top of page
Search

ni Twincle Esquierdo | December 12, 2020




Pansamantalang itinigil ng bansang Peru ang kanilang clinical trials ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese drug giant company na Sinopharm matapos makitaan ng negatibong epekto ang isa sa kanilang mga volunteers.

Nahirapan umanong igalaw ng volunteer ang kanyang mga braso, ayon sa National Institute of Health nitong Biyernes.


Ayon sa researcher na si German Malaga, nagkaroon ng neurological symptoms o tinatawag na Guillain-Barre syndrome ang kanilang volunteer.


Aniya, "Several days ago we signaled, as we are required, to the regulatory authorities that one of our participants presented neurological symptoms which could correspond to a condition called Guillain-Barre syndrome."


Ang Guillain-Barre syndrome, ay bihirang sakit at hindi nakahahawa ngunit nakaaapekto ito sa paggalaw ng mga braso at binti kaya nagdeklara ang Peru ng temporary health emergency sa limang regions noong Hunyo ng nakaraang taon kasunod ng maraming kaso.


Umabot na rin sa 60,000 ang naturukan ng Sinopharm vaccine mula sa mga bansang Argentina, Russia at Saudi Arabia.


Ayon pa sa Peru, kung magiging matagumpay ang bakunang ito, asahan na bibili ang Peruvian government ng halos 20 milyong doses.


Samantala, ang Peru ang isa sa may pinakamaraming bilang ng mga namatay mula sa Covid-19 na umabot na sa 36,499 nitong Biyernes.

 
 

ni Twincle Esquierdo | December 12, 2020



Gaganapin ng Cultural Center of the Philippines ang kanilang Simbang Gabi ngayong 2020 gamit ang online platform dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.


Makikipagtulungan ang CCP sa iba't ibang simbahan sa buong bansa para maabot ang mas maraming Katolikong Pinoy sa mundo.


Ayon sa CCP, nais lamang nilang masiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy dahil meron pa ring banta ng Covid-19 sa bansa.


"While this year has been shrouded with concerns over safety and fears of contracting the COVID-19 virus, which have upended many traditions that draw large gatherings including dawn masses, nothing should shake the fundamental pillar of the Catholic faithful and hinder the Filipino traditions,” sabi ng CCP.


Samantala, ang Misa de Gallo o misa sa bisperas ng Pasko ay ipagdiriwang sa St. Gregory the Great Cathedral Parish sa Legazpi City, Albay.


Napakaimportante ng Simbang Gabi dahil isa itong tradisyon tuwing sasapit ang Pasko, ayon kay Cardinal Luis Antonio Tagle, prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples ng Vatican.

 
 

ni Twincle Esquierdo | December 12, 2020




Sumuko na sa mga awtoridad ang dalawang Abu Sayyaf subleaders at 13 na miyembro nito, ayon sa Joint Task Force (JTF) Sulu. Kinilala ang dalawang ASG subleaders na sina Alvin Yusop alyas Arab Puti at Barahim Nurjahar na nasa pangangalaga na ni Major General William Gonzales, commander ng 11th Infantry Division.


Ayon sa JTF Sulu, sumuko ang dalawa sa 1101st Infantry Gagandilan Brigade na pinamunuan ni Colonel Antonio Bautista at 1002nd Infantry Ganarul Brigade na pinamunuan ni Brigade General Ignatius Patrimonio.


“I commend both the Ganarul and Gagandilan. Imagine, even Arab Puti, ringleader of the ASG's urban criminal group around 2017 and the most trusted of Radulan Sahiron came to his senses and laid down his arms,” sabi ni Gonzales.


Ayon kay Patrimonio, isa umanong kidnaper si Yusop at nakumbinse ng kanyang kapamilya na sumuko na matapos ma-stroke ang kanyang ina at nais magbago para sa kanyang apat na anak.


Matagal naman nang pinaghahanap ng mga awtoridad si Nurjahar. "The presence of government troops drove out Nurjahar from his stronghold and caused him to starve. Realizing that his struggle has no sense, he approached that MNLF Jikiri faction who then linked him to us for his proper surrender."


"Nurjahar was the man behind the kidnapping of the sister of a mayor in Sulu. He will face proper legal proceedings and is now willing to cooperate with government forces," sabi ni Bautista.


Sumuko rin sina Muarip Adja at Hatimil Adja, anak ng ASG subleader at nag-turn over ng 14 na mga baril. Sasailalim sa full integration program ang mga sumuko kasama na ang livelihood assistance.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page