top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 30, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Inilabas kamakailan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang Year Two Report nito, kung saan patuloy na nirerepaso ng komisyon ang estado ng sektor ng edukasyon sa bansa. Sa ulat na pinamagatang “Fixing the Foundations,” nakita natin na marupok ang pundasyon ng ating mga kabataan, bagay na nakakaapekto sa kanilang pag-aaral, kakayahan, at mga oportunidad upang magkaroon ng magandang kinabukasan. 


Maraming mga rekomendasyong isinusulong ang naturang ulat ngunit sa pagkakataong ito, nais kong bigyang pansin ang tatlong mahahalagang bagay: ang nutrisyon ng mga kabataan sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay, early childhood education, at pagkamit ng literacy sa Grade 3. 


Nakakabahalang malaman na 25% lamang ng mga kabataang Pilipino, lalo na ang mga sanggol na anim na buwan hanggang isang taong gulang, ang nakakatanggap ng nirerekomendang energy intake para sa kanilang edad. Binigyang-diin din ng ulat ng komisyon na isa sa apat na batang Pilipinong mas bata sa limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad. 


Mahalaga ang papel ng mga Early Childhood Care and Development (ECCD) programs sa pagpapatatag ng pundasyon ng mga kabataan, kabilang ang pagtugon sa kanilang pangangailangan sa kalusugan at nutrisyon. Ngunit isa sa mga dahilan kung bakit hindi nakikilahok ang mga pamilya sa Early Childhood Care and Development (ECCD) programs ang kakulangan sa child development centers (CDCs). Bagama’t mandato ng Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act (Republic Act 6972) ang pagpapatayo ng daycare center sa bawat barangay, wala pa ring mga CDC sa 5,822 na mga barangay sa bansa.


Umaasa tayong matutugunan ang mga hamong ito ng Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575). Layon ng panukalang batas na makamit ang universal ECCD access para sa lahat ng mga paslit na mas bata sa limang taong gulang. Palalawigin ng naturang panukala ang saklaw ng National ECCD System sa lahat ng mga lungsod, munisipalidad, at mga probinsya.


Binigyang-diin pa ng EDCOM na maraming mga mag-aaral ang pumapasok sa Grade 4 na taglay ang mga kakayahang inaasahan sa Grade 2 o Grade 3. Ibinahagi ng komisyon ang resulta ng isang pag-aaral ng UNICEF, kung saan lumabas na bago pa sumiklab ang pandemya ng COVID-19, nahuhuli ng isang taon ang mga mag-aaral na nagtatapos ng Grade 3 pagdating sa literacy. Dahil sa pandemya, katumbas na ng tatlong taon ang nawala sa mga mag-aaral.


Upang matulungan ang mga mag-aaral nating napag-iiwanan sa kanilang kaalaman at kasanayan, mahalagang maipatupad nang maayos ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, isang programa para sa learning recovery na nilikha sa ilalim ng ARAL Program Act (Republic Act No. 12028) at isinulong ng inyong lingkod. 


Malinaw ang mensahe sa atin: kailangan nating patatagin ang pundasyon ng ating sistema ng edukasyon. Kailangang harapin natin ang maraming mga hamong pinagdaraanan natin at bigyang prayoridad ang mga may kinalaman sa pagpapatatag ng pundasyon ng ating mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 28, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Nakatakda ngayong araw ang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education upang suriin ang pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) sa Comprehensive Sexuality Education (CSE). 


Naging laman ng mga balita ang pagtuturo nito sa ating mga paaralan at kung nasa tamang edad ba ang mga mag-aaral para sa mga paksang may kinalaman dito. 


Tulad ng marami sa ating mga kababayan, naniniwala akong mahalagang tugunan natin ang dumaraming bilang ng mga batang ina sa ating bansa. 


Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), 3,343 na mga sanggol ang ipinanganak sa mga batang 10 hanggang 14 taong gulang noong 2023. Nakakabahala ito lalo na’t isa sa mga epekto ng maagang pagbubuntis ang paghinto sa pag-aaral ng batang ina. 


Sa gagawin nating pagrepaso sa CSE, mahalagang balikan natin ang konteksto ng pagpapatupad nito. Kung babalikan natin ang Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012, nakasaad sa Section 14 ang pagkakaroon ng tinatawag nating age-appropriate at development-appropriate na reproductive health (RH) education. 


Ilan sa mga paksang dapat talakayin sa RH education ang values formation, pang-aabuso at karahasan sa mga kabataan at kababaihan, mga pagbabagong nararanasan ng mga kabataan, responsableng asal at pagkilos, at marami pang iba. Malinaw din sa batas na dapat ituro ang reproductive health education sa mga adolescents o mga batang 10 hanggang 19 gulang.


