top of page
Search
  • BULGAR
  • Jul 23, 2024

ni Ronalyn Seminiano Reonico - @What's In, Ka-Bulgar | July 23, 2024



What's In, Ka-Bulgar

Isa, dalawa, tatlo.

Tatlong bituin at isang araw.

Dating bughaw na langit,

Bakit ngayo'y pula't luha ang tanaw?


Bagong bayan ngunit hirap ang hatid,

Mga Pilipinong bisig, ngayo'y tila walang saglit.

Bayang Pilipinas, niyurakan ng kapwa,

Panahon na ba ng pagbabago, o ng pagyurak sa diwa?


Pagbabagong naglulubog sa karimlan,

Pagbabagong kay poot, kay pait ng kasaysayan.

Ilang dugo pa ba ang dapat ilaan,

Upang Pilipinas ay mapalaya sa sariling laman?


Mamamayang uhaw sa yaman at kapangyarihan,

Bagong Pilipinas, para sa bayan o pitaka ang hangad?

Pitakang walang hangganan, kaban ng sambayanan,

Nasaan ang pagbabago, para sa bayan o sariling kalakasan?


Naririnig ba ang daing ng bawat isa?

Pagsamo'y pakinggan, huwag ipagwalang-bahala.

Ngunit isang pitik ng gatilyo ang iginanti,

Mga dugong nagkalat, hindi ba natin makita?


Kung hindi tayo, sino ang magsisilbing tinig?

Tinig ng bayang lumuluha, nagdurusa sa panganib.

Palayain ang bayan laban sa sariling dugo,

Palayain ang bayan sa panganib na maglaho.


Gising, Pilipinas! Tama na ang pananahimik,

Magsalita ka para sa bayan, sa bagong pag-ibig.

Para sa tunay na malayang bagong Pilipinas,

Isigaw ang tinig, para sa ating kinabukasan.

 
 

ni Mabel Vieron @Lifestyle | June 16, 2024



File photo


Father’s Day na mga Ka-BULGAR! Kaya magpapahuli pa ba tayo rito? Siyempre, hindi ‘no! Kaya naman ngayong Father's Day, deserve ng mga itay, papa, daddy, at papi natin na regaluhan sila. Sure akong may napakamot ng ulo nang mabasa ang word na ‘regalo’? Sus, ‘di mo na kailangan problemahin ‘yan, besh! Dahil nandito ako ngayon para tulungan kayo lalo na ’yung mga Ka-BULGAR natin d’yan na saks lang pera.


Ngayong Father’s Day, hindi naman natin kailangan gumastos ng malaki para ipakita ang ating pagmamahal sa ating mga ama. Ang mga simpleng regalo na may pagmamahal ay maaaring magbigay ng malaking kasiyahan para sa kanila. Kaya narito ang ilang mga ideya na puwede mong gawing regalo, let’s go mga besh! 

  1. PERSONALIZED GIFT. Ang simpleng bagay na may personal touch, tulad ng isang larawan ng pamilya na naka-frame ay isa ring paraan upang ipakita sa ating ama kung gaano natin sila kamahal at kung gaano tayo ka-thankful na sila ang ating magulang. Ito ang isa sa mga regalo na kahit saan ay hindi mawawala. Oh ‘di ba! 

  2. TIME TOGETHER. Isa sa pinakamahalagang bagay na maibibigay natin sa ating ama ay ang iyong oras. Iregalo mo sa kanya ang isang araw na puno ng mga magagandang alaala at masasayang kuwentuhan. Sa paglalaan mo ng panahon para sa kanya, ipinapakita mo sa kanya kung gaano mo siya kamahal at kung gaano ka nagpapasalamat sa lahat ng mga aral at gabay na ibinigay niya sa iyo.

  3. HANDWRITTEN LETTER. Sa mundo ng digital, isang simpleng sulat na sinulat mo mismo ang maaaring maging napakalaking regalo. Ngayong Father’s Day ‘wag na tayong mahiya ipakita kung gaano natin sila kamahal at kung paano natin sila naging inspirasyon sa bawat araw na nagdaan. Gets?

  4. MEMORY SCRAPBOOK. Gumawa ng isang scrapbook na puno ng mga alaala kasama ang iyong ama. Isama ang mga larawan, ticket ng mga paboritong pelikula, at iba pang bagay na may sentimental value para sa inyong dalawa. Sa bawat pahina, idagdag mo ang mga salitang nagpapakita ng pasasalamat at pagmamahal mo sa kanya. Ito ay isang regalo na hindi lang isang bagay, kundi isang pagninilay-nilay sa mga magagandang alaala na inyong pinagsaluhan.

  5. DIY GIFT BASKET. Gumawa ng isang personal na DIY gift basket na puno ng mga paborito niyang mga bagay. Halimbawa, puwede itong maglaman ng kanyang paboritong mga snacks, kape, libro, at iba pang mga maliliit na bagay na alam mong magugustuhan niya. Idagdag mo rin ang isang handwritten note na nagpapakita ng iyong pagmamahal at pagpapahalaga sa kanya.

  6. HOME IMPROVEMENT KIT. Kung mahilig ang iyong ama sa mga gawaing bahay, puwede mo siyang regaluhan ng bagong set ng kagamitan tulad ng power tools, paint set, o kahit mga garden tools kung mahilig siya sa gardening. Ito ang magbibigay sa kanya ng pagkakataon na pagandahin at palakasin ang inyong tahanan, at ipakita mo rin ang iyong suporta sa kanyang mga interes.


Sa bawat regalong ito, ang pinakamahalaga ay ang pagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa ating ama sa pamamagitan ng isang espesyal na paraan. Idagdag mo pa ang isang matamis na mensahe o caption upang lalong maging makabuluhan at hindi malilimutang karanasan ang inyong Father's Day celebration. Gets?

 
 
  • BULGAR
  • Aug 9, 2022

ni Lyricko Seminiano - @What's In, Ka-Bulgar | August 9, 2022


Ilalapag ko lang itong bago kong nilapis,

Para sa mga halos dugo na ang pinawis,

Na walang ibang ninais,

Kundi makawala sa buhay na hinapis.


May mga bagay na sa isip ay sumagi’t nagpa-teka,

Kaya gamit ang panulat ay humabi na ng letra,

Dahil sa pagsubok na tila buhawi na sa puwersa,

Kung kinulang ka ng bente ay bumawi ka ng trenta.


Ang lahat ng kabiguan ituring mong inspirasyon,

Lahat ng kahinaan ay gawin mong kalakasan at dedikasyon,

Dahil wala namang easy na buhay,

Nasayo nalang kung paano mo isinabuhay.


Ikaw ang direktor ng buhay mo sapagkat,

Sa bawat pagkakamali dapat handa ka sa pag-cut,

At sa bawat paglubog pilitin mong umahon,

Dahil ang buhay ay tungkol sa kung paano ka bumangon.

Pamamaraan niya ay higit magtiwala upang merong mapala,

Minsan ‘yung akala mong walang-wala ka na, biglang meron pa pala,

Sa mga oras na problema’y dumarating na tila walang pagsala,

Tandaan na sa pinakamadidilim na gabi, mas nagliliwanag ang mga tala,

Pagkat ang musika ng buhay ay ‘di laging nasa tono, minsan sintunado,

Magkagayunman, umawit pa rin nang buong kasiyahan,

Dahil sa mundong hindi sigurado,

Pag-ibig niya ang katiyakan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page