top of page
Search

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | July 7, 2022


Sa dami ng mga bagong mukha sa pulitika, marami rin ang magtatapos ng kanilang mga termino sa nasyunal at lokal na mga pamahalaan.


Isa sa mga pinarangalan kamakailan ng tatlong malalaking organisasyon na binubuo ng lahat ng mambabatas sa Pilipinas ay ang tinaguriang Top 10 sa mga pinakaguwapong konsehal sa bansa ayon sa politiko.com at ginawarang Pinamahusay na Konsehal ng Kalakhang Maynila ng Gawad Sulo ng Bayan, si Konsehal Cris Mathay ng San Juan City, Metro Manila.


Kilala ang pangalang Mathay sa Quezon City, kung saan naging mayor ang lolo ni Konsi Cris na si Mel Mathay mula 1992-2001 at naging congressman ang tatay nitong si Chuck Mathay (so, yes, maritess at tolits, kapatid niya si Ms. Ara Mina). Kaya naman, marami ang nagulat nang may Mathay na tumakbong Kagawad sa barangay Greenhills noong 2011.


Tubong Greenhills, San Juan, si Cris ay nag-aral sa Xavier School doon, at sa San Juan na nagkapamilya. Nagsimula bilang direktor ng North Greenhills Homeowners Association, hanggang sa maging presidente at chairman bago maging barangay kagawad, at 2013 noong sumabak sa pagiging konsehal ng lungsod. Nagsilbi rin syang direktor ng National Movement of Young Legislators (NMYL) na binubuo ng hindi lamang mga konsehal, kundi lahat ng mambabatas mula sa buong bansa.


"Noong una akong nangangampanya sa San Juan, may mga humihirit na 'di ba taga-QC ang Mathay? Ano'ng ginagawa mo rito?' Bibiruin ko na lang at sasabihin, 'ay wala ba tayo sa QC?'" kwento ni Cris.


Ang ganitong pagiging likas na mabait, mapagkumbaba at masipag ni Cris ang tumatak sa mga taga-San Juan.


Share ni Mary Ann Bello, na mula sa isa sa pinakamalalaking angkan ng Bgy. West Crame, "Kaya naging #1 councilor si konsi Cris kasi siya na yata ang pinaka-down-to-earth, marunong makisama, humble, super mabait at matulungin na taong sa mga nakilala kong tumakbo sa San Juan. Wala syang pinipiling tulungan mapa ibang lugar man. Kahit hindi taga-San Juan tinutulungan niya kaya mahal siya ng mga San Juaneno. Kaya rin ang daming gustong makasama siya sa trabaho, at nakaka proud na naging sekretarya nya ako."


Sinang-ayunan ito pati ng dating pangulo at kasalukuyang advisor ng Metro Manila Councilors League na si Konsi Carol Cunanan, "Napaka responsable, approachable at super friendly ni Konsi Cris. No dull moments kapag kasama mo siya. Sa Metro Manila Councilor league, hindi lang sya kilalang-kilala, kundi sobrang mahal ng lahat. We will miss him surely and we will wait for his comeback to public service."


Ayon sa isa pang konsehal mula naman sa Makati, ang sikat na artistang si Jhong Hilario, "Si Konsi Cris Mathay ay isa sa mga sobrang approachable na Konsehal pag meron kaming Assembley sa NMYL, MMCL o Philippine Councilors League. Hindi ka maiintimidate na lapitan sya dahil sobrang bait niya."


Bihira para sa elected official ang makatapos ng tatlong termino, lalo na 'yung mga nakakapagtapos ng may napakahusay na track rekord ng panunungkulan at walang puknat na minamahal ng mga botante kaparis ni Cris kung kaya't marami ang nalulungkot na kailangan niyang panandaliang mamahinga. Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas, ang elected official ay hindi muna maaaring tumakbo pagkalipas ng kanilang magkakasunod na tatlong termino.


