top of page
Search

ni V. Reyes | February 22, 2023



Sugatan ang isang barker at nadamay din ang 13-anyos na babae makaraang mamaril ang taxi driver na nagalit sa pagsingil sa kanya ng limang piso sa Barangay Marilag, Quezon City.

Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang paglapit ng biktimang si Apollo Vega, 53-anyos sa taxi. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay umalis ang biktima at bumalik na may bitbit na dustpan na akmang ihahampas sa taxi.

Bagama’t hindi nakunan ng CCTV ang aktuwal na pagbaril sa biktima ngunit makikitang papalayo ito sa taxi na hawak ang balikat bago natumba. Kasunod nito’y umalis na ang taxi.

Nabatid kay Police Lt. Col. Leoben Ong, hepe ng QCPD Station 8, nagalit ang taxi driver sa paniningil ng biktima ng P5 bilang bayad sa pagtatawag nito ng pasahero.

“Barker bale ‘yung nabaril, ngayon kumuha siya ng pasahero, sumakay du’n sa taxi, hiningian niya ngayon ng limang piso, sabi nu’ng taxi driver huwag kang makulit babarilin kita, ngayon pumunta siya kumuha ng dustpan akmang papaluin niya ‘yung taxi binaril nga siya noong taxi driver,” pahayag ni Ong.

Maliban kay Vega, nadaplisan din sa kamay ng bala ng baril ang isang 13-anyos na babae. Kapwa ligtas na ang kondisyon ng dalawa.

Nagpapatuloy na ang follow-up operation ng QCPD batay sa nahagip sa CCTV na plaka at marka ng taxi.


 
 

ni V. Reyes | February 20, 2023




Makaraan ang 32-oras na paghahanap ay natagpuan na ang mga debris o bahagi ng nawawalang Cessna 340A sa Barangay Quirangay, Albay. Gayunman, hindi pa rin umano matukoy ang kinaroroonan ng piloto na si Captain Rufino James Crisostomo, Jr., ang crew na si Joel Martin at mga Australyanong pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan.


Nabatid naman mula sa Camalig, Albay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na inaalam na rin ng Philippine Air Force kung ang binagsakan ng eroplano ay mismong malapit sa crater ng Bulkang Mayon.


Sinabi ni Camalig MDRRMO Public Information Officer Tim Lawrence Florence na sakaling tuluyang bumuti na ang panahon sa Barangay Quirangay ay makapagpapatuloy ang PAF sa pagtataya sa lugar na binagsakan ng Cessna plane.


Ayon naman kay Camalig Mayor Carlos Baldo, iniutos na pabalikin muna ang mga naglakad lamang na rumesponde sa lugar dahil malapit ito sa bunganga ng bulkan.


“If I am not mistaken ay mga less than two kilometers doon sa crater ng bulkan. Considering na Alert Level 2 ang bulkan, very active at any time ay puwedeng magkaroon ng eruption,” pahayag ng alkalde.


“Bawal mag-venture doon sa exact na crash site dahil sa abnormal na aktibidad ng Bulkang Mayon,” dagdag naman ni Florence.


Sabado ng alas-6:43 ng umaga nang umalis ng Bicol International Airport ang Cessna plane patungong Maynila bago ito nawala.


 
 

ni V. Reyes | February 11, 2023




Ibinulgar ni Carl Balita, nurse advocate, na wala na rin halos clinical instructors o mga nagtuturo sa Nursing dahil maging sila ay nire-recruit na rin ng malalaking bansa. Ito aniya ang dahilan kaya’t may mga Nursing school na nais sanang tumanggap ng mga estudyante pero minabuti na ring magsara dahil walang magtuturo.


Samantala, kailangan na rin umanong pindutin ang “panic button” dahil sa nararanasang kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas.


Tinukoy ng nurse advocate na si Dr. Teresita Barcelo na batay sa datos, mula sa nasa mahigit 600,000 registered nurse sa bansa ay 300,000 ang nag-migrate o nangibang bansa habang tinatayang 172,000 ang nagtatrabaho sa pribado at pampublikong health facilities.


Ang iba naman aniya ay nagtatrabaho sa mga call center, spa at iba pa na may alok na mas malaking sweldo.


Kapwa nalulungkot sina Barcelo at Balita na bagamat ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng mga nurse para sa ibang mga bansa ay hindi kayang mapunan ang sariling kakulangan.


Kaugnay nito, muling umapela sa mga mambabatas ang mga nursing advocate upang mapagtibay ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang Comprehensive Nursing Law of 2015.


Tinukoy ni Barcelo na unang napagtibay noong 2016 ang Comprehensive Nursing Law na nagrepaso sa Republic Act 9173 o Philippine Nursing Act of 2002.


Nakarating na ng Office of the President ang nasabing batas ngunit na-veto o ibinasura ng dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, Jr.


Giit ni Barcelo, hindi pa rin nareresolba ang problema sa nursing profession dahil bigo ang pamahalaan na gawan ito ng konkretong solusyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page