ni Gerard Arce / VA - @Sports | August 2, 2022

Solong tapatan ng mga koponang PLDT Home Fibr at ng Army Black Mamba ang magbubukas ng 6-team semifinal round ng 2022 Premier Volleyball League Invitational Conference.
Siguradong dikdikan ang labang mamamagitan sa High Speed Hittérs at Lady Troopers dahil importante bawat laro sa single round robin semis kung saan may dalawang dayuhang guest squads na papasok at makikipag-agawan sa top 2 slots para sa winner-take-all championship.
Ang dalawang guest teams ay ang Kobe Shinwa ng Japan at Kingwhale 6 ng Taiwan.
Tatangkain ng High Speed Hitters na maulit ang naitalang 3-1(17-25, 25-11, 25-20, 25-18) panalo kontra sa Lady Troopers noong elimination round.
Dahil dito, tiyak na magsisikap na makabawi ng Lady Troopers sa High Speed Hitters. Gayunman siguradong pinaghandaan sila ng husto ng tropa ni Coach George Pascua na pinangungunahan nina Mika Reyes, Fiola Ceballos, Jules Samonte, Chin Basas at Dell Palomata.
Sasandig naman ang Lady Troopers sa mga beteranong sina Jovelyn Gonzaga, Honey Royse Tubino, Jeanette Villareal, Mary Anne Esguerra, Joanne Bunag, Jem Gonzales, Angela Nunag at setter Ivy Perez para patunayang karapat-dapat silang mapabilang sa mga title contenders.
Magpapatuloy ang aksiyon sa semifinals sa Huwebes kung saan sasabak sa ikalawang sunod nilang laro ang Army kontra Creamline ganap na alas-2:30 ng hapon na susundan ng sagupaan ng Cignal HD at ng PLDT ganap na 5:30 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nakatakda namang sumabak sa unang laro nila ang Kobe Shinwa at KingWhale sa Agosto 8 kung saan sila mismo ang magtutuos sa unang laro ganap na 2:30 p.m. na susundan ng salpukang Creamline at Cignal ng 5:30 p.m. sa SM MOA Arena.
Laro ngayon: FilOil EcoOil Center: 4:00 pm PLDT Home Fibr vs. Army Black Mamba



