top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 29, 2020



Isasailalim na sa clinical trial upang malaman ang safety at efficacy ng COVID-19 vaccine candidate na gawa ng American biotech company na Novavax na gaganapin sa United States at Mexico, ayon sa US National Institutes of Health (NIH).


Sisimulan na rin ang phase 3 trial ng parehong vaccine na ang tawag ay NVX-CoV2373 sa United Kingdom kung saan 15,000 volunteers ang nakilahok. Sa US at Mexico, nasa 30,000 volunteers ang makikilahok sa phase 3 trial ng Novavax.


Ang 2/3 nito ay makatatanggap ng vaccine habang ang 1/3 naman ay placebo. Sa trial na ito, hindi malalaman ng mga volunteers kung vaccine o placebo ang itinurok sa kanila.


"The launch of this study -- the fifth investigational COVID-19 vaccine candidate to be tested in a Phase 3 trial in the United States -- demonstrates our resolve to end the pandemic through development of multiple safe and effective vaccines," sabi ni US immunologist Anthony Fauci, director ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID) na parte ng NIH.


Inaasahan na 25% ng participants ang mae-expose sa COVID-19 at kabilang dito ang mga African-American at Hispanic o ang mga volunteers na may health condition tulad ng obesity o diabetes.


Dalawang dose ang matatanggap ng mga volunteer na may 3 linggong pagitan. Ang vaccine ay maaaring itago sa pagitan ng 2 at 8 degrees Celsius (35 at 46 degrees Fahrenheit)—mas mainit sa naunang naaprubahang vaccine mula sa Pfizer/BioNTech at Moderna. Ibig sabihin, mas madali itong maipapamahagi.


Ang Pfizer at Moderna vaccine ay base sa bagong technology na messenger RNA, habang ang Novavax vaccine naman ay mula sa recombinant protein vaccine.


Samantala, nakatapos na sa phase 3 trial ang ilan pang COVID-19 vaccine na gawang Johnson & Johnson at Astrazeneca/ Oxford at inaasahang makakukuha na rin ng emergency authorization distribution sa US.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 29, 2020



Isang namumuong low pressure area (LPA) ang binabantayan ngayong Martes sa Mindanao, ayon sa PAGASA. Ito ay namataan sa 1,165 kilometers east ng Mindanao kaninang 6 am at inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw.


Magdadala ito ng pag-ulan sa Caraga, Davao Region, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Kalayaan Island. Ngunit, ayon kay Weather Specialist Ana Clauren, hindi umano ito lalakas at magiging bagyo. Samantala, patuloy pa rin na maaapektuhan ng hanging amihan ang Batanes at Babuyan Island.


Inaasahan naman na magiging maulap na ang panahon sa Cagayan Valley at Aurora dahil naman sa tail-end ng frontal system. Makararanas na rin ng maulap at magandang panahon ang Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa ngayong Martes.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 28, 2020




Anim hanggang pitong magkakaibang COVID-19 vaccines ang pinaplanong bilhin ng pamahalaan, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong Lunes at sinabing hindi lang isang brand ng vaccine ang pinapaboran ng mga ito.


Aniya, nabanggit na umano ng vaccine czar kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bibilhing vaccine na may efficacy rate na pasok sa standard ng World Health Organization.


Ibinahagi rin ni Vergeire ang sagot nito sa mga paratang ng ibang senador na may isang vaccine lamang ang pinapaboran ng pamahalaan at ito ay ang Sinovac na gawang-China na may 50% efficacy rate at dumadaan pa sa late-stage trial. “Hindi po tayo kumikiling sa iisa lang na bakuna.


Hindi rin po tayo papayag na papasok ang bakuna rito na hindi dumadaan doon sa ating regulatory process, which will ensure that the vaccine will be safe and effective for our population.” Sinabi rin ni Vergeire na marami umanong option na COVID-19 vaccine ang pamahalaan.


“Kailangan pong maintindihan ng ating mga kababayan, we are getting portfolio of the vaccine. Ibig sabihin, hindi lang po isa kundi marami po tayong pinagpipilian,” dagdag ni Vergeire.


Samantala, nitong Linggo, sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na piliin ang best COVID-19 vaccine para sa Pilipinas batay sa efficacy, efficiency at cost-effectiveness nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page