top of page
Search

ni V. Reyes | March 8, 2023



ree

Itataas sa P260,000 ang halaga ng subsidiya na ibibigay ng gobyerno para sa mga tsuper ng pampasaherong sasakyan upang makabili ng e-jeepney bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program ng gobyerno.


Sa ilalim ng kasalukuyang programa, nasa P160,000 ang equity subsidy sa bawat drayber na nais na makabili ng modernong PUV unit bukod pa sa halaga ng lumang sasakyang pampasahero nito.


“Dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ang pagtaas ng presyo ng mga gastusin, itataas din ng Kagawaran ang equity subsidy na tinatawag to a maximum amount of P260,000,” pahayag ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor.


Sinabi ni Pastor na plano ng DOTr na itaas ang subsidiya sa ikalawang bahagi ng taong 2023.


Nabatid sa opisyal na ang class 1 modern jeepney ay nagkakahalagang P1.4 milyon hanggang P1.8 milyon habang ang class 2 ay nasa P2 milyon hanggang P2.6 milyon at ang class 3 ay nasa P2.5 milyon hanggang P3 milyon.


Una nang inirereklamo ng ilang transport group sa paglulunsad ng mga ito ng tigil-pasada ay ang implementasyon ng PUV Modernization Program na sinasabing mapapalitan ang tradisyunal na mga jeep ng mas environment-friendly na yunit.


 
 

ni V. Reyes | March 6, 2023



ree

Umakyat na sa siyam ang nasawi sa pagsalakay ng armadong grupo sa bahay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Sabado ng umaga.

Kasabay nito, napatay din sa engkuwentro sa mga awtoridad ang isa sa mga suspek sa krimen.


“May isang dead na suspect during an encounter with joint elements of the PNP, AFP and Special Action Force,” pahayag ni Philippine National Police Region 7 spokesperson Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare.


Sinabi rin ni Pelare na sumailalim na sa custodial debriefing ang tatlong iba pang naarestong suspek at may nakuhang mahalagang impormasyon mula sa kanila.


“May na-recover na firearms upon their revelation,” dagdag nito.

Nauna na ring kinumpirma ng Philippine Army na dalawa sa mga suspek ay dating sundalo na nag-AWOL at may mga kaso na may kinalaman sa ilegal na droga.


“May AWOL, may kasong illegal drugs ‘yung iba. That is probably why they engaged in these activities. The hot pursuit team composed of the PNP, AFP and SAF are still on the ground conducting hot pursuit operations to ensure ‘yung remaining suspects will be arrested,” ayon pa kay Pelare.


Maliban sa 9 na patay, mayroon pang 13 ang malubhang nasugatan nang paulanan ng bala ang compound ng gobernador sa kasagsagan ng pamamahagi nito ng subsidiya sa mga residente.


Nabatid pa kay Pelare na sinisiyasat na ng pulisya ang lahat ng anggulo kaugnay ng insidente.


“There is political rivalry as recorded in the latest election but nothing is definite right now... Right now we are focusing on the arrested persons and hot pursuit operations,” ayon sa opisyal.


Tinukoy naman ng Philippine National Police na isang organisadong grupo ng mga kriminal ang nasa likod ng pagpatay sa gobernador.


“Meron itong grupo… Ang tawag natin dito sa mga ‘to ay organized crime groups sapagkat hindi naman ito mga ordinaryong kriminal kasi may mga sasakyan sila, matataas na kalibre ng baril, nakakakuha sila ng mga uniporme ng law enforcement agencies. So, isa talaga itong organisadong criminal groups,” ayon kay PNP Public

Information Office chief Police Colonel Red Maranan.


 
 

ni V. Reyes | March 6, 2023



ree

Niluwagan na ng Department of Tourism ang health at safety protocols sa mga tourism establishment kabilang ang hindi na pag-oobliga na magprisinta ng vaccination card at ang hindi pagsusuot ng face mask.


Batay sa DOT Memorandum Circular 2023-0002, hindi na kailangang magpakita ng COVID-19 vaccination card ang mga turista at papayagan silang bumisita kahit walang face mask.


Bahagi ito umano ng pag-alalay sa mga stakeholder ng industriya ng turismo na makabawi sa epekto ng pandemiya.


“This latest issuance on the relaxed health and safety guidelines for tourism establishments reinforces the Department of Tourism’s commitment towards addressing the economic hardships of the tourism industry brought about by the lockdowns and restrictions of the pandemic,” ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco sa isang kalatas.


“It sends the important message across that, under the Marcos Administration, our country is open for tourism, and that we are keeping up with global practices on tourism operations that have already opened up worldwide,” dagdag nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page