top of page
Search

ni Thea Janica Teh | January 6, 2021





Anim na bansa ang nadagdag sa travel restriction ng Pilipinas ngayong Miyerkules upang maiwasan ang pagpasok sa bansa ng bagong variant ng COVID-19. Kabilang sa 6 na bansa ang Portugal, India, Finland, Norway, Jordan at Brazil.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pagbabawalang makapasok sa Pilipinas ang lahat ng flights na manggagaling sa mga nabanggit na bansa sa loob ng 14 na araw na magsisimula sa Enero 8 hanggang 15.


Dagdag pa ni Roque, ito ay napagdesisyunan ng Office of the President mula sa rekomendasyon ng Department of Health at Department of Foreign Affairs.


Ang mga dayuhan na makakapasok ng bansa bago mag-Enero 8 ay kinakailangang sumailalim sa 14-day quarantine kahit pa magnegatibo sa RT-PCR test.


Samantala, papayagan pa ring makapasok ang lahat ng mga Pinoy basta’t isasailalim ang mga ito sa screening ng COVID-19 at facility-based quarantine.


Papayagan ding makapasok ang mga menor-de-edad na pabalik ng bansa mula sa repatriation program ng pamahalaan.


“These repatriated minors shall be turned over to the Overseas Workers Welfare Administration house parent who, in coordination with the Department of Social Welfare and Development (DSWD), shall ensure the minors’ safety and their observance of quarantine protocols,” ani Roque.


Sa ngayon ay may kabuuang 27 bansa na ang nakapailalim sa travel restriction sa Pilipinas.

 
 

ni Thea Janica Teh | January 6, 2021





Iniutos ng Makati City Prosecutor ngayong Miyerkules na palayin para sa karagdagang pagsisiyasat ang 3 kabilang sa 11 suspek sa pagkamatay ng flight attendant na si Cristine Dacera.


Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, isasailalim ang tatlo na kinilalang sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido at John Paul Halili pati na rin ang 8 pa sa preliminary investigation sa Enero 13 upang matukoy kung ginahasa ba at pinatay si Dacera. Kung ito ay mapapatunayan, mahaharap ang 11 suspek sa kasong rape with homicide.


Matatandaang nitong Bagong Taon ay natagpuang patay si Dacera, 23-anyos sa bathtub sa isang hotel sa Makati City.


Sa inilabas na resulta ng autopsy, sinabing ang ikinamatay nito ay ruptured aortic aneurysm. Ngunit, hindi sang-ayon ang pamilya rito at sinabing ginahasa at pinatay ang kanilang kaanak.


Kaya naman, nag-request muli ng panibagong autopsy ang pamilya ni Dacera mula sa independent medico-legal officer.


Samantala, ibinahagi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nakikipagtulungan na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang totoong ikinamatay ni Dacera.

 
 

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | January 6, 2021



Hello, Bulgarians! Papalapit na ang tax season, mas challenging na ang pagpapasa dahil kinakailangang sumunod sa mga health protocols tulad ng social distancing dahil sa COVID-19 pandemic.


Kaya naman malaking pasasalamat na ang Paspas Permit ng Valenzuela City ay online na! Hindi na natin kailangan pang pumunta sa City Hall para lang makapag-register, makapagpasa ng application at makapagbayad dahil sa online, mas pinabilis, pinadali at pinaligtas pa.


Maaaring bisitahin ang Paspas Permit online sa website ng Valenzuela City na www.valenzuela.gov.ph at i-click ang 3S Plus Valenzuela City Online Service button.


Ang mga new users ay maaaring gumawa ng kanilang sariling account upang ma-enjoy ang ilang services tulad ng Business Permit and Licensing Office, Assessor's Office, Treasurer's Office, Office of the Building Official at Local Civil Registry.


Hindi lang ‘yan, para sa mga kailangan ng permit sa City Health Office tulad ng Issuance of Provisional Sanitary Permit at Application of Health Certificates at sa pagpoproseso ng Land Use Verification sa City Zoning Office, maaari na rin natin itong makuha online.


Inaanyayahan ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City na gamitin ng mga taxpayer at business owner ang Paspas Permit upang maiwasan ang dagsa ng tao sa City Hall at maging ligtas laban sa COVID-19. Pinaalalahanan din nito na magbayad sa tamang oras upang maiwasan ang 25% surcharge at 2% interest.


Samantala, may ilang venue pa rin ang magbubukas para makapagpasa ng First Quarter deadline hanggang January 20 at ito ay ang mga sumusunod:

  • 3S Ugong (taxpayers mula sa Brgy. Ugong, Mapulang Lupa at Bagbaguin)

  • 3S Punturin (taxpayers mula sa from Brgy. Punturin, Bignay, Lawang Bato at Canumay East)

  • 3S Maysan (taxpayers mula sa Brgy. Maysan, Paso de Blas at Parada)

  • 3S Gen. T. de Leon (taxpayers mula sa Brgy. Gen. T. de Leon)

  • 3S Karuhatan (taxpayers mula sa Brgy. Karuhatan)

  • 3S Marulas (taxpayers mula sa Brgy. Marulas)

  • Valenzuela Astrodome (taxpayers mula sa Brgy. Dalandanan, Malanday, Coloong, Pasolo, Rincon, Malinta, Veinte Reales, Canumay West, and Lingunan)


Pinaalalahanan ng lungsod ng Valenzuela ang lahat na panatilihin ang pagsasagawa ng social distancing at pagsusuot ng face mask at face shield.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page