top of page
Search

ni Thea Janica Teh | January 2, 2021




Patay ang isang kumandidatong mayor noong 2019 sa Barangay Apas, Cebu City nitong Biyernes nang gabi matapos tambangan ng limang armadong lalaki.


Ayon kay Police Captain Francis Renz Talosig ng Mabolo Police Station, kinilala ang biktima na si Ruben Feliciano.


Pauwi na sana si Feliciano kasama ang kanyang pamangkin galing sa trabaho nang bigla itong pagbabarilin bandang 6:30 pm sa Fulton Street. Nakasakay umano ang limang kalalakihan sa puting van na walang plate number kaya agad na nakatakas.


Dumating din agad ang rescue ngunit, hindi na nila naabutang buhay si Feliciano. Samantala, dinala naman sa isang pribadong ospital ang pamangkin nito at nasa mabuti nang kalagayan.


Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang 5 cartridge case ng hindi pa matukoy na caliber, 7 rounds ng live ammunition ng hindi pa rin matukoy na caliber, 3 deformed slug at 1 caliber Glock pistol na may 11 bala.


Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kung ano ang motibo ng mga suspek at kung sino ang mga ito.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 31, 2020




Kamatayan ang ipinataw na parusa ng Kuwait Criminal Court sa isang Kuwaiti habang 4 na taong pagkakakulong naman sa kanyang mister matapos i-torture at patayin ang isang Pinay domestic worker na si Jeanelyn Padernal Villavende noong 2019.


Ayon sa Philippine Embassy lead council na si Atty. Sheikha Fawzia Al-Sabah, patas umano ang naging desisyon ng korte.


Pinasalamatan din ni Philippine Ambassador to Kuwait Mohd Noordin Pendosina Lomondot si Sheikha Fawzia at ang pamahalaan ng Kuwait dahil sa nakuhang hustisya ni Villavende.


Matatandaang namatay si Villavende noong Disyembre 28, 2019 sa kamay ng kanyang mga employers. Ayon sa embalming certificate nito, namatay si Villavende dahil sa “acute failure of heart and respiration as result by (sic) shock and multiple injuries in the vascular nervous system.”


 
 

ni Thea Janica Teh | December 31, 2020




Binawi ng Malacañang ang una nitong pahayag na kasama na ang United States sa mga bansang nakapailalim sa travel restriction sa Pilipinas dahil sa natuklasang bagong variant ng COVID-19.


Matatandaang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na epektibo na agad ang travel restriction sa US.



Ngunit, sa ipinadala nitong statement ngayong Miyerkules nang gabi, sinabi nito na sinusuportahan niya ang pahayag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na nakikipag-usap pa ang Department of Health sa World Health Organization at sa International Health Regulations Focal Point sa US para makakalap ng impormasyon tungkol sa bagong variant ng COVID-19.


Habang hinihintay ang kumpirmasyon, ipinaalala ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na sumailalim at tapusin ang 14-day quarantine bago pumasok ng bansa kahit pa magnegatibo ito sa RT-PCR test.


Sa ngayon ay nasa 20 bansa na, kabilang ang United Kingdom, ang nakapailalim sa travel restriction sa Pilipinas hanggang Enero 15, 2021.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page