- BULGAR
- Oct 3, 2022
ni VA - @Sports | October 3, 2022

Nobyembre pa ng taong 2019 nang huling masabak sa laro ang reigning UAAP Women's basketball champion National Univérsity, ngunit ni hindi kinakitaan ng pangangalawang ang mga ito.
Gaya ng dati, tinambakan ng 84 puntos ng Lady Bulldogs ang University of the East Lady Warrios, 131-47, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Mall of Asia Arena.
Pinalawig din ng Lady Bulldogs ang kanilang historic winning streak hanggang 97 games mula pa noong 2014. Nagtala rin ang NU ng rekord na most points sa kasaysayan ng women’s basketball mula noong maging computerized ang stats ng liga matapos ang naitalang 129 puntos ng Tigers Setyembre 22, 2018 kontra- University of the Philippines.
Ang panalo ang buwenamano para kay bagong NU coach Aris Dimaunahan na pumalit kay dating Lady Bulldogs Patrick Aquino. Angat na angat ang laro ng NU na nagtala ng 27 puntos na kalamangan,38-11 sa first quarter bago nilimitahan ang Lady Warriors sa dalawang puntos lamang sa second period upang palobohin ang lamang sa 30 puntos sa pagtatapos ng half, 68-13. Sunod nilang makakalaban ang Ateneo de Manila University sa Miyerkules ganap na alas-11:00 ng umaga sa UST Quadricentennial Pavilion.
Samantala sa isa pang laban noong opening, iginupo ng De La Salle University ang University of the Philippines (UP), 73-51 sa Mall of Asia Arena. Pinamunuan ni Fina Niantcho ang panalo ng Lady Archers sa kanyang itinalang double double na 16 puntos at 12 rebounds na may kasama pang tatlong assists.






