top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 26, 2020




Sumuko nitong Kapaskuhan sa Taguig City Police ang isang lalaking pumatay sa dalawa nitong anak isang araw matapos ang pagkamatay ng kanyang asawa.


Kinilala ang suspek na si Aiko Siancunco, 28-anyos na pumatay sa 3-anyos na anak na babae at 1-anyos na anak na lalaki sa kanilang bahay sa Barangay North Signal. Ayon kay City Police Chief Col. Celso Rodriguez, puno umano ng dugo ang puting t-shirt ng suspek noong ito ay sumuko.


Kuwento pa ni Rodriguez, sumuko umano si Siancunco matapos nitong mapigilan ang pagtangkang pagbibigti. Agad na pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng suspek at nakita ang labi ng dalawa nitong anak sa kama.


Sa isang pahayag, napag-alamang nagtrabaho bilang call center agent si Siancunco at ang asawa nito. Matagal na umanong nagtatalo ang dalawa dahil nahihirapang maghanap ng trabaho simula nang ipatupad ang lockdown noong Marso dahil sa COVID-19. Sa ngayon ay nahaharap sa kasong parricide ang suspek.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 26, 2020




Patay ang isang grupo ng New People’s Army (NPA) nitong Kapaskuhan matapos matamaan ang kanilang kampo sa Daguma Mountain Range sa Sultan Kudarat ng GPS-guided smart bomb na hinulog ng Philippine Air Force FA-50 jet.


Ayon kay Major General Juvymax Uy, commander ng Joint-Task Force Central’s 6th Army Division, mayroon umanong nagsumbong na mga residente at local officials sa militar na may movement ang mga NPA sa kanilang lugar at nagpaplanong ipagdiwang ang Communist Party ng ika-52 anibersaryo ngayong Disyembre 26.


Agad itong inaksiyunan ng militar at natagpuan ang base camp ng NPA sa Sitio Kalumutan sa boundary ng Palimbang, Lebak, Kalamansig at parte ng bayan ni Senator Ninoy Aquino.


Nakuha sa kampo ang 3 labi ng hindi pa nakikilalang miyembro ng NPA, 100 bandolier bags, improvised explosive device components, laptop, generators, sirang mga baril at mga dokumento.


Dagdag pa ni Uy, ito umano ang kauna-unahang beses na nakakita ang militar ng Far South Regional Committee base camp matapos ang ilang taong operasyon sa Daguma Range.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 26, 2020



Magdadala ng pag-ulan ngayong weekend ang low pressure area (LPA) sa Visayas, Mindanao, Bicol Region, Quezon at Palawan, ayon sa PAGASA.


Ang mga nabanggit na lugar ay posibleng makaranas ng flash floods o landslide kaya naman, pinag-iingat ang lahat ng mga naninirahan dito.


Bukod pa rito, makararanas din ng mahinang pag-ulan at maulap na panahon ang Northern at Central Luzon kabilang ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Aurora dahil naman sa northeast monsoon o hanging amihan.


Samantala, makararanas naman ang Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa ng maulap na panahon at isolated rain showers at thunderstorm dahil sa localized thunderstorms.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page