top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 4, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Naging laman ng mga balita nitong mga nakaraang araw ang pagkakadukot sa isang 14-taong gulang na mag-aaral mula sa isang international school. Batay sa impormasyong napag-alaman natin, ang mga dumukot sa mag-aaral na ito ay may kaugnayan sa mga operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).


Nakababahalang mabatid na bagama’t ipinagbabawal na ang mga POGO, patuloy pa rin sila sa kanilang mga gawaing kriminal. Sa pagkakataong ito, naging biktima na rin nila ang mga mag-aaral. Nakaaalarma rin ang mga ulat ng mga ginawa sa bata ng mga kidnapper. 


Pebrero 20 noong huling makita ang estudyante matapos siyang sunduin ng kanilang driver, ngunit hindi na nakauwi ang bata. Kinabukasan, lumapit sa pulis ang mga magulang ng bata at sa araw ding iyon, natagpuang patay ang driver nito sa isang bayan sa Bulacan. 


Batay sa mga report, humingi ng ransom ang mga kidnapper sa magulang ng dinukot na bata. Ayon naman sa Department of the Interior and Local Government (DILG), unang kumalat sa social media noong Pebrero 22 ang isang video, kung saan nakitang pinutulan ng daliri ang mag-aaral. Kinabukasan, nagpadala ang mga kidnapper ng video sa mga magulang ng bata bilang patunay na buhay pa ang kanilang anak. 


Naiulat ang pagkakaligtas ng biktima noong Pebrero 26, bagay na ipinagpapasalamat natin sa mga otoridad. Bagama’t nailigtas din ang dinukot na mag-aaral, nananatiling malaya ang mga kidnapper. Kasunod nito, ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang manhunt para sa mga suspect sa pagdukot sa mag-aaral. Isa lamang ang katanggap-tanggap na resulta ng manhunt na ito: ang ganap na pagpapanagot sa mga kriminal na nasa likod ng krimeng ito. 


Lubhang nakababahala na pati ang mga menor-de-edad ay nagiging biktima na rin ng mga sindikatong may kaugnayan sa POGO. Hindi ito isang simpleng kaso lamang -- ito ay isang babala. Kung hindi natin agad mapipigilan, maaaring maging simula ito ng mas malawak pang modus ng mga POGO na targetin ang mga kabataan at mag-aaral.


Kaya naman mahalaga ang mas matatag na pagsugpo sa mga POGO upang tuluyan nang mabuwag ang kanilang mga operasyon. Kasabay nito, mahalagang magtulungan tayong lahat —ang mga paaralan, mga komunidad, mga local government units, at mga komunidad — upang mapanatili ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral. 


Kabilang sa mga hakbang na dapat nating gawin ang pagtuturo sa ating mga mag-aaral kung paano nila mabibigyan ng proteksyon ang kanilang mga sarili sa oras ng panganib. 

Isang babala ang insidenteng ito para sa ating lahat. Ngunit hindi natin hahayaang manaig ang takot at karahasan sa ating mga komunidad. Habang may hustisyang ipinaglalaban, walang ligtas ang mga salarin dahil hahabulin sila ng batas hanggang sa dulo. 


Sa ating layuning makamit ang kaayusan at kapayapaan sa bansa, makakaasa kayong ang inyong lingkod ay patuloy na makikipagtulungan sa ating pamahalaan hanggang sa tuluyang masugpo ang mga POGO at ang mga kriminal na nauugnay sa kanila.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 28, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Kamakailan ay may naiulat na ilang mga insidente ng karahasang sangkot ang mga mag-aaral na menor-de-edad. Nakakaalarma ang mga pangyayaring ito, lalo na’t ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ang nakasalalay. Binibigyang-diin ng mga naturang insidente ang pangangailangan para sa mas matatag na mga programa sa anti-bullying, mental health, at guidance at counseling sa mga paaralan.


Sa Rizal High School sa Pasig City, may dalawang mag-aaral, isang Grade 7 at isang Grade 10, ang nasaksak sa gitna ng isang awayan sa labas ng paaralan. 


Sa Iloilo City naman, dalawang kabataan ang nasaksak din sa isang riot na kinasangkutan ng mga mag-aaral na may edad 13 hanggang 17. May natanggap ding ulat ang ating tanggapan tungkol sa dalawang babaeng menor-de-edad na nasaksak ang kanilang mga mukha habang nasa loob ng eskwelahan nila sa Marikina. 


Dumarami na ang mga insidente ng karahasan na mismong mga menor-de-edad ang sangkot. Mahalagang merong mga security measure, mga guidance program, at support systems ang mga mag-aaral upang maiwasan ang paglala ng mga ganitong insidente.


