top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 30, 2020




Nagpositibo sa COVID-19 ang isang nurse mula sa California mahigit isang linggo matapos maturukan ng vaccine na gawang Pfizer Inc., ayon sa ABC News nitong Martes.


Kinilala ang nurse na si Matthew W., 45-anyos, mula sa dalawang lokal na ospital sa California. Nitong Disyembre 18, ibinahagi ni Matthew sa kanyang Facebook na naturukan na siya ng vaccine at nakaramdam ng pamamaga ng braso sa buong araw.


Makalipas ang 6 na araw, mismong Kapaskuhan, nagkasakit umano si Matthew matapos magtrabaho sa COVID-19 unit. Nakaramdam ito ng panginginig, pananakit ng kasu-kasuan at panghihina.


Agad itong pumunta sa drive-up hospital upang magpa-test at napag-alamang nagpositibo ito sa COVID-19.


Ayon kay Christian Ramers, isang infectious disease specialist ng Family Health Centers of San Diego, ang senaryong ito ay hindi inaasahan.


Aniya, "We know from the vaccine clinical trials that it's going to take about 10 to 14 days for you to start to develop protection from the vaccine."


Dagdag pa ni Ramers, nasa 50% pa lamang epektibo ang unang dose ng vaccine kaya naman kinakailangan pa ang ikalawang dose upang maging epektibo ng 95%.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 30, 2020




Kabilang na ang United States sa mga bansang kasali sa travel restrictions dito sa Pilipinas upang maiwasan ang pagdating ng bagong variant ng COVID-19, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Miyerkules.


Ani Roque, epektibo na ang pagsama sa US sa listahan ng mga lugar na may restricted entry. Ngunit, hindi ito maituturing na travel ban, kundi paghihigpit lamang dahil pinapayagan pa rin ang pag-uwi ng mga Pinoy galing US.


Samantala, ang travel restriction na ipinatupad sa United Kingdom kung saan na-detect ang bagong variant ng COVID-19, kasama ang 19 pang bansa, ay pagbabawal sa mga banyaga na makapasok sa ‘Pinas hanggang Enero 15, 2021.


Una na ring sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na pansamantalang isasama ang US sa travel restriction habang pinag-aaralan pa ng pamahalaan ang bagong variant.


Ayon naman sa Malacañang, ang DOH at DFA na ang bahalang maglabas ng guidelines patungkol sa restricted entry ng US at iba pang lugar.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 29, 2020




Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagturok ng hindi awtorisadong COVID-19 vaccine sa ilang militar at gabinete, ayon kay Department of Health Undersecretary Eric Domingo, ngayong Martes.


Ayon kay Domingo, hindi pa umano nakapagbibigay ng report ang regulatory enforcement unit at sinabing naghahanap na ang mga ito ng iba pang detalye tungkol sa nangyaring vaccination.


Aniya, “Saan ba nanggaling ang bakuna? Ano ba 'yung assurance natin na totoong bakuna 'yun at na-handle siya properly bago itinurok sa mga, allegedly, sundalo.”


Dagdag pa ni Domingo, tatanungin umano nito ang Philippine Army at Presidential Security Group (PSG) para sa iba pang impormasyon ng mga nakatanggap ng hindi awtorisadong vaccine.


Hindi rin umano alam ni Health Secretary Francisco Duque III kung sinu-sinong gabinete ang naturukan ng vaccine at hindi rin umano ito kasali sa mga naturukan.


Nitong Sabado, nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilan sa mga military personnel ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese manufacturer na Sinpharm na wala pang approval ng FDA.


Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines, ang mga nakatanggap lamang ng vaccine ay mula sa PSG.


Sinabi rin ni Domingo na hindi pa kinakausap ng Sinopharm ang FDA para sa posibleng aplikasyon.


“Ang Sinopharm po kasi, hindi pa lumalapit sa FDA. Wala pa po silang application na kahit ano dito sa Pilipinas, tapos wala po silang representative rito sa Pilipinas,” ani Domingo.


Susubukan din umanong makipag-usap ng FDA sa Chinese

manufacturer sa tulong ng Chinese Embassy.


Ibinahagi ni Domingo na magiging legal lamang ang paggamit ng vaccine kung ang kumpanya ay magpapasa ng aplikasyon para sa “compassionate special permit” na ibinibigay lamang para sa medicines for emergency at research purposes. Ito rin umano ang permit na nakuha ng COVID-19 medicine na Remdesivir upang maisagawa ang clinical trial sa Pilipinas.


Tinatayang nasa P500,000 hanggang P5 milyon ang multa sa sinumang napatunayang lumabag at gumamit ng vaccine na hindi pa awtorisado ng FDA.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page