top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 28, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa pagsisikap ng Senate Committee on Basic Education na makapagbigay ng isang mas ligtas na online environment para sa mga kabataan, inihain ng inyong lingkod ang Senate Resolution 1229 na naglalayong imbestigahan ang paglaganap ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa bansa.


Lumitaw ang Pilipinas bilang isang global hotspot pagdating sa OSAEC dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng kahirapan, underdevelopment, digital payment systems, medyo mataas na English proficiency ng mga Pilipino, at mataas na demand mula sa mga dayuhang salarin.  


Sa isang Scale of Harm Report ng International Justice Mission, halos kalahating milyong batang Pilipino ang na-traffic online sa pamamagitan ng live streaming noong 2022. Nasa 74 porsyento ng mga kaso ng pang-aabusong sekswal laban sa mga bata ang natuklasan na ginawa ng mga taong pinakamalapit sa kanila o mga indibidwal sa loob ng “circle of trust” ng mga biktima o malalapit sa kanila tulad ng kamag-anak, mga magulang, pati na iyong mga may moral na impluwensya sa bata.


Mahalaga na matiyak natin na umiiral at napapaigting ang mga sistema ng pagbibigay proteksyon sa mga bata nang sa gayon ay matugunan ang pag-uulat, pagtugon, pag-uusig, at rehabilitation ng mga batang biktima ng mga gumagawa ng online sexual abuse at exploitation.


Sa datos mula sa Philippine National Police Women and Children’s Protection Center, mahigit 17,600 report na kaso ng mga paglabag sa karapatan ng bata ang naitala noong 2023. Malaking bilang ng mga kasong ito ay pang-aabusong sekswal sa online at mga exploitation violation laban sa mga bata.


Sa paglaganap ng OSAEC na seryosong banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga batang Pilipino, dapat siguruhin ng Senado na ang lahat ng stakeholder — kabilang ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas, pambansa at lokal na pamahalaan, at pribadong sektor — ay inuuna ang pangangalaga sa bata at sinusuportahan ang adbokasiyang lumalaban sa pananamantala sa kanila.


Kailangan din nating palakasin ang international cooperation upang mapabuti ang pagbabahagi ng data at pag-uusig sa cross-border; mapahusay ang pananagutan ng mga digital platform, kabilang ang mga kumpanya ng social media upang maagap na matukoy at maalis ang mga tinaguriang ‘harmful content’ at maipatupad ang komprehensibong pampublikong awareness campaign sa mga komunidad, partikular na ang vulnerable groups tungkol sa mga panganib ng OSAEC.


Mahalagang maipatupad ang mga panukalang ito upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kabataan mula sa iba’t ibang anyo ng trafficking. Samahan at suportahan natin ang mga batang biktima upang makabangon silang muli at magkaroon ng pag-asa sa hinaharap.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 26, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Kakailanganin nating maglaan ng karagdagang P58 milyong pondo para sa Teacher Education Council (TEC) sa pagtiyak na nasusunod ang mandato nito na maiangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay para sa ating mga guro sa buong bansa.


Sa naturang pondo, P28 milyon ang ilalaan para sa pag-hire ng 28 karagdagang staff na itatalaga sa ilalim ng TEC Secretariat. Bagama’t inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ngayong taon ang paglikha sa mga naturang posisyon, wala pang nakalaang pondo para sa mga ito sa ilalim ng General Appropriations Bill para sa Fiscal Year 2025. 


Samantala, P30 milyon naman sa karagdagang pondo na ito ang ilalaan para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE). Sinasaklaw nito ang research activities, mga konsultasyon, mga dayalogo, benchmarking, workshops, at validation activities. Saklaw din ng MOOE ng TEC ang mga regular na pagpupulong, pati na rin ang mga regular na gastusin, operational expenses, at ang espasyo na magsisilbing tanggapan ng TEC sa labas ng Department of Education (DepEd).


Bilang pangunahing may-akda at sponsor ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), mariin tayong nananawagan na madagdagan ang pondo upang masuportahan ang TEC. Naniniwala akong malaki at positibo ang magiging epekto nito dahil maraming kapangyarihan ang TEC upang iangat ang kakayahan ng ating mga guro. Magsisilbi rin itong agarang reporma na makakatulong sa ating mga guro, lalo na pagdating sa kanilang training, at sa paghahanap ng mga may potensyal na maging mahusay sa kanilang propesyon.


Bukod dito, bahagi rin ng mga responsibilidad ng TEC ang pagbuo ng teacher education roadmap at pagtatalaga ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs.

Pinapaigting din ng naturang batas ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC).


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating itataguyod ang mga makabuluhang reporma upang matiyak na mararating ng ating mga minamahal na guro ang kanilang buong potensyal.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Nov. 21, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Halagang P500 milyon ang idadagdag na pondo para sa School Electrification Program ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng ating panukalang Senate Committee Report sa General Appropriations Bill (GAB) para sa Fiscal Year 2025 (House Bill No. 10800). Noon kasi ay P1.295 bilyon lang ang nakalaan para sa naturang programa.


Hindi rin naman lingid sa ating kaalaman na may mga paaralan na wala pa ring kuryente. Bahagi ng layunin ng programang ito na lagyan ng kuryente ang mga paaralang wala pang kuryente, pati na rin ang modernization sa electrical system ng mga paaralang may kuryente na. 


Kasabay ng ating pagsisikap na mabigyan ang ating mga paaralan ng dekalidad na pasilidad para sa pag-aaral, dapat ay tiyakin muna natin na lahat may kuryente bago tuluyang maisulong ang mas malawakang paggamit ng teknolohiya sa mga paaralan.


Habang may universal access na sa ibang mga bansa sa East Asia at Southeast Asia, problemado pa rin ang Pilipinas pagdating sa pagkonekta ng lahat ng mga paaralan sa kuryente. Gamit ang datos mula sa DepEd, iniulat ng isang research paper mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ngayong taon na 1,562 na mga paaralan ang wala pa ring kuryente noong 2020. Lumabas din sa naturang pag-aaral na noong 2020, nasa 39,335 mga paaralan ang nangailangan ng upgrading sa kanilang koneksyon sa kuryente.


Lumabas naman sa isang pag-aaral na nilimbag ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies na kung ihahambing sa mga elementary schools na walang kuryente, mas mataas ng 12% average sa National Achievement Test ang mga paaralang may elektrisidad. Mas mataas naman ng 10% average ang performance ng mga high school na may kuryente kung ihahambing sa mga wala. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nais nating pasalamatan ang Senate Committee on Finance sa kanilang pagtanggap sa panukalang dagdag na budget na ito sa 2025.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page