- BULGAR
- Dec 29, 2022
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 29, 2022
Bago matapos ang taon, tiniyak ng inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education na naihain ang mahahalagang panukalang batas. Kabilang na ang isinusulong natin na layong gawing institutionalized ang Arabic Language and Islamic Values Education o ALIVE sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Hangad ng Senate Bill No. 382 o ang Arabic Language and Islamic Values Education Act na bigyan ang mga mag-aaral na Muslim ng angkop na edukasyon habang kinikilala ang kanilang kultura. Tinitiyak at kinikilala rin ng naturang panukala ang ambag ng mga Pilipinong Muslim bilang katuwang sa pagkamit ng mga layunin ng bansa. Kapag naisabatas na, ang Arabic Language at Islamic Values Education ay ituturo sa parehong mga kabataang Muslim at hindi Muslim.
Naniniwala tayong naaayon ang panukalang batas sa pagsusulong ng inclusive education upang tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga mag-aaral at tiyakin ang kanilang ganap na pakikilahok at pagkamit ng kahusayan nang naaayon sa kanilang kultura at komunidad.
Titiyakin din ng panukala ang pagkakaroon ng sapat na textbook at instructional materials, pati na ang pagsasanay sa asatidz o guro sa komunidad ng mga Pilipinong Muslim. Isinusulong din ng panukalang batas ang pagbibigay ng technical assistance at tulong-pinansyal sa mga DepEd-accredited madaris o pribado at community-based na mga paaralang nakatutok sa Islamic studies at Arabic literacy.
Bilang pagkilala sa kultura at kontribusyon ng ating mga kababayan at mag-aaral na Muslim, ipinaglalaban natin ang mas pinaigting na mga programa sa ilalim ng Arabic Language and Values Education. Higit sa lahat, kasama rin ito sa ating pagsisikap para matiyak na pagdating sa dekalidad na edukasyon ay hindi mapag-iiwanan ang mga mag-aaral na Muslim.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




