top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 25, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Inanunsyo kamakailan ng Department of Education (DepEd) na hiningi nito ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang imbestigahan ang mga iregularidad sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP), kabilang ang pagkakaroon ng mga ‘ghost students’ o mga mag-aaral na walang sapat na dokumentasyon bilang benepisyaryo ng programa. 


Matatandaang una nang inanunsyo ng kagawaran na 12 pribadong paaralan sa siyam na divisions ang kanilang sinisiyasat.


Ayon sa DepEd, maaaring itigil ang pakikilahok ng mga pribadong paaralan sa SHS-VP kung mapapatunayang sangkot ang mga ito sa mga iregularidad. Papanagutin din ang mga kawani at mga opisyal na mapapatunayang sangkot sa mga gawaing ito.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, sinusuportahan natin ang mga hakbang na ito upang mapanagot ang mga sangkot sa mga itinuturing na anomalya. Para sa inyong lingkod, kailangang mabilanggo ang mga mapapatunayang sangkot sa mga iregularidad na ito. Hindi natin dapat palagpasin ang ginawa nilang panlilinlang sa mga mamamayang Pilipino. 


Noong nakaraang taon, pinangunahan ng inyong lingkod ang mga pagdinig upang repasuhin ang pagpapatupad ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act or the E-GASTPE law (Republic Act No. 8545). Marami tayong natuklasan sa mga ginawa nating pagdinig.


Batay sa datos ng Private Education Assistance Committee (PEAC), may 11,825 na benepisyaryo ng SHS-VP na may problema pagdating sa dokumentasyon mula School Year (SY) 2020-2021 hanggang SY 2022-2023. Umabot sa P310.4 milyon ang inaasahang refund na matatanggap ng pamahalaan dahil sa mga benepisyaryong ito na kulang sa dokumentasyon. Sa halagang ito, P71.1 milyon ang natanggap na ng pamahalaan samantalang P239.3 milyon pa ang hindi natatanggap. 


Para sa SY 2022- 2023, ipinatigil ng PEAC ang pakikilahok ng 22 pribadong paaralan sa SHS-VP. Sa isang paaralang inirekomendang masuspinde, kulang sa dokumentasyon o hindi mapatunayang totoong mag-aaral ang 79% o 8 sa 10 mga benepisyaryo ng SHS-VP.


Patuloy naman nating hinihimok ang DepEd na ilabas ang mga bagong guideline o pamantayan para sa pagpapatupad ng SHS-VP. Kabilang sa mga iminumungkahi natin ang pagtiyak na mabibigyang prayoridad ang mga pinakanangangailangang mag-aaral.


Iminumungkahi rin natin ang pagsasaayos ng billing system ng DepEd upang mas madaling masuri ang dokumentasyon ng mga mag-aaral at maging mas maayos din ang pagbabayad sa mga pribadong paaralan. 


Patuloy nating susubaybayan ang imbestigasyon sa mga isyung ito hanggang sa mapanagot natin ang mga dapat managot. Patuloy din nating isusulong ang mga reporma sa SHS-VP upang makamit natin ang mga layunin nitong maghatid ng dekalidad na edukasyon sa mga nangangailangang mag-aaral.




May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 20, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Iniulat kamakailan ng Department of Education (DepEd) na babawasan ng 57% ang mga forms na kailangang punan ng ating mga guro. Malaking tulong ito upang matutukan ng ating mga guro ang pagtuturo at matiyak na natututunan ng ating mga mag-aaral ang dapat nilang pag-aralan. 


Matagal nang hinaing ng ating mga guro na nagiging sagabal sa kanilang pagtuturo ang dami ng non-teaching tasks na kailangan nilang gawin. Una nang nabatid sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na lumabas noong nakaraang taon na umaabot sa mahigit 50 ancillary at administrative tasks ang kailangang gampanan ng mga guro. 


Lumabas din sa isang pag-aaral ng IDinsight at ng EDCOM II na umaabot sa 52 oras ang average na inilalaan ng mga guro kada linggo upang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Lagpas na ito sa 40 oras kada linggo na iminamandato ng batas para sa kanila. Ayon pa sa naturang pag-aaral, isa sa apat na guro ang nagtatrabaho ng mahigit 60 oras kada linggo dahil sa mga dagdag na workload bilang mga librarian, school clinician, canteen managers at iba pa.


