top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 21, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Noong nakaraang linggo ay tinalakay natin ang pag-amyenda sa Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 4784), isang batas na ipinasa mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Unang naamyendahan ang batas noong 2004.


Matapos ang 20 taon, muli nating tinatalakay ang pag-amyenda rito. Mahalagang tiyakin nating magdudulot ito ng mas mataas na kalidad ng edukasyon sa bansa.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2840 na inihain ng inyong lingkod, iminumungkahi natin ang mga alternatibong pathways o paraan upang maging rehistrado ang isang propesyonal na guro. Layunin ng mga pathways na ito na dagdagan ang bilang ng mga mahuhusay na guro, lalo na sa mga larangan kung saan kinakailangan ang specialized knowledge at expertise. 


Kung meron tayong mga mahuhusay at mga kuwalipikadong mga guro, nais din nating makitang maging mas mahusay ang ating mga mag-aaral. Mahalagang tandaan na ginagawa natin ito para sa ating mga mag-aaral dahil nais nating maging mas mahusay sila.


Sa kasalukuyan, kinakailangang kumuha at pumasa ng licensure examination ang mga nais maging guro. Sa ilalim ng ating panukala, maaaring magsumite sa Professional Regulation Commission (PRC) ng portfolio na nagpapakita ng pagkamit ng professional standards, kung ang graduate ay nagmula sa isang accredited teacher education center of excellence na may passing rate na hindi bababa sa 80%.


Ang PRC ang magtatalaga ng criteria ng professional standards para sa mga guro, at magtatakda kung paano ito maaaring ipakita sa mga isinumiteng portfolio. Ito ay para matiyak na mga kuwalipikado at mahuhusay na aplikante lamang ang mabibigyan ng certificate of registration at lisensya para makapagturo.


May probisyon din sa naturang batas na nagsasaad kung saan pahihintulutan ang pagpaparehistro ng hindi dumadaan sa examination. Ang aplikanteng nagturo ng hindi bababa sa 10 taon bago maisabatas ang naturang panukala ay magsusumite ng portfolio na gagamitin para sa lubusang pagrepaso ng kaalaman at pagtataglay ng mga professional standards. Sa loob ng tatlong taon matapos maging batas ang naturang panukala, dapat magsumite ang mga aplikante ng kanilang aplikasyon para sa issuance ng certificate of registration at professional identification card.


Patuloy nating pag-aaralan ang mga mungkahing ito upang matiyak na makakatulong sila sa pag-angat ng antas ng edukasyon sa bansa. Antabayanan ang mga susunod na hakbang na gagawin natin ukol sa panukalang batas na inihain natin.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 16, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Inihain kamakailan ng inyong lingkod ang isang panukalang batas na layong palawakin ang saklaw ng tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan. 


Sa ilalim ng inihain nating Government Assistance to Private Basic Education Act (Senate Bill No. 2911), magiging bahagi na ng tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan ang mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 6. Dito, bibigyang prayoridad ang mga nangangailangang mag-aaral at mga completers ng Alternative Learning System (ALS).


Voucher system na lamang ang gagamitin nating sistema sa pagbibigay ng tulong pinansyal at magkakaroon na rin ng batayan sa pagpili ng mga benepisyaryo kagaya ng siksikan sa mga silid-aralan, pati na rin ang performance at tuition na sinisingil ng mga pribadong paaralan sa mga mag-aaral.


Layong amyendahan ng ating panukala ang Republic Act No. 6728 o ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (GASTPE). Matatandaang naamyendahan na ang naturang batas sa pamamagitan ng Republic Act No. 8545 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE). 


Naamyendahan muli ang saklaw ng E-GASTPE noong isabatas ang Enhanced Basic Education Act of 2013. Kasunod nito, nilikha at ipinatupad ng Department of Education (DepEd) ang Senior High School Voucher Program (SHS-VP) upang magbigay sa mga kuwalipikadong mag-aaral ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga vouchers. Ipinatupad ang programa upang tugunan ang kakulangan sa silid-aralan dahil sa dagdag na Grade 11 at 12.


Isa pang programang pinapatupad sa ilalim ng GASTPE ang Educational Service Contracting (ESC), kung saan nakakatanggap ng mga grant ang kuwalipikadong mga benepisyaryo. Sa ilalim ng ESC, ginagamit ng gobyerno ang labis na kapasidad ng mga sertipikadong private junior high schools, kung saan nagbibigay ng slots sa mga mag-aaral na papasok sana sa mga pampublikong paaralan. Isa sa mga pangunahing layunin ng ESC ay mabawasan ang siksikang mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. 