Bukod sa pagiging likas na mabait at masipag ni Cris bilang konsehal, maraming nais siyang magbalik sa panunungkulan dahil sa mga makabuluhang ordinansang kanyang akda. Bago pa man iahin sa Senado ng Pilipinas ang free PhilHealth Law, naisip na ni Konsi Cris na gawing ordinansa ang pagbigay ng libreng PhilHealth para sa mga kapuspalad ng San Juan noong 2016.


"Noong naging tatay ako, doon ko talaga naramdaman na walang mayaman at mahirap kapag pamilya ang nagkakasakit. Kung 'yung mga nakakaangat sa buhay, namomroblema pa rin kapag naoospital ang mga anak nila, paano pa 'yung sapat lang ang kita kada araw para sa pagkain ng pamilya nila? Sa araw-araw na pakikipag-usap ko sa mga tao, 80% ng hinihingi nilang tulong ay medical assistance at consultation. Feeling ko nga minsan, doctor's clinic 'yung opisina ko," natatawang sabi ni Cris.


Ilan lamang sa mga ordinansang inakda ni Cris nitong nakaraan ay ang pagtatalaga ng Bike Lanes at ang Anti Spitting ordinance na malaking ambag sa pagiging isa sa pagiging pinakamahuhusay na lungsod ng San Juan City noong kasagsagan ng mga lockdown at pinarisan ng ibang mga syudad sa buong bansa pagkatapos. Sya rin ang naging dahilan kung bakit naisabatas sa San Juan ang pagtatalaga ng mga breastfeeding centers, ilan lamang sa mga batas na inakda ni Cris upang mapabuti ang buhay ng kanyang nasasakupan.


"Para sa akin kasi ang mga mambabatas ay dapat public servants in the truest sense of the word. Live to serve the people. Hinding hindi ako magsasawang tumulong may eleksyon man o wala, tayo man ay nakaupo o hindi," ani Cris.


Salamat Konsi Cris, sa pagbuhay ng Mathay sa San Juan!

Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | June 28, 2022


Dahil sa COVID19, tila nakaligtaan ng mga Pinoy ang isa sa pinakakinatatakutang sakit na taunang mataas ang kaso sa bansa — ang dengue.


Ngunit kasabay nang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 kumpara nitong nakalipas na dalawang taon, marami na naman ang nakakaalalang ibayong mag-ingat laban sa kagat ng lamok na naglilipana ngayong tag-ulan. Ang mga buwan mula Mayo hanggang Oktubre o ang rainy season, ang panahon ng tag-ulan kung kailan pinakamaraming kaso ng dengue sa bansa.


Ngunit alam n'yo bang katapusan pa lang ng Marso ay iniulat na ng Department of Health (DOH) na tumaas ng 94% ang mga kaso ng dengue kumpara sa antas noong nakaraang taon?


Ayon sa DOH, ang naiulat na 11,435 na kaso ng dengue ay 94% na mas mataas kaysa sa mga kaso na iniulat noong 2021.


Samantala, kinumpirma naman ng Department of Health ng Central Visayas, ang pagtaas ng kaso ng dengue sa rehiyon at isa na anila itong “cause of concern” sa gitna ng tag-ulan. Dagdag oa ni Dr. Jaime Bernadas, DOH-7 regional director, na may pattern ng outbreak sa Visayas kung pagbabasehan ang mga datos noong 2016 at 2019 sa rehiyon.


Ang pinakakaraniwang sintomas ng dengue ay lagnat na may alinman sa mga sumusunod:


1. Pagduduwal o pagsusuka


2. Rashes o pagpapantal


3. Mga pananakit ng katawan kasama na ang pananakit ng mata, karaniwan sa likod ng mga mata, kalamnan, kasukasuan o pananakit ng buto.