Ipinag-utos na sa ilalim ng DepEd Order No. 002 s. 2024 ang pag-alis ng mga non-teaching tasks sa mga guro, samantalang nilinaw naman ng DepEd Order No. 005 s. 2024 ang mga limitasyon sa workload ng mga guro. 


Matatandaan ding inanunsyo kamakailan ng DepEd ang pag-hire sa mahigit 7,000 administrative staff sa ilalim ng contract of service upang mapagaan ang trabaho ng mga guro. Malaking tulong sa ating mga guro ang mga dagdag na kawaning ito, ngunit marami pa tayong dapat gawin upang matiyak na may sapat na non-teaching staff sa mahigit 47,000 na pampublikong paaralan sa bansa.


Kaya naman patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang pagsasabatas ng Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) na ating inihain. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, magiging institutionalized ang polisiyang ipagbawal ang pagpapagawa ng mga non-teaching tasks sa ating mga guro. Iminumungkahi rin nating bawasan ang oras ng pagtuturo ng mga guro mula anim pababa sa apat. Kung maisabatas ang panukalang ito, magiging mandato sa DepEd at Department of Budget and Management (DBM) na punan ang mga non-teaching positions.


Nakasalalay ang kalidad ng ating edukasyon sa kakayahan ng ating mga guro. Ngunit para magtagumpay ang ating mga guro, kailangang ibigay natin sa kanila ang bawat suportang kinakailangan nila upang magampanan nang husto ang kanilang tungkulin.


Marami pa tayong dapat gawin para sa kanila at sa ating pagtutulungan, maisasakatuparan din natin ang mga inaasam na polisiya para maitaguyod nang mabuti ang kapakanan ng ating mga guro.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Mar. 18, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Iniulat kamakailan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mas mahigpit na proseso para sa pag-isyu ng mga travel permit sa mga menor-de-edad na babiyahe sa ibang bansa. 


Ayon sa ahensya, isa itong hakbang upang mapigilan ang mga kaso ng child trafficking at iba pang uri ng karahasan at pang-aabuso sa ating mga kabataan.


Mahalaga ang mga hakbang na ito, lalo na’t kailangan lagi nating tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga kabataan upang hindi sila maging biktima ng anumang klase ng karahasan o pang-aabuso. 


Sa ilalim ng bagong sistema para sa Minors Traveling Abroad (MTA), kailangang magtakda at magsagawa ang mga magulang o mga legal guardian ng video conference para matiyak ang kanilang pagkakakilanlan. Paraan din ito upang matiyak na pinapahintulutan nila ang pagbiyahe ng bata. 


Paliwanag pa ng ahensya, hindi na mahuhuli ang mga magulang o mga guardian sa mga itatakdang appointment sa DSWD dahil sila ang mamimili ng oras na komportable sila. 


Lahat ng mga menor-de-edad na babiyahe palabas ng bansa ay kailangang kumuha ng travel permit maliban na lamang kung mag-travel sila kasama ang isa o parehong mga magulang o legal guardian. 


Hindi na rin kailangang kumuha ng travel permit ang mga illegitimate children na babiyahe kasama ang kanilang ina. Exempted din ang mga menor-de-edad na may valid foreign passport o permanent residency card, gayundin ang mga may magulang na may hawak na diplomatic passport. 


Kung kinakailangan, maaari ring dumalaw ang mga local social welfare and development officers (LSWDO) sa mga tahanan ng mga menor-de-edad.


Sa ilalim kasi ng dating proseso, pinapayagan ang mga travel agent o mga third-party representatives na isagawa ang application kahit hindi nagpapakita sa DSWD ang mga magulang o guardian ng mga bata. Ang mga travel agent o third-party representatives na ito ay maaaring hindi kadugo ng mga menor-de-edad ngunit naisasagawa nila ang pagproseso ng travel permit gamit ang special power of attorney.


Upang magtagumpay ang bagong sistemang ito, mahalaga rin ang pakikiisa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Bureau of Immigration, at iba pang mga kagawaran at tanggapang bahagi ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT). 


Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 (Republic Act No. 11862), sinusuportahan natin ang alinmang hakbang upang masugpo ang anumang anyo ng human trafficking, lalo na ang mga uri ng karahasan at pang-aabuso sa mga bata. Patuloy namang makikipagtulungan ang inyong lingkod sa mga ahensya ng gobyerno upang tuluyang masugpo ang child trafficking sa ating bansa.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page