top of page
Search

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | Pebrero 3, 2024


Inilabas na nitong Disyembre 2023 ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) kaugnay sa comparative survey na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), na sumusuri sa academic performance, skills, and knowledge ng mga 15-taong gulang na mag-aaral mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.


Ang nakalulungkot, sa ikalawang pagkakataon, kabilang pa rin ang Pilipinas sa nakakuha ng pinakamababang score sa buong mundo. Sa kabuuang 81 bansa na sumailalim sa survey, nakuha natin ang ika-77 puwesto at pangalawa sa pinakamababa sa mga ASEAN countries. Isang hakbang lang ang inilamang natin sa bansang Cambodia.


Dagdag pa rito, pang-anim mula sa pinakamababa ang ating mga mag-aaral sa larangan ng Reading at Mathematics; pangatlo sa pinakamababa sa skills sa Science.


Bagaman masasabing tumaas tayo ng kaunti sa mga aspetong ito mula sa 2018 PISA, hindi pa rin ito nakatutuwa sa totoo lang. Walang halos ipinagbago, gayong apat na taon na naging pagitan ng PISA survey.


Kung sabagay, bago pa man lumabas ang resulta ng PISA 2022, nagpahayag na ang DepEd na hindi sila umaasang makapagrerehistro tayo ng “good” scores. Isaalang-alang natin ang naging kalagayan ng ating mga mag-aaral sa mahigit dalawang taong pandemya, kung saan apektado talaga ang pag-aaral ng mga estudyante.


Bagaman ipinamumukha sa atin ng 2022 PISA results na talagang napakalaki ng problema ng Philippine education system, marami sa sektor ng edukasyon ang hindi na nagulat pa sa kinalabasan ng survey. Masasabi na raw kasing may namumuong krisis sa ating sistemang pang-edukasyon kahit pa ilang beses nang sinubukang resolbahin ito mula pa noon.


Ang paglulunsad ng Second Congressional Commission on Education or EDCOM 2 noong Enero 2023 ang panibagong hakbang na binuo ng pamahalaan upang bigyang solusyon ang problema natin sa edukasyon. Matapos ang isang taon at ilang buwan makaraang lumabas ang resulta ng 2022 PISA, naglabas din ng report ang EDCOM 2: ang Miseducation: The Failed System of Philippine Education.  


Sa naturang report, detalyadong inilahad ng EDCOM 2 ang mga dahilan kung bakit patuloy na sadsad ang sitwasyon ng edukasyon sa bansa.


Isa sa nilalaman ng ulat ng EDCOM 2 ay nagsasabing, “the education system as a whole is not working well.” Ang malaking pagkukulang na ito ang isa sa mga ugat ng “miseducation” ng ating mga mag-aaral -- dahilan kung bakit nabuo ang mga krisis na ito.


Kung inyong matutunghayan ang pag-aaral ng EDCOM 2, ipinamumulat nito ang napakalaking kakulangan sa pagpapalakas sa ating education system, sa kabila ng mga kaukulang pondo na inilalaan sa sektor. Halimbawa na lamang, 27 textbook titles lamang ang nabili natin para sa Kindergarten hanggang Grade 10 mula pa noong 2012.


Bagaman sa pagitan ng mga taong 2018 hanggang 2022 ay nakapaglagak tayo ng P12.6 bilyong pondo para sa edukasyon para sa textbooks and instructional materials, P4.5 bilyon lamang (o 35.3%) lamang ang naiobliga, habang P952 milyon (7.5%) ang aktuwal na na-disburse.


Bilang chairperson ng Governance and Finance Standing Committee ng EDCOM 2, partikular na binigyang-pansin natin ang staffing levels ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sapagkat hindi nila nagagampanan ng maayos ang kanilang mga responsibilidad.


Sa kasalukuyan, marami nang inihahandang hakbang ang gobyerno para maresolba ang mga nakitang problema sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas. Sa kanyang Basic Education Report 2024, espisipikong tinukoy ni Bise Presidente at Education Secretary Sara Duterte ang napakaraming inisyatibo na ipinatutupad na ngayon ng DepEd tulad ng revised K-10 MATATAG Curriculum, at ang pag-alis ng administrative workload sa mga guro.


Bilang tayo ay chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating nakapaglaan tayo ng kaukulang pondo sa ilalim ng 2024 budget upang maresolba ang mga nakitang problema ng EDCOM 2. Kabilang sa mga pinondohan ang tulong para sa mga nutritionally at-risk mothers, ang pag-empleyo ng mga karagdagang assessors sa TESDA at training para sa child development workers and teachers.


Napakalaki ng nakita nating problema sa ating education system. Pero kung magtutulungan ang pribado at pampublikong sektor para bigyan ng solusyon ang mga suliraning ito, siguradong magkakaroon tayo ng pag-asang maiangat ang antas ng edukasyon sa bansa. 