Matatandaang noong nakaraang taon, pinangunahan natin ang pagrepaso sa pagpapatupad ng E-GASTPE Program. Lumabas sa mga pagdinig na nabigo ang ESC na mabawasan ang siksikan sa mga paaralan at mabigyang prayoridad ang mga nangangailangan ngunit mahuhusay na mag-aaral. Kaya naman isinusulong nating gamitin na lang ang voucher system dahil mas simple ito at mas matipid para sa ating pamahalaan. Mahihikayat din ng voucher system ang kompetisyon sa mga pribadong paaralan dahil bibigyang insentibo ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon at pagpapanatili ng mas murang matrikula.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 14, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Sa pagpili ng mga benepisyaryo ng government subsidy programs para sa mga pribadong paaralan ngayong taon, bibigyang prayoridad ang mga pinakanangangailangang mag-aaral. 


Ito ang isa sa mga polisiyang isinulong natin noong tinatalakay pa ang 2025 national budget noong nakaraang taon, bagay na nakapaloob sa nilagdaang General Appropriations Act (GAA) para sa taong ito.


Ngayong taon, P12.077 bilyon ang nakalaan sa Educational Service Contracting (ESC) Program, habang P27.024 bilyon ang nakalaan para sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP).


Isinulong nating maamyendahan ang special provision ukol sa Government Assistance and Subsidies sa ilalim ng pondo ng Department of Education (DepEd).


Nakasaad sa special provision na ito na bibigyan ng prayoridad ang mga mag-aaral mula sa mga pinakanangangailangan o pinakamahihirap na pamilya sa SHS-VP at ESC. Nakasaad din sa naturang probisyon na bibigyang prayoridad sa ESC ang mga mag-aaral mula sa mga nagsisiksikang pampublikong paaralan.


Sa ilalim ng ESC program, binabayaran ng gobyerno ang tuition at iba pang bayarin ng mga sobrang mag-aaral sa mga nagsisiksikang junior public high schools na papasok sa mga pribadong paaralan na katuwang ng DepEd. 


Sa ilalim naman ng SHS-VP, nakakatanggap ng tulong pinansyal ang mga kuwalipikadong SHS learners mula sa mga nakikilahok na pribado at non-DepEd schools sa pamamagitan ng vouchers.


Noong nirepaso natin ang pagpapatupad ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE law), pinuna natin na 68% o halos pito sa 10 benepisyaryo ng ESC noong School Year (SY) 2020-2021 ang nagmula sa mga non-poor households o sambahayang hindi nangangailangan o mahihirap.


Nasa 59 porsyento naman ng mga ESC recipients noong SY 2019-2020 ang nagmula sa mga non-poor households. Noong sinuri ng ating tanggapan ang datos ng Annual Poverty Indicators Survey (APIS) para sa 2020 at 2022, lumalabas na P8.6 bilyon ang ginasta natin para sa mga mag-aaral na hindi nangangailangan.


Batay sa parehong datos mula sa 2020 at 2022 APIS, natuklasan din natin na pito sa 10 SHS-VP beneficiaries noong SY 2020-2021 ay mula sa mga non-poor households. Para sa school year na iyon, P7.21 bilyon o 53% ng P13.69 bilyon na inilaan para sa SHS-VP ang napunta sa mga mag-aaral na hindi bahagi ng mga pinakamahihirap na pamilya.


Noong SY 2019-2020, 64% ng mga SHS-VP beneficiaries ang nagmula sa mga household o mga pamilyang hindi talaga maituturing na mahihirap. Sa taong iyon, P7.30 bilyon o 39% ng P18.76 bilyong inilaan para sa SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learners. 


Maliban sa probisyong isinulong nating mapabahagi ng 2025 national budget, nais nating siguraduhing ang mga pinakanangangailangang mag-aaral ang mabibigyan ng prayoridad sa mga subsidy programs para sa pribadong paaralan. Kaya naman inihain natin ang Senate Bill No. 2911 upang maisabatas ang polisiyang ito. Abangan sa mga susunod na araw kung ano pa ang nakasaad sa panukalang batas na ito.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page