top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 13, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita para sa ating mga mag-aaral sa senior high school (SHS) sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, libre na ang assessment para sa pagkakaroon ng national certification. Malaking tulong ito upang magkaroon ang ating mga SHS-TVL learners ng mas mataas na pagkakataong magkaroon ng magandang trabaho. 


Kaya naman hinihimok natin ang ating mga mag-aaral sa SHS-TVL na mag-apply na para sa assessment at certification. Maaari silang iendorso ng mga punong-guro sa pinakamalapit na provincial o district office ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Maaari rin silang iendorso ng Schools Division Office sa pinakamalapit na TESDA provincial o district office o kaya ay puwede rin silang mag-apply ng diretsahan sa pinakamalapit na TESDA provincial o district office. 


Isinulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng pondo para sa assessment at certification ng mga SHS-TVL learners para sa taong 2024 at 2025. Noong 2024, P438.162 milyon ang inilaan para sa SHS assessment at certification program. Para naman sa taong ito, P275.861 milyon ang inilaan para sa programa. 


Inilabas kamakailan ng Department of Education (DepEd), ang DepEd Order No. 003 s. 2025, kung saan nakalagay ang mga pamantayan para sa pagpapatupad ng naturang programa para sa assessment at certification ng mga SHS-TVL learners.


Maaaring sumailalim sa libreng assessment ang mga sumusunod na mga mag-aaral – mga SHS-TVL learners na kasalukuyang naka-enroll sa mga pampubliko at mga pribadong paaralan para sa School Year (SY) 2024-2025 at SY 2025-2026; ang mga mag-aaral sa Alternative Learning System (ALS) sa SHS-TVL track na naka-enroll sa mga pampubliko at pribadong learning centers para sa  SY 2024-2025 at SY 2025-2026; at mga SHS-TVL graduates at ALS graduates sa SHS-TVL track mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan para sa SY 2022-2023 at SY 2023-2024.


Isinulong natin ang pagpapatupad ng programang ito dahil batay sa pagsusuri ng ating tanggapan, mababa ang porsyento ng mga SHS-TVL learners na nakakatanggap ng certification. Para sa School Year 2019-2020, umabot lamang sa 25.7% ang certification rate para sa mga TVL graduates ng senior high school. Bumaba pa ito sa 6.8% noong SY 2020-2021. Isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling mababa ang certification rate ay dahil kailangang magbayad ng mga mag-aaral ng humigit-kumulang P1,009.29 para mga National Certification Assessment.  


Nagpapasalamat tayo sa DepEd at sa TESDA sa pagpapatupad ng programang ito. Patuloy nating isusulong ang mga oportunidad upang iangat ang kahandaan ng ating mga SHS learners sa trabaho.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 11, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Nitong nakaraang linggo, may dalawang mahahalagang balita ukol sa pagpapatatag ng Early Childhood Care and Development (ECCD) sa bansa. 


Una, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang P700 milyong pondo para sa pagpapatayo ng mga child development centers (CDCs) sa mga fourth-at fifth-class municipalities sa bansa. 


Ang mga CDCs ay mga pasilidad sa barangay, munisipalidad, lungsod, o probinsya, kung saan nakakatanggap ng mga programa at serbisyong pang-ECCD ang mga batang wala pang limang taong gulang. Ang Local Government Support Fund (LGSF) ang pagmumulan ng naturang pondo para sa pagpapatayo ng mga CDCs na ito. 


Nagagalak ang inyong lingkod dahil noong tinatalakay natin ang Early Childhood Care and Development System Act sa mga pagdinig sa Senado, una nating iminungkahi ang paggamit ng LGSF para sa pagpapatayo ng mga CDCs sa mga fourth-at fifth-class municipalities. Napabilang ang ating mungkahi sa niratipikahang Early Childhood Care and Development System Act ng Senado at Kamara. 


Kung maisabatas ito, hindi na lamang pagpapatayo ng mga CDC ang maaaring pondohan ng LGSF. Maaari na ring gamitin ito para sa pag-hire ng mga child development teachers and workers. Mahalaga ang hakbang na ito upang matiyak na hindi mapag-iiwanan ang mga nangangailangang munisipalidad pagdating sa mga programa at serbisyong pang-ECCD.


