ni VA / Gerard Arce - @Sports | April 8, 2022

Lubhang delikado man ang sitwasyon ng Petro Gazz Angels sa Game 2 ng Premier Volleyball League Open Conference Finals dahil sa injury ng outside hitter na si Gretchel Soltones at Myla Pablo, kailangang mag-step up ang iba upang maitulak ang winner-take-all sa susunod na laro, habang hahangarin ng Creamline Cool Smashers na maibulsa na ang ika-apat na titulo at ikatlo sa Open Conference ngayong gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nanakit ang kanang tuhod ng 26-anyos na 3-time NCAA MVP sa 4th set ng Game 1 kung kaya yumuko ang Petro Gazz. Dumaan sa MRI ang tubong Cebu mula San Sebastian College-Recoletos kahapon ng umaga. Anuman ang resulta ay tiyak mahihirapan ang 2017 PVL Open Finals MVP.
Nakatakdang magsagupa ang Cool Smashers at Angels sa main game ng 6 p.m., ngunit bago rito ay magtatapat sa Game 2 ng Battle-for-third ang namumurong magwagi ng puwesto na Choco Mucho Flying Titans at Cignal HD Spikers ng 3 p.m.
Aminado si Angels coach Jerry Yee na mahihirapan silang puwersahin si Soltones na makalaro ngayong gabi dahil iniinda pa nito ang injury lalo pa’t kulang sa pahinga ang koponan na dumaan din sa do-or-die semis vs. HD Spikers noong Lunes. Bukod kay Soltones, may matinding pulikat si two-time PVL MVP Pablo at ang humaliling si Nicole Tiamzon na natapilok.
Inaasahan ng Angels na papalo ng husto ang beteranong si Jonah Sabete, Aiza Pontillas, Remy Joy Palma, Mar-jana Phillips at Seth Rodriguez at magandang laro ni Chie Saet at depensa ni Bangs Pineda.
Para sa Cool Smashers, ito na ang pagkakataon na kunin ang 2-1 lead sa ikatlong paghaharap sa finals matapos gulpihin ang Angels noong 2019 Open Conference para sa titulo at maipaghiganti ang 2019 Reinforced Conference na pagkatalo sa parehong koponan. Lumapit na sa panibagong kampeonato ang Cool Smashers sa pangunguna ni Volleyball queen at ‘phenom’ na si Alyssa Valdez at dalawa pang power hitters na sina Tots Carlos at Jema Galanza.



