top of page
Search

ni V. Reyes | March 5, 2023




Suspendido ng 90 araw ang lisensya sa pagmamaneho ng delivery rider na may angkas na pinaniniwalaang bata ngunit nasa loob ng insulated bag na nagsisilbing delivery box.


Kaugnay nito’y nagpalabas na rin ng show cause order ang Intelligence and Investigation Division (IID) ng Land Transportation Office (LTO) upang paharapin at imbestigahan ang rider hinggil sa insidente sa Marso 6, Lunes, alas-2 ng hapon.


Ayon kay LTO-IID officer-in-charge Renan Melitante, pinagsusumite nito ang rider ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa kasong administratibo dahil sa posibleng paglabag sa Section 4 ng Republic Act 10666 (Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015), at Section A, Title I ng Joint Administrative Order No. 2014-01 (Driving with

an Inappropriate Driver’s License Classification).


Natuklasan din ng IID na ang lisensyang gamit ng nasabing drayber ay non-professional gayung dapat ay professional driver’s license bilang delivery rider.


Pinagpapaliwanag ang rider kung bakit hindi dapat masuspinde o bawiin ang kanyang lisensya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle alinsunod sa Section 27(a) ng R. A. 4136.


Ang hindi pagsipot sa imbestigasyon ng nasabing drayber ay nangangahulugan ng pagsuko ng karapatan nito upang marinig ang kanyang panig bukod pa sa posibleng kaharaping parusa sa ilalim ng batas.


“Nauunawaan natin ang pangangailangan na kumita pero hindi dapat makalimutan na mas mahalagang ikonsidera ang kaligtasan at disiplina sa kalsada lalo na kung ang maaaring manganib ay buhay ng isang inosenteng bata,” diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade.


 
 

ni V. Reyes | March 5, 2023




Asahan na umano ang panibagong malakihang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.


Batay sa pagtataya ng mga eksperto sa industriya ng langis, posibleng tumaas ng P1.20 hanggang P1.50 kada litro ang diesel at kerosene.


Maaari namang madagdagan ng P0.10 hanggang P0.40 ang kada litro ng gasolina.


Tinukoy na dahilan ng mga eksperto ang pagtaas ng demand sa langis sa China habang bumabawi ang ekonomiya nito.


Ikinababahala rin ang pagsipa pa ng interest rate at mataas na halaga ng krudo at finished product sa imbentaryo ng Estados Unidos.


 
 

ni V. Reyes | February 27, 2023



Magsasagawa ng regular na drug test sa mga nasa bilangguan. Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, kapag may preso na nagpositibo sa ilegal na droga, sisibakin ang nakatalagang warden ng piitan.

Samantala, tuloy din ang paglilinis ng DILG sa hanay ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng naunang hamon nito sa mga matataas na opisyal ng pulisya na maghain ng courtesy resignation.

Gayunman, ang National Police Commission (Napolcom) ang inatasang sumuri at magdesisyon kung kaninong courtesy resignation ang tatanggapin.

Binabantayan na rin ngayon ang mga pulitiko kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Babala ni Abalos, kakasuhan ang sino mang pulitiko na mapatutunayang sangkot sa illegal drug trade.

Ang pahayag ni Abalos ay kasunod na rin ng mga ulat na may ilang pulitiko at nasa gobyerno ang sabit umano sa mga transaksyon ng ilegal na droga sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page