top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 19, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Mahigit kalahati ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang walang punong-guro. Upang mapunan ang kakulangan nito, mahalaga na baguhin natin ang mga lumang polisiyang nananatili sa Department of Education (DepEd).


Sa nakaraang pagdinig na pinamunuan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), iniulat ng DepEd na 20,718 lamang sa kabuuang 45,918 na mga public school sa bansa ang may naipuwesto para sa principal positions. Para naman sa natitirang 24,480 na mga paaralan, Teachers-In-Charge lang ang naa-assign, na kadalasan pa’y nangangailangan ng karagdagang training at suporta.


Batay sa staffing parameters na mula pa noong 1997, mga punong-guro ang nakatalaga sa mga elementary school na may siyam na guro at sa mga secondary school na may anim na mga guro. Outdated na rin at kailangang repasuhin ang isang polisiya noong 1992 kung saan mandato sa mga punong-guro na lumipat sa ibang paaralan pagkalipas ng tatlo hanggang limang taon.


Sana’y magsilbing modelo ang mga paaralan sa ilang siyudad, tulad na lamang sa Valenzuela City kung saan mayroon itong mga science school na nagre-require ng mga punong-guro na may kasanayan sa math at science. Umaasa tayo sa pangako ng DepEd na isinasapinal na nito ang mga bagong pamantayan sa tulong ng EDCOM para matiyak na may punong-guro sa bawat public school.


Samantala, hinihimok din ng inyong lingkod ang National Educators Academy of the Philippines, ang professional development arm ng DepEd, na suportahan ang mga punong-guro sa pamamagitan ng training programs upang maging mas epektibo sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 


Malaki ang papel na ginagampanan ng mga mahuhusay na punong-guro upang paghusayin ang performance ng ating mga guro at mga mag-aaral. Mahalagang masolusyunan natin ang kakulangan ng mga punong-guro sa mga paaralan, lalo na’t makakaapekto ito sa pagsisikap nating iangat ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.


Bilang co-chairperson ng EDCOM II at chairperson ng Senate Committee on Basic Education, tutugunan natin ang mga bagong polisiya na titiyak sa napapanahong pangangailangan ng ating mga paaralan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 14, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa paggunita natin ng National Children’s Month, nais nating muling bigyang-diin ang kahalagahan ng pag-angat sa kalidad at paghahatid ng mga serbisyong pang-early childhood care and development (ECCD), lalo na ang mga programang pangnutrisyon. 


Dito papasok ang mahalagang papel na ginagampanan ng bawat local government unit (LGU). Sa ilalim ng Basic Education and Early Childhood Care and Development Alignment Act (Senate Bill No. 2575) na inihain ng inyong lingkod, magiging responsable ang mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa sa ECCD, kabilang ang kabuuan ng mga social services at development programs na saklaw ang kalusugan, nutrition, early childhood education, at iba pa para sa mga batang wala pang limang taong gulang. 


Upang makamit ang universal coverage para sa National ECCD System, tutukuyin ng LGUs ang mga batang nangangailangan ng suporta, pati na rin ang kanilang mga magulang at mga parent-substitutes. Magiging responsable rin ang mga LGU para sa pagtiyak na may mga sapat na pasilidad, pondo, at mga kagamitan para sa mga ECCD programs. Lilikha rin ang mga LGU ng mga plantilla position para sa mga child development teachers at child development workers.


Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) nitong taon, humigit-kumulang 3.7 milyon o isa sa tatlong batang Pilipinong mas bata sa limang taong gulang ang stunted o masyadong mababa para sa kanilang edad.


Lumabas din sa naturang pag-aaral na 20 porsyento lamang ng mga batang tatlo o apat na taong gulang ang lumalahok sa mga programang pang pre-kindergarten. 


Bahagi ng pag-angat ng kalidad sa edukasyon ng bansa ang pagpapatatag sa pundasyon ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng early childhood care and development.


Sa pagkamit ng layuning ito, mahalaga ang papel ng ating LGUs upang maabot natin ang bawat bata, matiyak na makakalahok sila sa mga programa ng ECCD, at matugunan ang kanilang pangangailangan sa kalusugan at nutrisyon. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating isusulong ang pagpapaigting ng dekalidad ng edukasyon sa bansa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 12, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa wakas, masosolusyunan na ang matagal na nating suliranin sa job-skills mismatch dahil ganap nang batas ang ating panukalang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act (Republic Act No. 12063). 


Sa ating pagpapatatag at pagpapalawak ng enterprise-based training, mapapaigting na ang kahandaan ng mga nagsipagtapos ng technical-vocational education and training (TVET o tech-voc) sa kanilang trabaho. Dahil dito, hindi na mag-aalinlangan ang TVET graduates dulot ng job-skills mismatch na lagi na lang nilang nararanasan tuwing mag-a-apply ng trabaho.


Sa pamamagitan ng batas, magiging institutionalized ang EBET framework. Sasaklawin ng EBET Program ang tech-voc training na hatid ng mga enterprises, kabilang ang mga private individual, partnership, mga korporasyon, at mga entity. Layunin din nito na patatagin at paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga programa, kabilang ang apprenticeship, learnership, at ang dual training system sa ilalim ng isang competency-based at industry-driven na EBET framework.


Bagama’t itinuturing na epektibo ang enterprise-based training sa paghasa sa kakayahan at pagtiyak sa mas mahusay na labor market outcomes, tinukoy ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM) II ang nananatiling mababang bilang ng mga mag-aaral sa nasabing klase ng programa. Kung tutuusin, una nang binalak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na taasan ang porsyento ng enterprise-based training sa 40 porsyento pagdating ng 2022 mula apat na porsyento noong 2016. Ngunit noong 2022 ay umabot lang sa siyam na porsyento ng kabuuang enrollment sa TVET ang mga enterprise-based trainees.


Sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank kaugnay sa TVET, lumalabas na bagama’t mayroong skills na hindi na masyadong kakailanganin dahil sa iba’t ibang technological advancements, nagsisilbing malaking tulong na maituturing ang pagsusulong nitong enterprise-based training dahil tinutugunan nito ang pangangailangan ng pribadong sektor.


Nakasaad din sa naturang batas na magiging mandato sa mga sektor na may kinikilalang industry boards na bumuo at magrekomenda ng mga EBET programs para sa kanilang mga industriya na aaprubahan naman ng TESDA. Aaprubahan ng TESDA ang mga inirekomendang programa sa loob ng 30 araw pagkatapos maisumite ang mga ito.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, co-chairperson ng EDCOM II, at isa sa mga may-akda ng naturang batas, patuloy nating titiyakin ang kakayahan ng ating graduates na makapagtrabaho batay sa kanilang galing at kasanayan sa tulong ng implementing rules and regulations ng ating batas. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page