ni VA - @Sports | April 20, 2022

Nagpakita ng kahandaan na idepensa ang kanyang titulo sa heptathlon sa Vietnam Southeast Asian Games sa Mayo ang Pinay heptathlete na si Sarah Dequinan nang magwagi ng gold medal sa event ng katatapos na Singapore Open Athletics Championships noong Linggo.
Pormal na inangkin ni Dequinan ang gold medal matapos pumangalawa sa 800 meter run. Sa kabuuan ay nakatipon ng 5008 puntos ang 26-anyos na si Dequinan upang makamit ang ikatlong gold medal ng bansa sa nasabing athletic meet.
Bukod sa 800m, nakakuha ng malaking puntos si Dequinan sa 110m hurdles, 200m run at javelin throw kung saan siya ang nangibabaw at tatlong runner-up finish sa shotput, high jump at long jump. Pumangalawa sa kanya para sa silver medal si Norliyana Kamaruddin ng Malaysia na nakalikom ng 4875 puntos.
Tumapos na pangatlo ang teammate ni Dequinan na si Josefa Ligmayo makaraang magtala ng 4486 puntos. Nauna rito, nagwagi ng gold medal ang men’s relay team nina Frederick Ramirez, Joyme Sequita, Michael del Prado at Al Rhyan Labita sa 4 × 400 meter relay event na dinuplika ng women’s relay squad nina Bernalyn Bejoy, Eloisa Luzon, Jessel Lumapas at Maureen Schrijvers para sa dalawa pang gold medals ng Pilipinas.
Naorasan sina Ramirez ng 3:23.94, habang nagtala naman sina Bejoy ng 4:02.26 para sa kanilang gold winning performance.
Nagwagi naman si Janry Ubas ng silver medal sa men’s long jump matapos matalon ang distansiyang 7.52 meters kasunod ni Malaysian Andre Anura na siyang kumopo ng gold sa naitala nitong 7.60 meters. Nagdagdag si Luzon ng bronze medal mula sa women's 100-meter dash makaraang pumangatlo sa tiyempong 12.43 segundo.
Nauna nang nagwagi ng gold medals para sa bansa sina Natalie Uy at Katherine Khay Santos sa women's pole vault at long jump matapos magtala ng 4.20 meters at 5.93 meters ayon sa pagkakasunod. Nag-uwi ng dalawang silver medals si Alfrence Braza sa men’s 5000m at 1500m.