Ang pangalawang mahalagang balita ay ang panawagan ng ating Pangulo sa mga local government units (LGUs), kung saan hinimok niyang tutukan ang nutrisyon ng mga ina na nasa panganib ang kalusugan at nutrisyon. Binigyang-diin ng Pangulo na dapat tugunan ang nutrisyon ng kanilang mga anak sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay — mula sa sinapupunan hanggang sa umabot sila sa dalawang taong gulang. 


Nagbigay din ang Pangulo ng direktiba sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na gawing priority indicators sa Seal of Good Local Governance (SGLG) ang kalusugan at nutrisyon. 


Sinasalamin ng direktibang ito ang ating mungkahi na isama ang mga ECCD indicators sa mga angkop na assessment criteria ng SGLG kabilang ang social protection and sensitivity program, health compliance and responsiveness, at programs for sustainable education. Bahagi rin ng niratipikahang Early Childhood Care and Development System Act ang ating mungkahi. Kung maisabatas na ito, mas matitiyak natin ang aktibong pakikilahok ng mga LGUs sa pagsugpo sa malnutrisyon.


Mahalagang bigyan natin ng matatag na pundasyon ang kalusugan ng ating mga mag-aaral dahil nakasalalay dito ang kanilang kakayahang matuto. Kung babalikan natin ang iba’t ibang mga pag-aaral, lumalabas na isa sa apat na batang Pilipinong wala pang limang taong gulang ang maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad. Resulta ito ng kakulangan ng nutrisyon, lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay.


Mahalagang tugunan natin ito, lalo na’t nakasalalay dito ang kanilang kakayahang matuto o magkaroon ng maayos na hanapbuhay sa kanilang pagtanda. Sa pagtugon natin sa krisis na kinakaharap ng bansa sa edukasyon, kailangang tiyakin nating matatag ang pundasyon ng ating mga mag-aaral upang hindi sila mapag-iwanan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 6, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita para sa ating mga kababayan: pirmado na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080), isang batas na magpapalawak ng access ng mga mag-aaral sa mga programa at serbisyong pang-mental health.


Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral. Kung matitiyak nating abot-kamay ang kinakailangang mga serbisyo, hindi na hahantong na magdusa ang ating mga mag-aaral sa panahon ng krisis sa kanilang mental health.


Bilang sponsor at may-akda ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, nais nating matiyak na epektibong maipatutupad ang School-Based Mental Health Program na iminandato ng batas. 


Layon ng School-Based Mental Health Program na itaguyod ang kapakanan ng ating mga mag-aaral sa parehong pampubliko at pribadong paaralan. 


Isusulong ng programa ang mental health awareness at tutugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral pagdating sa mental health, kabilang ang pagpigil sa mga kaso ng pagpapakamatay. 


Mandato rin ng batas na tukuyin ang papel ng iba’t ibang mga stakeholders pagdating sa prevention, intervention, recovery at iba pang mga mahahalagang hakbang na may kinalaman sa mental health ng mga mag-aaral.


Magiging bahagi ng programa ang screening, evaluation, assessment, monitoring, mental health, first aid, crisis response, referral system, mental health awareness, literacy, emotional, developmental, at preventive programs at iba pa. Saklaw din ng naturang programa ang mga mag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).


Magkakaroon ang bawat pampublikong paaralan ng Care Center upang matiyak na maihahatid ang mga school-based mental health services. Ang mga Care Center na ito ay pamumunuan ng mga School Counselor na dapat ay isang registered guidance counselor o registered psychologist. 


Magkakaroon naman ang mga Schools Division Offices (SDO) ng Mental Health and Well-Being Offices upang itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral at mga kawani sa ilalim ng SDO. 


Ang Mental Health and Well-Being Office ay pamumunuan ng Schools Division Counselor na dapat ay isa ring registered guidance counselor o registered psychologist.

Tinutugunan din ng batas ang kakulangan ng mga guidance counselor sa bansa.


Lumikha ang batas ng mga bagong plantilla positions na tatawaging School Counselor Associates I to V. Isa sa mga kuwalipikasyon sa mga bagong posisyon na ito ang pagkakaroon ng Bachelor’s Degree in Guidance and Counselling or Psychology.

Isang mahalagang hakbang ang pagpapatupad ng naturang batas upang matiyak nating ligtas ang ating mga mag-aaral. 


Napapanahon ito lalo na’t binansagan ang Pilipinas bilang bullying capital of the world.


Matatandaang naiulat din ang maraming mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng ating mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. 


Malaki ang hamong kinakaharap natin ngunit naniniwala akong sa ating pagtutulungan, maitataguyod natin ang kapakanan ng ating mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page