4. Anumang babala o warning signs ng malalala o severe case ng dengue na karaniwang nagsisimula 24 hanggang 48-hours pagkatapos mawala ang iyong lagnat. Pumunta agad sa lokal na klinika o emergency room kung ikaw o miyembro ng pamilya ay may alinman sa mga sumusunod na warning signs:


- Sakit sa tiyan

- Pagsusuka (hindi bababa sa 3 beses sa loob ng 24 na oras)

- Pagdurugo mula sa ilong o gilagid

- Pagsusuka ng dugo, o pagkakaroon ng dugo sa dumi

- Pakiramdam ng pagod o pagiging iritable


Humigit-kumulang isa sa 20 katao na nagkakasakit ng dengue ay magkakaroon ng Severe dengue.


Ito ay maaaring magdulot ng shock, panloob na pagdurugo o internal bleeding at maging ng kamatayan. Ang mga sanggol at buntis ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng malubhang dengue. Kung nagkaroon ng dengue sa nakaraan, mas malamang na magkaroon ng severe case ng dengue.


Kung kumpirmado na sa sakit na dengue, heto ang ilang tips upang mas mabilis na gumaling.


1. Uminom ng maraming tubig upang hindi maging dehydrated. Kabilang na sa liquids ang juice ng mga prutas at maging mga sopas. Iwasan ang mga inuming nakaka-dehydrate ng katawan kabilang ang tsaa, kape, mga alkohol at softdrink.


2. Uminom ng mga wastong gamot upang makontrol ang mga sintomas. Para sa lagnat at pananakit ng kasukasuan, uminom ng mga gamot na may generic name na paracetamol. Iwasan ang mga gamot na ibuprofen, aspirin at mefenamic na puwedeng magpalala ng pagdurugo. Kung nagkakaroon ng pagdurugo, mga pasa o pamamaga habang nagpapagaling mula sa dengue fever, makipag-ugnayan agad sa iyong doktor o nars.


3. Para sa mga makakating pantal, maaaring humingi ng reseta mula sa doktor kahit na ang mga pantal ay kadalasang nalulutas nang kusa sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.


3. Magpahinga sa bahay!


Magpatingin kaagad sa doktor kung magkakaroon ka ng alinman sa mga sumusunod na sintomas:


1. Nagsusuka ng dugo

2. Pagdurugo mula sa ilong o gilagid

3. Matinding pananakit ng tiyan

4. Patuloy na pagsusuka

5. Pagdurumi nang maitim

6. Hirap sa paghinga

7. Malamig na pawis.


Kahit madalas mahirap iwasan ang mga nakakaperwisyong lamok, maaari pa ring gumawa ng ilang paraan upang mabawasan ang tsansang makagat ng mga ito.


1. Gumamit ng mga insect repellents kahit nasa loob ng bahay. Huwag kalimutang magbentilador o aircon, kung kaya. Kung naka-screen naman ang mga pintuan at bintana, i-check na wala itong mga butas na puwedeng lusutan ng mga lamok.


2. Makipag-ugnayan sa mga barangay para pausukan o ifumigate ang inyong mga pamayanan, lalo na ang malalapit sa creeks at kanal, at sa may maraming halaman.


3. Kapag nasa labas ng bahay, magsuot ng mahabang manggas na kamiseta at mahabang pantalon.


4. Kung may espasyo, magtanim ng oregano plants na nakakabugaw ng mga lamok. Maaari ring magtanim ng mga tawa-tawa na sinasabing organic medicine laban sa dengue. Ayon sa inilathalang pag-aaral ng mga sa Journal of Tropical Medicine, natuklasang nagtataglay ang Tawa Tawa ng “significant antiviral and platelet increasing activities” na nagpapadali sa pag-recover mula sa sakit na ito.


Para sa inyong iba pang katanungan at kung may nais ibahaging tips, mag-email lang sa mathayrikki@gmail.com at i follow ang ating Facebook page na Rikki Mathay QC, at Instagram account na Rikki Mathay


 
 

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | June 21, 2022


Kapag lumabas ng bahay, makikitang halos balik normal na ang buhay. May mga naka-face mask pa rin, ngunit wala nang bahid ng takot sa COVID kumpara noong mga nakalipas na dalawang taon. Puno na palagi ang mga kainan at kahit ang mga sinehan ng mga taong nagtatanggal na ng face mask pagpasok sa mga pampublikong establisimyento.


