top of page
Search

ni V. Reyes | February 26, 2023



Idaraan na sa QR code appointment system ang pamamahagi ng ayuda ng gobyerno sa mga benepisyaryo nito.

Ayon kay Gatchalian, sa ganitong sistema ay magiging maayos ang distribusyon ng tulong.

“Kung 700 ‘yung kaya naman i-process. Ibibigay namin ang QR stubs for 700. Kapag naubos ‘yung 700 at may nakapila pa, we’ll do another 700 for the following day,” ayon sa DSWD chief.

“Kapag pumila, sisiguraduhin dapat may dokumento at ID dahil sila lang ang mabibigyan ng QR code,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Gatchalian na nakakasa na ring magbukas pa ng karagdagang payout outlets sa Metro Manila sa mga susunod na linggo.

“Maglalagay tayo ng [payout outlet] for CAMANAVA, sa Monumento. Maglalagay tayo sa Pasig or Marikina para sa east. Maglalagay tayo sa Taguig para sa south. Magdadagdag pa tayo ng isang opening sa SM North. Maglalagay din tayo sa San Jose del Monte [Bulacan],” pahayag nito.

“Kaya kami magbubukas ng payout outlets, in the future, magkakaroon na tayo ng territorial na approach. Kapag taga-CAMANAVA, ‘wag na sila magpunta sa malayo, doon na sila sa Monumento [na payout outlet]. Kung ano ang address mo, doon ka na magpunta,” paliwanag pa ni Gatchalian.


 
 

ni V. Reyes | February 26, 2023



Itinutulak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gawing conditional o may kapalit ang pagbibigay ng mga ayuda ng gobyerno.

Inihalimbawa ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang educational assistance na maaaring ibigay kapalit ng pagpasok ng mga estudyante sa tutoring program.

Partikular na tinukoy ni Gatchalian ay ang mga estudyante sa kolehiyo na nasa 3rd year at 4th year na maaaring pumasok muna sa tutoring program at turuang magbasa ang mga mag-aaral sa elementarya kahit sa loob ng 20 araw.

Naniniwala ang DSWD Secretary na magkakaroon ng dignidad bukod pa sa kontribusyon sa bansa kung hahayaan munang makapagserbisyo dahil sa tutoring ang mga estudyanteng bibigyang-ayuda ng gobyerno.


 
 

ni V. Reyes | February 25, 2023



Nais ng isang grupo ng transportasyon na maisama sa curriculum ng mga eskuwelahan ang pagtuturo ng mga batas trapiko, partikular na sa Metro Manila.

Binigyang-diin ni Orlando Marquez, pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP), nagawa na sa Bicol region ang pagtuturo sa mga estudyante ng traffic rules and regulations kaya't maaari rin itong maipatupad sa iba pang bahagi ng bansa.

“Lahat ng public transport or private, lahat po ng transport regulation – sana po ay mapag-aralan na po dito sa ating curriculum,” ayon kay Marquez.

“Kung nagawa iyong Bicol, bakit hindi magawa sa Pilipinas na maganda ang tinatakbo ngayon ng Bicol Region dahil iyong kanilang curriculum sa mga estudyante… mula Grade 3 hanggang college ay mayroon na silang kasama na curriculum na subject sa transport regulation,” dagdag nito.

Nauna na ring inihayag ng Land Transportation Office (LTO) na may ilang eskuwelahan na sa Region 3 at 4-A ang pinayagan ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng hiwalay na module ng pagtuturo ng batas-trapiko at iba pang disiplina at pag-iingat sa lansangan.

Samantala, iminungkahi rin ni Marquez na makabubuting pag-aralang muli ang mga batas-trapiko at paglaanan ng pondo ang paglalagay ng mga jeepney stop, dagdag na traffic enforcers at mga sign board.

“Hindi namin alam kung nasaan iyong mga jeepney stop dito sa kalakhan ng Maynila, kahit sa probinsiya. Nilagyan ng linya ng mga bicycle lane. Kapag inapakan ng jeep iyong bicycle lane, huli ka. Saan kami ngayon magbababa?” hirit ni Marquez.

“Walang nakatakdang loading and unloading, at dapat maglagay ang ating mga lokalidad ng mga informative sign board para dito sa public transport. ‘Yung pagtawid ng ating mga pasahero dapat po mailagay, hindi lang po iyong driver ang hulihin pati iyong mga tumatawid at pumapara nang wala sa lugar, dapat trabaho po iyan ng enforcer,” ayon pa sa transport leader.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page