top of page
Search

ni Thea Janica Teh | January 4, 2021





Nakapagtala ng 99% detection rate ang saliva test sa halos 1 milyong nagpa-test sa COVID-19 sa United States, ayon sa Philippine Red Cross (PRC) nitong Linggo.


Ayon kay PRC Biomolecular Laboratories Chief Paulyn Ubial, nagpasa na rin umano ang PRC ng sarili nitong saliva test at naghihintay na lamang ng approval mula sa health technology panel ng Department of Health (DOH).


Aniya, “Saliva tests are cheaper and can be done much easier. In the University of Illinois, they have done one million saliva tests and 99 percent detection or concordance rate was recorded.”


Dagdag pa nito, patuloy pa ring magsasagawa ng COVID-19 testing service ang PRC kahit na magsimula na ang national immunization program sa bansa. “When vaccines come, not all would be vaccinated immediately. In fact, they’re saying that only 20 percent of the world’s population can be vaccinated within 2021.


So, they’re looking at up to three years of vaccination for us to achieve herd immunity. That means tests would continue,” ani Ubial.


Una nang ibinahagi ng PRC na naging matagumpay ang saliva test trial nito at naipasa na nila sa DOH kaya naman nag-aabang na lamang sila ng approval mula rito.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 4, 2021



Natagpuang patay ang isang flight attendant sa isang hotel sa Makati City matapos umanong magdiwang ng Bagong Taon kasama ang mga kaibigan.


Sa imbestigasyon ng Makati Police, kinilala ang biktima na si Christine Angelica Dacera, 23-anyos na natagpuan ng kaibigan nitong si Rommel Galida na walang malay sa bath tub ng kuwarto.


Nang malaman na hindi ito magising, agad itong ipinaalam ng mga kaibigan sa management ng hotel.


Agad na dinala ang biktima sa clinic ng hotel at isinailalim sa cardio respiratory resuscitation o CPR ng security manager ng hotel na si Peter Paul Poningcos, ngunit wala na itong pulso.


Sinubukan pa umanong humingi ng tulong ng hotel sa rescue team ng Barangay Poblacion ngunit walang dumating kaya naman sila na ang nagdala sa ospital.


Pagdating ng ospital ay idineklara rin itong dead on arrival. Sa ngayon ay isasailalim sa otopsiya ang biktima upang malaman kung ano ang ikinamatay nito.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 4, 2021




Arestado ang 25 katao sa Cubao, Quezon City matapos makatanggap ang mga pulis ng reklamo sa pagsasagawa ng ilegal na pasugalan at online sabong. Agad na pinuntahan ng mga pulis ang isang compound sa Barangay San Roque.


Naabutan ng mga otoridad sa isang kuwarto ang mga lalaki na karamihan ay walang suot na face mask. Nakita rin na may menor de edad na tumatanggap pa ng taya. Ayon kay Police Major Jowilouie Balaro, hepe ng Cubao Police Station, nakapailalim sa community quarantine rules na bawal ang anumang uri ng electronic gaming activity.


Aniya, "Very blatant talaga 'yung violation du'n sa quarantine protocols natin kasi po ay nagkaroon na sila ng social gathering at nag-iinuman pa sila and marami ang hindi the naka-face mask at face shield."


Bukod pa rito, napag-alaman din na expired na ang permit ng nasabing lugar. Pahayag ng operator ng online sabong na isa rin sa mga nahuli, kinakailangan na umano nila ng mapagkakakitaan dahil wala na silang pambayad sa puwesto. Samantala, itinanggi naman ng iba pang naaresto na tumataya sila.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page