Subalit alam n’yo bang tumataas na naman ang bilang ng COVID cases, lalo na sa kalakhang Maynila?


Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health, pumapalo sa halos 500 ang COVID cases natin sa bansa at nasa halos 5,000 na ang aktibong kaso. Wala pa ang mga hindi na pumupunta sa mga ospital dahil ngayon, madali nang makakuha ng antigen tests upang magsariling check sa kani-kanyang bahay ang mga nakararanas ng sintomas.


Labing-isang siyudad sa National Capital Region ang nagpakita ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID nitong nakalipas na buwan. Sa katunayan, okupado na ang kalahati ng intensive care beds na nakalaan para sa mga pasyente ng COVID-19 patients sa mga lungsod ng Makati at Parañaque.


Sa kabila ng pagiging “low risk” ng bansa, nagbabala pa rin ang DOH na kung hindi maaagapan ang pagtaas ng bilang ng COVID cases, tinatayang aabot sa 1,200 na bagong kaso kada araw ang bilang ng mga may sakit sa bansa. Kapag pumalo na naman nang ganito kataas, asahan na ang napipintong pagla-lockdown sa mga barangay.


Ano nga ba ang mga bagong senyales ng mga kaso ng COVID sa ngayon?


Ayon sa mga naka-‘Marites’ natin na tinamaan ng COVID, kamakailan ay maihahambing sa normal na trangkaso ang sintomas ng COVID, kabilang na ang mataas na lagnat, ubo at sipon. Ngunit ang nakakatakot ay maraming bata na ang napapabalitang tinatamaan hindi tulad noong una, kadalasang nakukuha ang sakit sa pagpunta sa mga matataong lugar.


Dahil sa malawakang pagpapabakuna, hindi na kasing lala ang mga sintomas ngayon at mas kampante nang magpagaling sa kani-kanyang bahay ang mga may sakit. Kailangan na lang na dagdagan ang pag-inom ng Vitamin C at mahalaga pa rin na mag-isolate.


Pero, mga mars at tol, ‘eto ang latest. Kung marami sa bansa ang umiinom ng glutathione o gluta upang magpaputi, may bagong pag-aaral na nagsasabing maaaring makatulong ang pag-inom ng gluta upang labanan ang virus!


Ayon sa imbestigasyon sa epekto ng impeksyon sa COVID-19 ng Baylor College of Medicine, kung ikukumpara sa malusog na indibidwal na katugma sa edad na kinuha ang mga sample bago magsimula ang pandemya noong 2019, ang mga pasyente na naospital sa COVID-19 ay kapansin-pansing nakaranas ng malaking pagtaas ng oxidants at oxidative stress habang ang kanilang antas ng glutathione sa katawan.


Ang mga resulta, na inilathala sa Antioxidants Journal ay nagmumungkahi na ang supplementation na may GlyNAC, isang kombinasyon ng glutathione na dati nang ipinakitang nakababawas sa tinatawag na oxidative stress at oxidant habang nakakapagpataas sa glutathione sa katawan ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa mga pasyente ng COVID-19.


“Ang pagtaas ng oxidative stress at pagbawas ng mga antas ng glutathione ay nauugnay sa isang bilang ng mga kondisyon kabilang ang pagtanda, diabetes, impeksyon sa HIV, neurodegenerative disorder, cardiovascular disorder, neurometabolic disease, labis na katabaan at iba pa,” sabi ni Dr. Rajagopal Sekhar, associate professor of medicine sa endocrinology, diabetes at metabolismo sa Baylor.


At tandaan, kung nakararanas ng higit pang sintomas, lalo na sa hirap sa paghinga at may co-morbidities, magpakonsulta agad sa inyong mga doktor.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page