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 28, 2024


Sa datos mula sa Department of Health (DOH) noong 2022, lumalabas na ang sakit sa baga ang numero uno, panlima, pangpito at pangsiyam na karamdamang nakamamatay sa Pilipinas. Katunayan, nananatiling nangunguna sa pinakamataas na bilang ng karamdaman ng mga Pilipino sa bansa ang acute respiratory tract infections mula 2021 hanggang 2022.


Sa totoo lang, maging viral man o bacterial ang mga impeksyong ito, nagagamot na ito sa modernong panahon, kung naaagapan. Pero kung patuloy nating babalewalain ang karamdamang ito, tiyak na lalala at maaaring mauwi sa pneumonia, chronic lower respiratory diseases tulad ng chronic bronchitis, emphysema, asthma at respiratory tuberculosis. Mangyari pang ang serious pulmonary ailments na ito ay naging pang-anim, pangpito at pangsampung dahilan ng kamatayan ng Pilipino noon pa ring 2022.


Daan-daang libo kundi man milyun-milyong Pinoy ang sa kasalukuyan ay nagtataglay ng sakit sa baga. At dahil dito, napakahalaga na mayroong tunay na kakayahan ang ating specialty hospitals tulad ng Lung Center of the Philippines (LCP), gayundin ang iba pang health facilities sa iba’t ibang panig ng bansa.


Sinuong natin ang problemang ito sa pamamagitan ng pagsasabatas, Agosto nang nakaraang taon, ng Regional Specialty Centers Act o ang RA 11959, kung saan tayo ay naging co-author. 


Sa ilalim ng naturang batas, inaatasan ang DOH na magtatag ng specialty centers sa mga ospital sa bawat rehiyon upang matutukan ang cancer care, cardiovascular care, renal care at kidney transplants, gayundin ang brain and spine care, trauma care, burn care at lung care.


Nakatutuwa na kamakailan lang, nagkaroon ng malaking katuparan ang isang pangarap -- ang magkaroon tayo ng lung transplant program sa bansa. Ito ay matapos ilunsad ang Lung Transplant Program sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos, kasama ang LCP at ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na dinaluhan din ng inyong lingkod.


Ang paglulunsad ng nasabing programa ay sinaksihan din nina Mayor Joy Belmonte, Batanes Rep. Ciriaco Gato, LCP Executive Director Dr. Vincent Balanag, NKTI Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquette, and Chairperson of the LCP-NKTI Lung Transplant Program Dr. Edmund Villaroman.


Isa sa mga layunin ng programa ang makapagpatupad tayo ng kauna-unahang human lung transplant sa Pilipinas, isang taon matapos itong mailunsad. Nangangahulugan, may pag-asa na para sa mga kababayan nating nangangailangan ng ganitong proseso.


Sa kasalukuyan kasi, wala ni isa mang pagamutan sa Pilipinas ang may ganitong kakayahan, kaya’t napakalaking bagay na sa mga darating na panahon, maisasagawa na sa mga pasyenteng dapat sumailalim sa lung transplant ang ganitong procedure.


Bilang chairman ng Senate Committee on Finance mula pa noong 2019, taun-taon ay tinitiyak nating may pondo tayo para sa health sector. At noon ngang 2022, ginawa natin ang lahat upang mapondohan ang LCP nang hanggang P20 milyon upang mapasimulan na ang kanilang transplant program at dagdag pang P25 milyon para sa kanilang inisyatibong Early Detection sa mga sakit sa baga.


Nakatulong nang malaki ang mga pondong ito lalo na sa mga doktor nila noong 2022, na makapag-training at magkaroon ng sapat na exposure sa mga institusyon kung saan ginagawa ang maraming transplants tulad ng Medical University of Vienna at sa Toronto General Hospital.


At sa pagsasakatuparan natin ng programang ito sa ating bansa, naging napakahalaga ng policy guidelines ng ating Pangulong Marcos sa pagpapatupad ng lung transplant program. Kung inyong matatandaan, isa ito sa talagang madalas na binabanggit niya noong kampanya – gayundin ang mabigyan ng sapat na pondo ang ating specialty hospitals.


Sapagkat ang inyong lingkod ay isa ring masugid na tagapagtaguyod ng mas pinaigting na healthcare sa bansa, tiniyak nating matutupad ang bisyon na ito. Kaya nga’t sa ilalim ng 2024 budget, naglaan tayo ng P130 milyon sa LCP para sa pagsisimula ng programang ito. Ang pagtupad ng pangarap ay naisasakatuparan kung tayo at lahat ng sektor ay nagtutulung-tulong.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 20, 2024


Mula nang maupo tayong chairman ng Senate Committee on Finance noong 2019, talagang naging masigasig na tayo sa pagsusulong ng iba’t ibang programa na alam naman nating magiging kapaki-pakinabang sa lahat ng Pilipino. At kabilang sa mga itinutulak natin ay repormang pangkalusugan.


