top of page
Search
  • BULGAR
  • Jul 12, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | July 12, 2022


Hindi ka na naubusan,

ang daming pinanghuhugutan

Puno na ng kadramahan

ang puso mong nahihirapan.


Hindi ka na ba nagsawa

Sa puro tamang hinala,

At sa pagdaloy ng luha

Sa iyong mga mata pababa sa lupa?


Hindi mapatawad ang sarili,

Hindi matantanan ang pagsisisi,

Lagi na lang nag-aatubuli,

Hindi sigurado sayong napili.


Hindi makawala sa nakaraan,

Kahit panahon ay nagdaan,

Kahit nag-iba na ang kalakaran

Ng sistema nating sinasabayan.


Palagi kang nalilito,

At madalas ay nahihilo

Sa paikot-ikot nating mundo,

Na kinatatayuan at ginagalawan mo.


Pero tandaan mo,

Sa problema’t kumplikasyon,

Sa init at kombulsyon,

At sa walang tigil na konsumisyon,

Palagi mong hanapin ang solusyon.


Oo, laging may solusyon.

Sapagkat hindi mo pa oras tumigil,

At sa oras na ika’y manggigil,

Sa tagumpay, ‘wag kang magpigil,

Oo, dapat lang na ‘wag kang magpapigil!


Dahil sa pagtaas o pagbaba,

Kumanan man o kumaliwa,

Ang Diyos ay hindi sa ‘yo mananawa,

Kaya sa paglalakbay mo’y hindi ka mawawala.


 
 
  • BULGAR
  • Jun 28, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | June 28, 2022


Kaganapan ay puro lang digmaan,

Kung saan-saan na ang labanan,

Hinahanap pa rin ang kapayapaan

Sa kalagitnaan ng mga sigawan.


Sugatan at nahihirapan ka na.

Ano, lalaban ka pa ba,

O ikaw ba ay susuko na

at hindi na magpapatuloy pa?


Nakailang ulit nang lumagapak,

Ilang beses nang nabalian ng pakpak,

Madami na ang sinalong sapak,

At dinig ang kaaway na humahalakhak.


Iniwanan na ako ng sarili kong anino,

Dinikdik na ako hanggang halos mapino.

Sinabihan ng kung ano-ano ng kung sino-sino,

Ngunit nandito pa rin ako at hindi nagretiro!


Dahil hindi ko inayawan!


Pinagtiisan kahit gaano kahirap ang daanan,

Kahit pa bubog at apoy, aking nilakaran!

Hindi nanghinayang sa sakit na naramdaman,

Dahil alam kong ikaw ang aking kapahingahan.


Nagtamo man ng mga samut-saring galos,

Buong katawan ko man ay kanilang igapos,

Tangayin man ako ng naglalakihang agos,

Magpupuri pa rin ako kahit na mapaos.


Hindi ako titigil kahit pa sinisiil,

Walang anuman o sinumang makakapigil,

Sa tagumpay lalo lang ako nanggigil,

Kaya tuloy lang ako at hindi magpapapigil!


Salubungin man ng malakas na buhawi,

Ilang ulit mang mabigo sa pagbabaka-sakali,

Babangon pa rin ako para bumawi,

Hanggang ang tagumpay ay akin nang mabawi.


 
 
  • BULGAR
  • Jun 25, 2022

ni Angeline S. Mendoza - @What's In, Ka-Bulgar | June 25, 2022


Sa bawat oras at araw na dumaraan,

Hindi alam kung paano tatakasan,

Mga problema at responsibilidad na nakaatang,

Hindi na rin malaman kung paano gagampanan.


Sa bawat pagsikat ng araw,

Gusto ko lamang magpunta kung saan-saan,

Abutin man ng hating-gabi o umaga, ayos lang.

Basta ang aking isipan ay maging payapa lamang.


Sa kabila ng mga problema at responsibilidad na ating pasan-pasan,

Palagi lamang piliin na magpatuloy at huwag lumisan,

Dahil naniniwalang lahat ay may kapalit na ginhawa,

Na ating makakamtan balang-araw.


Kaya’t ipagpatuloy ang nasimulan,

At huwag susuko kailanman,

Dahil hindi masama ang magpahinga paminsan-minsan,

Upang mapangalangaan ang kalusugan.


Kasabay ng mga ito, tayo’y magdasal,

Upang humingi ng gabay sa Maykapal,

Na gabayan at samahan tayo sa paglalakbay,

Hanggang sa ‘ting tagumpay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page