Sinasalamin ng mga karahasang ito ang mas malalim pang mga suliranin sa ating lipunan, at dapat nating tugunan ang mga ito upang maprotektahan ang mga kabataan.

Ang pagpapaaral sa ating mga kabataan ay hindi lamang para sa pag-angat ng kanilang kahusayan. Tungkol din ito sa paghubog sa kanilang pagkatao at mga values na dapat nilang isabuhay sa labas ng paaralan.


Kaya naman hinihimok natin ang Department of Education (DepEd), law enforcement agencies, at mga local government units  (LGUs) na magtulungan upang mapatatag ang mga intervention na tutugon sa ugat ng mga mararahas na insidenteng ito.


Nananawagan din tayo sa mga magulang at mga komunidad na maging mapagmatyag at maging aktibo sa paggabay sa mga kabataan. 


Ang Pilipinas ay tinaguriang ‘bullying capital of the world’ ng international large-scale assessments. May mga batas na tayo para matugunan ang mga problemang ito, tulad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na isinulong ng inyong lingkod. Mahalagang maipatupad natin ito nang ganap upang maitaguyod ang kapakanan ng ating mga mag-aaral. 


Matatandaan ding isinumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mga panukala nitong rebisyon sa Implementing Rules and Regulations ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627). 


Kabilang sa mga isinusulong na rebisyon ang pagkakaroon ng mga localized anti-bullying policies sa bawat pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at high school. Isinusulong din ang pagkakaroon ng discipline officers na magiging responsable sa pagpapatupad ng mga school policies at pagbabantay sa student behavior.


Malaking hamon para sa atin ang pagsugpo sa mga insidenteng ito, naniniwala ako na maitataguyod natin ang mga mag-aaral kung tayo ay magtutulungan at magdadamayan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Feb. 25, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Nakakabahala ang lumabas na datos ng Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) pagdating sa bilang ng mga nagtatapos sa Alternative Learning System (ALS).


Nitong School Year 2023-2024, halimbawa, lumalabas na wala pang kalahati o 302,807 (46.2%) lamang sa 655,517 na mga mag-aaral ang nakatapos sa programa.Para sa mga hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, ang ALS ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon.


Noong maisabatas ang Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510) na isinulong ng inyong lingkod, ginawa nating institutionalized ang ALS, pinatatag natin ito, at pinalawak ang saklaw para matulungan natin ang mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mag-aaral, kabilang ang mga indigenous people na hindi nakapagtapos. 


Kasama sa mga out-of-school children in special cases ang mga mag-aaral na may kapansanan, children in conflict with the law, at mga kabataang nasa gitna ng mga sakuna.


Ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF noong 2021, ilan sa mga dahilan ng mataas na dropout rate ang kakulangan ng suportang pinansyal, ang pangangailangan sa trabaho, at ang kawalan ng interes.


Ngunit kung wala pang kalahati ng mga mag-aaral ng ALS ang hindi nakakatapos, lumalabas na nasasayang ang pangalawang pagkakataong ibinibigay natin sa kanila.


Kaya naman nanawagan tayo sa Department of Education (DepEd) na tugunan ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas sa ALS upang mapataas ang bilang ng mga nagtatapos sa programa.Isa sa mga mungkahi natin ang pagkakaroon ng guidance and counseling program upang mahikayat ang mga mag-aaral ng ALS na manatili sa programa.


Mahalagang maunawaan din ng ating mga mag-aaral sa ALS ang mga oportunidad na maaari nilang matanggap sa ilalim ng programa.Pinuna rin ng EDCOM na bagama’t nilagdaan ang batas sa ALS noong 2020, hindi pa rin lumalabas ang ilan sa mga pamantayan para sa pagpapatupad nito.


Kabilang dito ang mga pamantayan para tulungan ang local government units (LGUs) na magamit ang Special Education Fund (SEF). Hindi rin lumalabas ang revenue regulations na magbibigay sana ng mga tax incentives para sa pribadong sektor sa kanilang kontribusyon sa ALS. Hindi pa rin lumalabas ang mga pamantayan para sa pagkilala sa mga pribadong ALS providers.


Ang ALS ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa ating mga kababayan at hindi natin ito dapat sayangin. Tiwala ako na sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng mga komunidad, maaabot natin ang bawat isa sa ating mga kababayang nangangailangan ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon. Matitiyak nating hindi sila mapag-iiwanan at masusuportahan natin silang magkaroon ng magandang kinabukasan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page