top of page
Search

ni Thea Janica Teh | January 7, 2021



Arestado ang tatlong magkakaibigan matapos mahuling nagbebenta ng marijuana sa isang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City nitong Miyerkules nang gabi.


Sa imbestigasyon ni Police Lt. Apolinario Aguinaldo, QCPD Station 10 SDEU Chief, nasa 22-anyos lamang ang mga lalaking naaresto. Kinilala ang dalawang suspek na sina “Dhendel” at “Joseph” na wala umanong trabaho at dati nang nakulong dahil din sa pagbebenta ng ilegal na droga.


Ang isa namang suspek na hindi pinangalanan ay isa umanong security guard. Sa isinagawang buy-bust operation, nakipagtransaksiyon umano ang mga pulis sa mga suspek sa Bgy. Gulod bandang alas-9 ng gabi.


Itinanggi pa umano ni “Dhendel” na kanya ang mga nasabat na droga. Nakumpiska sa tatlo ang 4 na bloke ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P420,000.


Sa ngayon ay hawak na ng pulis ang tatlong suspek at nahaharap ang mga ito sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 6, 2021





Hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng copper face mask, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.


Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na naglabas ng advisory 2020-1181 ang FDA ng listahan ng mga aprubadong medical face mask na maaaring magamit.


Sa nasabing listahan, hindi umano kabilang ang copper mask kaya naman hindi ito medical-grade. Naging popular ang copper-infused face mask dahil nakatutulong umano ang copper sa pagpuksa ng virus at dahil sa antimicrobial layer nito.


Ngunit, karamihan sa mga ito ay butas sa parte ng baba. “Nevertheless, considering that it is still a face mask, it can still prevent the spread of COVID-19 mainly by acting as a physical barrier for droplets when a person emits droplets,” dagdag ng DOH.


Matatandaang naging viral ang kuha ng isang netizen sa Makati Medical Center na hindi pinapapasok ang mga taong may suot ng copper face mask at mask na may valve.


Naglabas na ng updated advisory ang ospital at sinabing ang ipinagbabawal na lamang nilang mask ay ang mga may valve, vent, slit o holes.


Samantala, tinatayang nasa 86.5 milyong tao na ang nagkaroon ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa JOHN Hopkins University coronavirus dashboard.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 6, 2021





Anim na bansa ang nadagdag sa travel restriction ng Pilipinas ngayong Miyerkules upang maiwasan ang pagpasok sa bansa ng bagong variant ng COVID-19. Kabilang sa 6 na bansa ang Portugal, India, Finland, Norway, Jordan at Brazil.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pagbabawalang makapasok sa Pilipinas ang lahat ng flights na manggagaling sa mga nabanggit na bansa sa loob ng 14 na araw na magsisimula sa Enero 8 hanggang 15.


Dagdag pa ni Roque, ito ay napagdesisyunan ng Office of the President mula sa rekomendasyon ng Department of Health at Department of Foreign Affairs.


Ang mga dayuhan na makakapasok ng bansa bago mag-Enero 8 ay kinakailangang sumailalim sa 14-day quarantine kahit pa magnegatibo sa RT-PCR test.


Samantala, papayagan pa ring makapasok ang lahat ng mga Pinoy basta’t isasailalim ang mga ito sa screening ng COVID-19 at facility-based quarantine.


Papayagan ding makapasok ang mga menor-de-edad na pabalik ng bansa mula sa repatriation program ng pamahalaan.


“These repatriated minors shall be turned over to the Overseas Workers Welfare Administration house parent who, in coordination with the Department of Social Welfare and Development (DSWD), shall ensure the minors’ safety and their observance of quarantine protocols,” ani Roque.


Sa ngayon ay may kabuuang 27 bansa na ang nakapailalim sa travel restriction sa Pilipinas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page