan sila. Sa isinusulong na panukalang batas ng inyong lingkod, aamyendahan ng Adopt-a-School Act of 2024 (Senate Bill No. 2371) ang Adopt-a-School Act of 1998 (Republic Act No. 8525) upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga paaralan at mga industriya sa bansa, lalo na pagdating sa pagbibigay ng trabaho sa senior high school graduates. 


Kasama ang Department of Education (DepEd), itinutulak natin ang pagpapalawak at pagpapatatag ng Adopt-a-School program para mahikayat ang pribadong sektor na tulungan ang ating mga pampublikong paaralan. Ang naturang panukala ay nagmumungkahi ng dagdag na kaltas katumbas ng 50 porsyento ng gastos sa labor training para sa scholarships sa mga guro at skills development ng mga enterprise-based trainees batay sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o ang CREATE Law (Republic Act No. 11534). 


Nakasaad dito na mayroon pang dagdag na kaltas na katumbas ng 20 porsyento ng mga sahod ng SHS graduates na bibigyan ng trabaho. Hindi naman papatawan ng customs duties, value-added tax, excise tax, donor’s tax, at iba pang mga buwis ang mga donasyon sa mga public school sa ilalim ng Adopt-a-School Program. 


Sa naturang panukala, papayagan sa ilalim ng Adopt-a-School program ang Pilipino o dayuhang indibidwal o organisasyon na tumulong sa mga pampublikong paaralan sa early childhood, elementary, high school, technical-vocational, Alternative Learning System (ALS), at mga kolehiyo. Bibigyang prayoridad ang mga paaralan sa fourth at fifth class municipalities at mga local government unit (LGUs) na may mataas na kakulangan sa pondo, gamit, at may mataas na bilang ng mga high-performing pero nangangailangang mga mag-aaral. 


Sa ilalim ng programa, maaaring tumulong ang pribadong sektor sa mga sumusunod: training para sa teachers at school heads; scholarships para sa mga guro; pagpapatayo ng mga pasilidad tulad ng mga aklatan, laboratoryo, at iyong mga may kinalaman sa kuryente, tubig, at kalinisan; school supplies at iba pang gamit sa pagtuturo; technical vocational livelihood tools at equipment; health at nutrition packages; assistive devices at equipment para sa mga mag-aaral na may kapansanan; at iba pa. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalagang pagtibayin ang epektibong pagpapalaganap ng insentibo para sa partisipasyon ng pribadong sektor sa mga pampublikong paaralan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page