top of page
Search

ni Lolet Abania | September 24, 2021



Mainit na hangin mula sa Pacific Ocean na tinatawag na easterlies ang nakakaapekto ngayon sa Luzon, batay sa anunsiyo ng PAGASA ngayong Biyernes nang hapon.


Sa 24-hour forecast ng weather agency, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan ang inaasahang mararanasan sa buong Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies at localized thunderstorms.


Babala ng PAGASA, posibleng magdulot ito ng mga pagbaha o landslides habang nararanasan ang severe thunderstorms. Base sa 11:00AM tropical cyclone advisory ng weather bureau, isang severe tropical storm na tinawag na Mindulle na tinatayang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay namataan sa layong 1,905 kilometro silangan ng Southern Luzon.


Kumikilos ito patungong west-northwestward sa bilis na 20 kph na may kasamang maximum sustained winds na 95 kph malapit sa sentro at may pabugsong aabot sa 115 kph.


Inaasahang papasok sa PAR ang Mindulle sa Linggo o Lunes, habang tatawagin naman itong Bagyong Lannie.


 
 

ni Lolet Abania | September 19, 2021



Isang low pressure area (LPA) ang namataan sa silangan ng Northern Samar na magdudulot ng mga pag-ulan sa bahagi ng Bicol, Quezon, Visayas, at Mindanao ngayong Linggo, ayon sa PAGASA.


Batay sa 5:00AM bulletin ng PAGASA, ang LPA na sinabayan pa ng intertropical convergence zone (ITCZ), ay huling namataan ng alas-3:00 ng umaga sa layong 125 kilometro silangang bahagi ng Catarman, Northern Samar.


Ayon pa sa forecast ng ahensiya, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat sa buong Bicol, Quezon, Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, at SOCCSKSARGEN. Ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng pulo-pulong pagbuhos ng ulan o thunderstorms sanhi ng ITCZ at ng localized thunderstorms.

 
 

ni Lolet Abania | September 12, 2021



Umabot na sa 2,780 pamilya o 11,145 indibidwal ang apektado dahil sa Bagyong Kiko na may international name na Chanthu, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Linggo.


Sa pinakabagong situational report ng NDRRMC, ang mga apektadong indibidwal ay mula sa 97 barangay sa Regions I, II, III at Cordillera Administrative Region (CAR).


Nasa kabuuang 1,563 katao ang nananatili sa loob ng mga evacuation centers, habang 2,094 indibidwal na nagsilikas ay nasa labas naman ng evacuation centers.


Apat na nai-report na landslides dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Region I, partikular sa Aringay, Burgos at San Fernando sa La Union.


May 19 na lugar din na naiulat na labis na binaha sa mga bayan ng Macabebe, San Simon, at Candaba, Pampanga sa Region III. Habang anim na kalsada ang hindi na madaanan dahil sa taas ng tubig, kung saan tatlo sa Region II, dalawa sa Region III, at isa sa CAR.


Nawalan din ng suplay ng kuryente sa limang lungsod at munisipalidad sa Batanes at Apayao habang hindi pa rin ito naibabalik hanggang sa ngayon.


Nakaranas naman ang mga residente sa Sabtang, Batanes ng kawalan ng suplay ng tubig matapos na ang kanilang mga pipelines at accessories ay masira dahil sa matinding bugso ng hangin at malalakas na pagbuhos ng ulan sanhi ng bagyo.


May kabuuang anim na lugar sa Batanes sa Region II ang nakaranas ng communication outage at iba pang isyung may kaugnayan dito. Ayon pa sa NDRRMC, mayroong 93 pasahero ang stranded sa Regions I, II, III, Calabarzon, XII, at CAR. Isang bahay naman ang bahagyang nasira dahil sa Bagyong Kiko sa CAR.


Samantala, may kabuuang 160 packages ang ipinamahagi bilang assistance sa mga apektadong pamilya sa Region I.


Ayon sa 11AM weather bulletin ng PAGASA, ibinaba na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Itbayat at sa buong lalwigan ng Batanes habang si Kiko ay nagdudulot pa rin ng malakas na hangin sa buong lalawigan.


Binawi na rin ang lahat ng lugar na isinailalim sa TCWS. Kaninang alas-10:00 ng umaga, ang mata ng Bagyong Kiko ay nasa layong 395 km hilaga ng Itbayat, Batanes na taglay ang maximum sustained winds ng 175 km/h malapit sa sentro, bugsong aabot sa 215 km/h, at central pressure ng 940 hPa.


Kumikilos si Kiko patungong north northeastward ng 20 km/h. Ayon pa sa PAGASA, nananatili ang lakas ni Kiko habang kumikilos naman patungong karagatan ng silangan ng Northern Taiwan.


Inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Kiko ngayong Linggo nang hapon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page