Naging isa sa talagang pinuntirya natin ang pagkakaroon natin ng quality health care na makatutulong nang malaki sa ating mga kababayang salat sa buhay. Isa ito sa talagang dapat na pinagsisikapan ng gobyerno.


Taun-taon, tuwing tayo ay nahaharap sa pagdinig ng national budget, laging nariyan ang pagsusumamo ng ating mga kababayang mas mapalakas ang mga programang pangkalusugan --- nariyan ang mga kahilingang magkaroon ng mas modernong pasilidad sa mga pagamutan at ang pagkakaroon ng specialized care centers.


Mayroon tayong mga specialty hospital tulad ng Lung Center, Heart Center, at ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Ito ‘yung mga ospital na takbuhan natin para sa mga karamdamang naglalagay sa atin sa bingit ng kapahamakan dahil sa malulubha nating karamdaman.


Bilang isa sa mga nagsulong ng Universal Health Care Law, siniguro nating makapagkakaloob tayo ng abot-kaya kung ‘di man libreng medical care para sa lahat.


Kaya nga’t tuwing diringgin sa Senado ang pambansang budget, tinitiyak nating may kaukulang pondo para sa usaping pangkalusugan.


Sa ilalim ng 2024 national budget, mas pinaigting natin ang suporta sa Lung Center of the Philippines sa pamamagitan ng dagdag-pondo para naman matulungan natin sila sa layunin nilang maging kauna-unahang ospital sa bansa na makakapag-perform ng human lung transplant.


Mababatid natin na kilala ang Lung Center bilang natatanging ospital na nakagamot na sa napakaraming pasyente na may lung cancer. Magaling ang kanilang diagnosis, at marami nang napagtagumpayang operasyon, chemotherapy at radiotherapy, kabilang na rin ang endobronchial brachytherapy.


Sa ginawa nating pag-augment sa pondo ng Lung Center, nais lang nating iparating na tayo ay nakikiisa sa kanilang mga layuning maging mas episyente sa kanilang commitment sa publiko, tulad ng early disease detection. Ang maagap na deteksyon ng sakit ay isang paraan upang mailigtas ang buhay. Sa early detection kasi, maaaring sumailalim agad sa kinakailangang operasyon ang pasyente na susundan na ng radiotherapy o kaya naman ay chemotherapy.


Tungkol naman sa isa pang nakamamatay na karamdaman – ang chronic kidney disease, ang mga pasyenteng dumaranas ng karamdamang ito ay panghabambuhay nang sumasailalim sa hemodialysis treatments. Masuwerte na lamang kung makakakuha sila ng kidney transplant. At dahil alam nating napakarami ring pasyente na may suliranin sa kidney ang nagtutungo sa NKTI, siniguro rin natin na may dagdag na pondo ang institusyon sa ilalim ng 2024 budget.  


At para mas marami pang pasyente ang matulungan ng NKTI, tinaasan din natin ang alokasyon para sa mga medical assistance para sa mga pinakamahihirap nating kababayan. Pinondohan din natin ang pagsasaayos ng mga lumang silid at clinics sa NKTI. Pinondohan din natin, base na rin sa kanilang request na magkaroon sila ng peritoneal dialysis warehouse para sa kanilang simulation and skills laboratory training center. Magsisilbi itong training laboratory para sa pagsasagawa ng peritoneal dialysis.


Para naman sa Heart Center o PHC na kinikilala bilang pangunahing cardiovascular care center sa bansa, tinulungan natin sila sa kanilang pag-upgrade at magkaroon ng digital cardiac MRI na hindi lamang makapag-a-accommodate ng mas maraming pasyente kundi  mas magiging accurate pa ang kanilang diagnosis sa mga ito. At dahil sa mahusay na diagnosis, malalaman kung kinakailangan ng surgical procedure.


Nagkaloob din tayo ng pondo para pambili nila ng dalawang bagong kagamitan tulad ng heart lung machines at isang cardiac telemetry monitoring system.  


Hindi rito natatapos ang pangangailangan ng ating health facilities. Sa pagdaan ng panahon, kinakailangang makasabay din sila sa mga makabagong sistemang medikal kaya’t nararapat lamang na gawin din ng gobyerno ang lahat ng magagawa nitong tulong sa ating mga pasilidad pangkalusugan. Ito ay isang obligasyon ng gobyerno na dapat natututukan.


Ito ay para rin sa kapakanan ng mamamayan lalo na ang mga kababayan nating walang-wala na nangangailangan ng tulong sa iba’t ibang aspeto ng buhay tulad ng kalusugan. 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page