Matatandaan din na nakapaloob sa Executive Order No. 12 series of 2017 ang mahigpit na implementasyon ng RPRH Law. Nakasaad sa naturang EO na magpapatupad ang DepEd ng “gender-sensitive” at “rights-based” na CSE. 


Noong sumunod na taon, inilabas ng DepEd ang Order No. 031 series of 2018, kung saan nakasaad ang mga pamantayan sa pagpapatupad ng CSE. Batay sa naturang department order na lahat ng mga mag-aaral mula sa K to 12 ang tuturuan ng CSE. 

Sa gagawin nating pagdinig, nais nating linawin kung bakit saklaw ng CSE ang lahat ng mga mag-aaral sa K to 12, kung maliwanag naman ang nakasaad sa RPRH law: na mga batang 10 hanggang 19 ang dapat turuan ng RH education. 


Nais ko ring bigyang-diin ang mahalagang papel ng ating mga magulang sa paggabay sa ating mga kabataan. Isinulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Parent Effectiveness Service (PES) Program Act (Republic Act No. 11908). 


Layon ng naturang batas na suportahan ang mga magulang at mga parent-substitutes sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, pagtaguyod sa karapatan ng mga bata, pagsulong sa positibong early childhood development, at pagtutok sa kanilang pag-aaral. Para sa akin, dapat nangunguna ang mga magulang sa pagtuturo at pagtalakay ng mga paksa sa ilalim ng CSE. Kung maipapatupad natin ang batas sa PES Program, mapapaigting natin ang papel ng mga magulang sa pagsugpo sa maagang pagbubuntis ng mga kabataan.


Kaya iniimbitahan natin ang ating mga kababayan na sundan ang mga talakayan sa ating pagdinig.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 23, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isinumite kamakailan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa Department of Education (DepEd) ang panukala nitong mga rebisyon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 10627 o mas kilala sa tawag na Anti-Bullying Act of 2013. Mahalagang hakbang ito upang gawing mas ligtas na espasyo ang ating mga paaralan, lalo na’t marami pa rin sa ating mga mag-aaral ang nakakaranas ng bullying. 


Matatandaang sa 2022 Programme for International Student Assessment, lumabas na isa sa tatlong mag-aaral na 15 taong gulang ang nakaranas o nakakaranas ng bullying nang hindi bababa sa isang beses sa isang linggo. 


Pinuna ng EDCOM II na mula noong maisabatas ang Anti-Bullying Act of 2013, hindi na naging pare-pareho ang paraan ng mga paaralan sa pagpapatupad ng naturang batas. Isa sa mga hamon ang kakulangan ng mga trained personnel, lalo na ang mga guidance counselors sa mga paaralan. 


Kaya naman isinusulong ng EDCOM II ang mga rebisyon sa IRR ng batas upang mapaigting ang pagpapatupad ng mga programa kontra bullying. Halimbawa, iminumungkahi ng komisyon ang pagkakaroon ng Learner Rights and Protection Office (LRPO) na mangunguna sa pagbalangkas ng framework at standards para sa mga anti-bullying program. Ang LRPO din ang magpapanatili ng central repository ng mga kaso ng bullying, resulta ng mga imbestigasyon, at ang naging kaukulang aksyon. 


Magiging mandato rin sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa elementary at high school na magkaroon ng mga anti-bullying policies na angkop sa kanilang mga konteksto. Magtatalaga rin ang mga eskwelahan ng discipline officer na magpapatupad ng mga polisiya at bantayan ang kilos ng mga mag-aaral sa loob ng iskul. 


Kaugnay ng mga polisiyang ito ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na isinulong ng inyong lingkod. Matatandaang mandato ng batas na ito ang pagkakaroon ng School-Based Mental Health Program upang pangalagaan ang mental health ng mga mag-aaral at itaguyod ang kanilang kapakanan. Upang matugunan ang kakulangan ng mga guidance counselor, lumikha ang batas ng mga posisyong school counselor at school counselor associate. 


Sa ilalim ng panukala ng EDCOM II, magiging tungkulin ng mga school counselor at school counselor associate ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga biktima, mismong mga bully, mga impormante, mga saksi sa insidente ng bullying, at iba pa. Magiging tungkulin din nila ang pagsasagawa ng mga capacity-building activities para sa mga guro at ibang kawani, pati na rin ang mga regular na programa para dagdagan ang kaalaman ng mga magulang, parent-substitutes, mga mag-aaral, at iba pang mga stakeholder ng paaralan. 


Nananatiling malaking hamon ang pagpuksa sa bullying ngunit naniniwala ako na kung tayo ay magtutulungan, magagawa nating mas ligtas ang ating mga paaralan at mga mag-aaral. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page